Bangkay sa Tubig

1.5K 51 64
                                    

INABUTAN ng malakas na bagyo ang lugar nina Manuel kung kaya't hindi mailibing ang tatay niyang limang araw nang nakaburol. Mabilis ang pagtaas ng tubig sa buong bayan at lahat ng mga bahay ay nilubog na. Wala ngayong mapaglibingan ang matanda dahil pati sementeryo ay apektado rin ng mataas na baha.

"Bakit kasi pinatagal mo pa ng ganito ang burol niya! Dapat noong pangalawang araw pa lang pinalibing na agad! Sinabi na nga sa balita na ngayong linggo darating ang bagyo! Ayaw mo kasing makinig sa 'kin, e!" Lukot na naman ang mukha ng asawa niyang si Imelda na walang tigil sa pagbubunganga. Babad na ang mga paa nila sa baha.

"Alam mo namang may mga kamag-anak pa tayong hinihintay na dadalaw rin dito. Saka ilang taon na tayong nakatira dito hindi naman tayo pinasok ng baha. Ngayon lang nangyari ito. Kasalanan ko bang inabutan tayo rito sa loob?" Tumayo si Manuel sa silyang kinauupuan at sumilip sa kabaong. Gumuhit ang lungkot sa kanyang anyo habang pinagmamasdan ang maputing mukha ng matanda na may blangkong ekspresyon.

"Ayun na nga, e! Bumabagyo ngayon kaya sa tingin mo ba matutuloy sila? Kanselado na nga lahat ng mga biyahe sa eroplano at barko! Ayaw mo lang talagang makinig sa akin dahil matigas 'yang ulo mo!" Tinalikuran siya ng babae at umakyat ito sa taas.

Hindi na umimik si Manuel. Noong unang araw pa lang ng bagyo, sinabihan na siya ng asawa na ipalibing na agad ang matanda habang hindi pa bumabaha. Pero hindi pa naman ganoon kalakas ang ulan kaya nagbakasakali pa rin siyang maghintay sa mga bisita.

Isa pa, ayaw rin niyang makinig sa babae dulot ng kanilang pag-aaway. Naging madalas ang alitan nila mula nang matanggal siya sa trabaho dahil nakipag-away sa amo. Unti-unti silang naghirap at naubos ang kanilang ipon dahil na rin sa karamdaman ng kanyang ama sa puso.

Alam naman niya sa sarili ang mga nagawang pagkakamali. Ang ayaw lang niya ay ang paraan ng pananalita ng kanyang asawa. Parang baril ang bibig nito na tagos hanggang laman ang bawat katagang binibitawan. Hindi tuloy siya makapag-isip nang mabuti dahil doon.

Sumilip siya sa bintana. Nakita niya ang mga taong nakasakay na sa bangka. May ilan namang matiyaga pa ring lumusob sa tubig kahit hanggang baywang na ang taas. Nagmistulang dagat ang buong paligid dahil sa tindi ng baha.

Naputol ang kanyang pagmumuni-muni nang marinig ang boses ng kaibigang si Arnel na tumawag sa kanya. Nakasakay ito sa bangka at papunta sa bayan. Kinamusta siya nito ngunit ngumiti na lamang siya at kumaway.

Sunod naman niyang nilingon ang loob ng kanilang bahay. Lampas tuhod na ang tubig doon. Sumikip din ang paligid dahil sa dami ng mga isinampang gamit. Hindi talaga niya inaasahan na magiging ganoon katindi ang epekto ng bagyong iyon sa lugar nila. Ilang bagyo na ang dumaan ngunit ngayon lang pinasok ng baha ang kanilang tahanan.

Wala na tuloy nagpupunta sa kanila para makipaglamay. Ang dalawa nilang anak na babaeng nasa sampung taong gulang ay halos ayaw nang bumaba dahil sa takot.

MULI na namang nagtalo ang mag-asawa nang gabing iyon habang sila'y nasa taas. Hindi na nila pansin ang dalawang bata na nag-iiyakan dahil sa lakas ng kanilang boses.

"Tingnan mo nga, o! Tumataas na lalo 'yong baha! Ngayon mo pa naisip 'yan kung kailan lubog na lahat ng lugar!" sigaw ni Imelda. Kasing talim na ng kutsilyo ang boses nito.

Sumilip si Manuel sa baba. Nakita nga niya ang lalong pagtaas ng tubig na umaalon-alon pa. Kapag nagpatuloy pa ito, maaaring abutan na ang kabaong ng kanyang ama.

"Gagawan ko na nga ng paraan ayaw mo pa! Hihingi na nga ng tulong sa Barangay, eh! Puwede bang itigil mo muna 'yang bibig mo kahit ngayong gabi lang! Para lang makapag-isip ako nang maayos!" hindi na rin niya napigilang sumigaw.

"Bakit, may maayos ka bang pag-iisip? Sige nga! Kung ipalilibing natin ngayon, saan naman kaya? Siguradong lubog na rin ang sementeryo ngayon! Wala ka kasing isip kaya ayan ang napapala mo!"

BANGUNGOT (Book 1)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon