II

27 2 1
                                    

Araw ng Linggo.

Alas-quatro pa lang ay gising na kami upang maghanda sa unang simba ngayong araw.

Tinutulungan kong magluto si Marites ng aming agahan bago tuluyang magtungo sa simbahan.

Nagluluto ako ng adobo sa palayok habang si Marites naman ang nagluluto ng kanin.

Nilagay ko na ang pinya sa adobo at hinintay na lang itong kumulo bago hanguin.

Nilagay ko na ito sa malaking puting mangkok na binili pa namin mula sa Espanya at dinala na ito sa hapag.

Nakita ko si ama na inaalalayan si ina habang bumababa ng hagdan. Ibinaba ko kaagad ang adobo sa gitna ng mesa at lumapit na rin ako kay na ama para tumulong sa pag-alalay kay ina.

Nang makababa na kami ay tumingin sa akin si ina at hinawakan ang mukha ko.

"Maraming salamat anak," sabi niya sabay halik sa aking noo.

"Walang anuman po."

"Nasaan na ang kuya mo? Wala pa ba siya sa hapag?" tanong ni ama sa akin.

"Naliligo na po siya ngayon. Pagkatapos niya pong magbihis ay siguradong bababa na rin po siya rito," mabilis na tugon ko.

Umupo na sina ama't ina sa hapag habang ako naman ay bumalik sa kusina upang tulungan ulit si Marites sa pag-aayos ng hapag.

Maya-maya pa nang matapos na namin ang pag-aayos ng hapag ay siyang pagbaba naman ng nakatatanda kong kapatid galing sa taas.

"Victoriano, pumarito ka na at nang tayo ay makakain na," tawag ni ama sa nakatatanda kong kapatid na agad naman nitong sinunod. Umupo ito sa tabi ko.

Si ama ang nasa kabisera, sa kanan niya ay si ina, ako naman sa tapat ni ina, at katabi ko si Kuya Victoriano.

"Marites, halika na rito, sumabay ka na sa amin kumain," tawag ni ama kay Marites.

"H'wag na po Don Victor, mamaya na lang po ako kakain pagkatapos ninyo kumain," pagtanggi ni Marites.

"Hindi na Marites, sumabay ka na sa amin, at sumama ka na rin sa amin sa pagsimba," dagdag ni ina ngunit sa nanghihinang boses.

"Nakakahiya po kasi Donya Vallery," sambit ni Marites sabay yuko.

"H'wag ka na mahiya. Pamilya na ang turing namin sa'yo," sabi ni ama.

"Halika, umupo ka rito sa tabi ko," sabi ni ina.

Kumuha muna si Marites ng kanyang gagamitin sa pagkain bago tuluyang umupo sa tabi ni ina.

"Tara at magdasal muna tayo," sabi ni ama.

Tumingin siya sa akin tanda na ako ang inaatasan niyang mamuno ng dasal ngayon.

Pumikit ako.

"Sa ngalan ng ama, ng anak, at ng espirito-santo. Amen.

Ama, maraming salamat po sa pagkaing nakahain sa aming hapag. Salamat po dahil hindi niyo kami pinapabayaan sa araw-araw.

Sa ngalan ng ama, ng anak, at ng espirito-santo. Amen."

Nag-antanda kami ng krus at nagsimula na kumain.

Biglang nagtanong si ama sa nakatatanda kong kapatid.

"Victoriano, nasa dalawampu't isang taong gulang ka na. May napupusuan ka na ba upang maging asawa? Maaari akong magrekomenda sa iyo ng mga babaeng gusto namin para sa iyo," mahabang pahayag ni ama.

Nabulunan naman si Kuya Victoriano. Napapahampas siya sa kanyang dibdib.

Nakita ko namang hinampas nang mahina ni ina ang kamay ni ama. Parang sinasabi na, "bakit naman bigla-bigla ang iyong pagtatanong?"

Victoria de VictoriaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon