HANGGANG sa kusina ay dinig ni Beth ang bunganga ng kanyang amo. Pinagagalitan na naman nito ang isa sa mga kasamahan niyang katulong.
Nakita niyang umiiyak na ang katulong na si Cecille. Namumula ang pisngi nito sa mga sampal ng Donya.
Kahit natatakot, napilitan siyang lapitan at awatin ang amo.
"Donya Gloria, tama na ho iyan!" Sinubukan niya itong hawakan. Ngunit isang malutong na sampal ang pinakawalan nito sa kanya.
"Isa ka pa!" panduduro sa kanya ng Donya. "Anong tama na? Kita mo 'tong ginawa ng hampaslupang ito sa damit ko! Nalagyan ng puti-puti at nangupas ang kulay! Paano ko na n'yan masusuot ito? Letse!"
"Hindi naman po niya ito sinasadya. Marami naman po kayong damit na puwedeng suotin. Hayaan n'yo na lang po ito at tutulungan ko na lang siyang labhan ulit."
Nanlaki ang mga mata ng Donya sa galit. "Alam mo ba kung gaano kamahal ang damit na ito? Mas mahal pa ito sa mga buhay ninyo!"
Kinabahan siya nang lumapit muli ang amo kay Cecille.
"Ikaw, sisante ka na! Mag-empake ka na ngayon din kung ayaw mong kaladkarin kita palabas!" Idiniin nito ang hintuturong daliri sa noo ng babae.
Dali-daling tumayo si Cecille at payukong naglakad paalis. Halos maiyak din si Beth sa labis na awa sa babae.
"MAGPAKABUSOG kayo d'yan, ha? Magutom na ang lahat huwag lang kayo, because Mama Gloria loves you!" Nakangiti ang ginang habang kinakausap ang limang mga alagang aso. Masaya niyang pinagmamasdan ang mga ito habang kanya-kanya sa pagkain.
Mas mahal pa ang pagkain ng mga asong iyon kaysa sa mga katulong niya. Malawak at malinis din ang kuwarto ng mga ito kumpara sa silid ng mga maid na pinagsisiksikan na lang sa liit. Mas hayop pa nga kung tratuhin niya ang mga kasambahay kaysa sa sariling mga alaga.
Mabuti at may nagtitiis pang magtrabaho kay Donya Gloria. Siguro ay matindi ang pangangailangan kaya kahit impyerno ay handang pasukin matugunan lang ang pangangailangan ng pamilya.
HIMBING na ang tulog ng mga kasamahan ni Beth. Bumangon siya nang makaramdam ng pagkauhaw. Nakalimutan niyang magdala ng tubig sa silid kaya naisipang kumuha sa kusina. Sakto namang sinumpong ang pantog niya kaya nag-CR muna siya bago kumuha ng tubig.
Pagbukas sa refrigerator, kinuha niya ang isang pitsel at inilapag sa lamesa. Akmang kukuha pa lang siya ng baso nang may marinig na mga boses sa likod ng bahay. Tila narinig niyang nagsasalita ang kanyang amo kaya nagtaka siya kung bakit gising pa ito sa ganoong mga oras. Naisipan niyang palihim na magmasid dito.
Nagtago siya sa likod ng washing machine. Mas dinig niya roon ang nagaganap na pag-uusap.
"Bakit ito lang, Madam? Akala namin maraming deliver ngayon," anang lalaking nakaitim na jacket. May kasama itong tatlong tao na pawang mga nakaitim din at may facemask sa bibig.
"Iyan pa lang ang nakuha ko kay Boss!" Halata ang pagmamadali ng Donya. "Konti lang kasi ang available na cocaine ngayon. Sige na! Baka may makakita pa sa inyo! Asan na?"
Nagulat si Beth sa narinig. Kitang-kita niya nang abutin ng amo ang isang bag na naglalaman ng libu-libong halaga. Doon niya natuklasan ang madilim na lihim ng Donya. Naging milyonaryo lang pala ito dahil sa pagbebenta ng mga iligal na droga. At kaya siguro ganoon na lang kalupit ang ugali nito ay baka sumisinghot din ang bruha.
Kinabahan siya nang maramdaman sa ilong ang nagbabadyang pagbahing. Halos takpan niya ang buong mukha gamit ang dalawang kamay para ito'y pigilan. Subalit nang mailabas niya ito ay lumikha pa rin iyon ng kaunting ingay. Sapat na para marinig siya ng mga ito.
BINABASA MO ANG
BANGUNGOT (Book 1)
HorrorBabala: Hindi ka na makakatulog kapag binasa mo ito. Siguraduhing handa ang iyong puso sa mga kuwento rito na sagad sa buto ang takot.