Pagkain

1.2K 51 44
                                    

TAPOS na ang bagyo kaya nakalabas na rin ng bahay si Usman. Sa bayan ang punta niya para bumalik sa trabaho sa palengke. Ilang araw ring hindi nakapagtrabaho dahil sa tindi ng bagyo na sumira sa maraming kabahayan at kalikasan.

Habang tinatahak niya ang shortcut sa gubat patungo sa bayan, sumalubong sa kanya ang ilang mga natumbang puno dulot ng bagyo. Nasira tuloy ang dating ganda ng gubat sa kanilang lugar. Halos makalbo ang ilang parte nito.

Nahinto siya nang mapadaan sa isang batis. Umagaw sa pansin niya ang isang itim na rebultong naligaw sa tabi ng mga bato. Nilapitan niya ito at pinagmasdang mabuti. Hindi niya alam kung santo ba ito dahil wala naman itong kahawig sa mga iyon. Hindi rin niya masabi na si Buddha ito dahil napakalayo ng hitsura nito. Isa lang itong katutubong babae na hubad ang katawan at natatakpan ng mga ahas ang maseselang bahagi.

Naengganyo siyang kunin ito at pansamantalang iniuwi sa kanilang bahay.

Hapon. Pagkauwi ni Usman ay nakita niyang naka-display sa loob ng kuwarto ang napulot na rebulto. Ang asawa niyang si Fareeha ang naglagay nito roon. Nakapuwesto ito malapit sa papag na hinihigaan nila.

Ayon sa babae ay may dala raw itong biyaya. "Hindi mo naman kasi matatagpuan iyan kung walang dahilan."

Lumapit si Usman sa asawa. "Babalik nga pala ako mamaya sa konsignasyon. Marami pa kasi kaming gagawin doon. Saka bigla rin akong nalipat sa night shift."

Tumango lang ang babae habang nakaharap sa rebulto. Naniniwala talaga ito na may suwerte itong dala. Palibhasa ay puro pamahiin ang laman ng isip kaya makakita lang ng hindi pangkaraniwan ay may dala nang suwerte para sa kanya.

Pasadong alas-dyes ng gabi nang bumalik si Usman sa trabaho. Naiwan naman si Fareeha kasama ang dalawa nilang anak na lalaki.

Binuksan ng babae ang bintana para pumasok ang hangin. Pagkatapos ay tumabi na siya sa mga bata at kinumutan ang mga ito.

Pagbalik ni Usman nang madaling araw, nalukot ang mukha niya sa napakabahong amoy na umaalingasaw sa bahay. Halos magpigil na siya ng hininga para lang hindi ito maamoy.

Pagpasok niya sa kuwarto, isang malagim na surpresa ang bumulaga sa kanya. Wala nang buhay ang asawa pati ang dalawang bata. Tunaw ang katawan ng mga ito at halos kalansay na lang ang natira. Bumaha ng dugo sa papag hanggang sa sahig. Pinagpipistahan na rin ito ng mga langaw.

Sumikip ang dibdib ni Usman. Hindi niya kinaya at napaluhod siya sa sahig. Nanginginig ang buong katawan niya sa labis na sindak. Gusto niyang sumigaw ngunit walang boses na lumalabas sa bibig niya. Nais niyang umiyak ngunit ayaw tumulo ng mga luha niya. Nanigas siya sa sobrang pagkagimbal. Kulang na lang ay himatayin siya.

Bigla siyang napalingon sa kinaroroonan ng rebulto. Ganoon na lamang ang pagkagulat niya nang makitang lampas na sa tao ang laki nito. Hindi niya alam kung nananaginip lang ba siya o namamalikmata, pero kahit anong kurap niya ay hindi ito nagbabago. Napakalaki nito. Mas malaki pa sa kanya.

Umiiyak siya habang buhat-buhat ang rebulto. Hindi niya alam kung anong misteryo ang bumabalot dito pero batid niyang may kinalaman ito sa nangyari sa kanyang pamilya.

Ibinalik niya kung saan natagpuan ang rebulto. Ngunit hindi lang niya basta ibinalik doon. Dahil binasag niya ito sa tabi mismo ng mga bato sa batis. Saka siya nagsisigaw sa sobrang galit at humagulgol nang iyak.

Napaluhod siya at doon ibinuhos ang mga luhang kanina pa niya gustong ilabas. Ngunit hindi nagtagal, bigla na lang siyang nakaramdam ng paninikip ng dibdib. Unti-unting bumaligtad ang mga mata niya at bumuka ang bibig.

Pagkabagsak sa lupa, naninigas na ang katawan niya at wala nang buhay. Hindi na niya nasilayan ang muling pagkabuo ng rebulto. Nanumbalik ito sa orihinal na laki.

HABANG nagmamaneho si Ricci ay walang patid sa pagsasalita ang nobyang si Nadine.

"Sayang talaga 'yong Damian Forest nila rito, 'no? Nasira lang ng bagyo. Iyon pa naman ang pinakamagandang gubat dito sa Mindanao."

Parehong researcher sa isang entertainment show ang magkasintahan at nagpunta sila sa lugar na iyon para maghanap ng mga kuwentong ipapalabas sa telebisyon.

"By the way, 'yon palang documentary ko about sa Buringaw Tribe ay rejected. Sayang ang ganda pa naman ng kuwento ng mga tribo na 'yon! Alam mo ba, kapag namatay raw 'yong mahal nila sa buhay, may ginagawa silang mga ritwal para kahit patay na 'yong tao ay magagawa pa rin nitong kumain?"

Natawa si Ricci. "Sounds ridiculous! Bakit pa kailangang kumain ng isang taong patay na?"

"'Yon na nga, eh! Napaka-interesting talaga ng tradition nila at sobrang lalim ng paniniwala. Kaya raw nila ginagawa ang ritual na 'yon ay dahil naniniwala silang tatangkad daw 'yong bangkay hanggang sa maging giant tapos maglalabas ito ng maraming ginto sa loob ng katawan! Bukod doon, part din ng tradition nila ang mummification."

Nilingon ni Nadine sa kanilang likuran ang rebultong itim na napulot kanina sa gilid ng masukal na daan. "Saan kaya galing ang statue na ito, 'no? Sa design at hitsura pa lang, halatang mahal na! Ipasuri kaya natin? Malay mo may halaga." Sabay tawa.

"Bakit naman kasi pinulot mo pa 'yan?" kunot-noong tanong ng lalaki.

"I like the design kasi at mukhang may halaga talaga ito. Malay mo, 'yan pa ang magpayaman sa atin." Ngisi.

Sa kalagitnaan ng biyahe, bigla na lang nawalan ng preno ang sasakyan. Kahit anong gawin ni Ricci ay hindi na niya ito makontrol. Umaandar ito kahit wala na siyang tinatapakan at hindi hawak ang manibela. Tila may sarili na itong buhay at humaharurot mag-isa.

Isang malakas na sigaw ang pinakawalan ng dalawa bago nahulog sa bangin ang sasakyan.

Wala nang buhay ang magkasintahan sa loob. Parehong lusaw ang katawan ng mga ito at kalansay na lang ang nakaupo sa harap. Para silang binuhusan ng isang baldeng asido. Nagkalat din sa loob ang kanilang dugo.

Ang rebulto naman ng misteryosong babae ay muling lumaki at tumangkad.

Wakas.

BANGUNGOT (Book 1)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon