KAHIT saan maglakad si Joshua, palagi niyang nakikita ang mga missing persons na nakapaskil sa mga pader. Lahat ay mga batang katulad niya na bigla na lang kinain ng laho at hindi na natagpuan.
Bulong ng isip niya, baka kinuha na ng mga alien. Natatandaan niya, naging malaking usapin noon sa kanilang lugar ang kakaibang liwanag na nagpapakita sa gabi. Teorya niya'y baka galing ito sa UFO.
Hinala rin niya, baka dinukot ito ng mga tauhan ng bagong Mayor sa kanilang lugar para ihalo ang dugo sa mga ginagawang tulay. Matapang at may kamay na bakal ang bagong halal na Mayor. Hindi tuloy niya maiwasang pag-isipan ito ng masama.
Maraming posibilidad ang nabuo sa isipan niya. Ngunit lahat naman ay puro kalokohan lang at haka-haka niya.
Kahit ilang beses nang sinasabihan ng nanay, sarado pa rin ang mga tainga ni Joshua. Hindi niya iniisip na makukuha siya ng masasamang loob balang araw. Sa tagal na niyang naglilibot ay hindi pa rin siya nadudukot hanggang ngayon.
Isa pa, marunong din naman siyang mag-ingat para sa sarili. Hindi na niya nililibot ang mga lugar na hindi niya kabisado. Paikot-ikot lang siya sa kanilang bayan para maglibang. Tanging paglilibot ang nagsisilbi niyang libangan.
Ewan ba sa nanay niya kung bakit hindi siya maintindihan. Ang gusto lang naman niya ay magkaroon ng kalayaan bilang isang bata. Pasalamat nga ito at hindi siya katulad ng ibang bata na nagpapakalunod sa mga gadgets.
Isa pang dahilan ng ina niya, maraming sakit daw ang kumakalat ngayon sa kanilang lugar kaya ayaw nitong nakikipaglaro siya kung kani-kanino.
Sa isip-isip niya, napaka-OA lang talaga ng kanyang ina. Marami na siyang nakasalamuhang mga taong may sakit pero hindi naman siya nahahawa. Matibay ang katawan niya. Hindi basta-basta tinatablan ng sakit. Laking bonakid yata siya. Batang may laban.
Isang araw, nakakita ng away si Joshua habang naglilibot sa bayan. Humarang sa daan ang dalawang binatilyong nagsusuntukan. Mga payat na mukhang isang ubo na lang ang kalagayan ay may itinatago palang tapang.
Dedma lang siya. Sa gilid ng daan siya naglakad para hindi tamaan. Ang lilikot kasi magsuntukan ng dalawa. Kung saan-saang parte ng daan gumugulong. Ginawang battlefield ang kalsada. Pati mga tricycle ay napipilitang huminto para manood.
Pauwi na si Joshua nang mapansing may isang lumang model na pickup truck ang sumusunod sa kanya. Mataba ang lalaking nagmamaneho rito at malaking bulas. Madalas na niya itong makita sa palengke na nagtitinda ng mga karne. Madalas nga silang magkatinginan nito, at hindi niya alam kung bakit ang lalim palagi ng mga titig nito sa kanya.
Dedma lang muli siya. Baka naman kasi doon din ang daan ng lalaki sa pupuntahan nito. Heto na naman ang malikot niyang pag-iisip. Kung anu-ano ang iniisip kaya napapraning. Hindi dapat siya nag-iisip nang ganito dahil lumaki siyang hindi tinatablan ng takot.
Pero ano itong nararamdaman niya? Ngayon lang siya nakaramdam ng kakaibang kaba. Parang ngayon lang siya dinapuan ng takot.
Hindi siya mapalagay. Parang inuutusan siya ng mga paa na tumakbo pero ayaw naman niyang sundin. Kapag ginawa niya iyon ay para na rin siyang nagpadaig sa takot.
Hangga't maaari, ayaw niyang mag-isip ng masama. Think positive. Always think positive. Iyon ang palaging pinaiiral niya.
Pero hindi talaga niya mapigilan ang paggapang ng kaba nang mapansin ang pagbagal ng takbo ng truck. Halatang nakikisabay ang pagtakbo nito sa paglakad niya.
Parang nagtatalo ang isip niya. Dapat pa rin bang mag-isip ng positibo o tumakbo na lang?
Bahala na. Wala namang mawawala sa kanya kung tatakbo siya.
BINABASA MO ANG
BANGUNGOT (Book 2)
HorrorBabala: Mas pinatindi ang takot! Hindi ka na makakatulog kapag binasa mo ito! Siguraduhing handa ang iyong puso sa mga kuwento rito na sagad sa buto ang takot!