Iprito ang tatlong pirasong hotdog na nabili mo. Isaing ang tirang kanin kahapon. Ihain mo sa lamesa at magsalo salo.
Ikaw ay isang ina, bente sais anyos at walang pinagtapusan. Maaga kang nabuntis at ngayon ay binubuhay ang mga bata ng mga isa. Ang asawa mong tricycle driver ay namatay noong nakaraang taon sa isang aksidente.
Ang tanging rason mo para mabuhay ay ang tatlo mong anak.
Sa loob ng maliit na tirahang pinagtagpi tagping yero at maninipis na kahoy, kayo ay tabi tabing natutulog. Ito lamang ang naiwan ng asawa mo sainyo.
Buong araw ay nakatayo ka sa tabi ng isang palengke kung saan pumaparada ang mga motorsiklo at sasakyan. Ikaw ay nagbabantay ng mga motor at tinutulungan magpark ang mga paparating na sasakyan.
Tatapon sila ng singko.
Tatapon sila ng dyis.
"Maraming salamat." Ang sasabihin mo habang nagpupulot ng bariya.
Minsan ay nakakakuwa ka ng isang daan dahil may naawa at may mga bukal na pusong nagbibigay ng bente. Pero kadalasan kakaunti lamang ang nakukuwa mo.
Buti na lang at nariyan si Enrique, ang labing dalawang taon mong gulang na anak. Ito ay nag uuwi ng kwarenta o singkwenta pesos galing sa pamamalimos sa plaza at mga restaurant.
Gustuhin mo man siyang pagbawalan ay hindi mo ito magawa, ang kanyang nauuwing pera ay panggatas at diaper na rin ng sanggol mong anak na si Ben.
Buksan mo ang isang delatang sardinas. Lagyan ito ng kalamansi upang mas sumarap. Bigyan ng tig-isa isang pirasong isda ang mga anak mo at ibuhos ang sabaw nito sa kanin.
"Karen, di ba bilin ko sayo na huwag magpapasok ng ibang tao dito sa bahay." Tugon mo sa sampung taong gulang mong anak na babae.
Iniiwan mo ito sa bahay tuwing kayo ay naghahanap ng pera ni Enrique. Si Karen na ang nagpapalit ng diaper at nagpapainom ng gatas sa sanggol na si Ben.
"Dumaan po kasi si Tito Roy kanina," ang sabi ni Karen. "Nag iwan po ng bigas."
Nakita mo ang isang plastic sa lamesa. Si Roy, na kaibigan ng asawa mo ay minsang nagdadala ng mga delata at bigas. Wala rin kasing ibang makakatulong. Ang kapatid mo sa probinsya ay dalawang buwan ng hindi nakapagpapadala. Naghihirap rin sila.
"Basta ako lang at si Tito Roy mo ang papasukin hah. Maraming mga adik diyan sa labas." Ang bilin mo kay Karen.
Mahirap na, babae pa naman ito.
Ilagay ang noodles at flavoring sa kumukulong tubig at maghintay ng limang minuto. Isabaw sa kanin. Mas masarap kainin habang mainit.
"Utang nanaman!" sigaw ni Aling Rina. "Ano ba yan! May tatlong daan ka pang kulang sakin, bayaran mo muna."
"Rina, kahit isang bear brand lang. Panggatas lang ni Ben." Nahihiya mong sabi sa may ari ng tindahan. "Nagamit ko kasi yung pera pang bayad sa tubig."
"Ang problema kasi, aanak anak kayo. Di niyo naman pala kayang tustusan, mga salot kayo sa bansa! mga walang kwenta!" Patapon na binigay nito ang sachet ng gatas sayo. "Bayaran mo yan bukas, ha."
Umuwi ka kaagad upang matimpla ito. Hindi pa nakakainom ng gatas si Ben simula ng umaga.
Habang nagtitimpla ay nakatingin ka sa labas. Naghihintay sa pagbalik ni Enrique galing sa palilimos. Ang uuwiin nitong pera ay ipambibili mo ng ulam.
BINABASA MO ANG
Ang Mga Lihim Na Istorya Ng Itim Na Araw
HorrorKoleksyon ng mga istorya kung saan mahahanap ng iba't ibang karakter ang mga sarili nila sa mga abnormal, nakakadiri, at perverted na sitwasyon. Halika at basahin mo ang kanilang pagdudusa. Halika at basahin mo silang sumigaw, umiyak at mawala sa ka...