TAKBUHAN ang mga bata pagkakita kay Roselia. Pasuray-suray itong naglalakad sa daan at bahagyang nakatirik ang mga mata. Para itong bangkay na bumangon sa hukay dahil sa labis na kadungisan. Dagdag pa ang punit-punit nitong damit na tila ilang taon nang hindi napapalitan.
"Balik n'yo puso ko... Kailangan ko puso ko..." paulit-ulit niyang sambit sa malamig na tinig. Kinakapa pa niya ang dibdib na waring hinahanap ang puso.
Labis na kinatakutan si Roselia. Tingin nga sa kanya ay malala na ang sakit sa utak. Palagi niyang hinahanap ang sariling puso, hindi puso ng damdamin, kundi ang mismong puso na tumitibok.
Naniniwala ang babae na dinukot ang kanyang puso at ang katawan niya ay isang bangkay na lamang. Kailangan daw niyang mahanap ang nawawalang puso para muli siyang mabuhay.
"Baliw na talaga ang babaeng 'yan!" sabi ng ale na bumibili sa isang tindahan.
"Ano ka ba naman! Huwag mo nang laitin 'yong tao. Hindi ka naman niya ginugulo," sagot naman ng tindera.
Naging interesado ang journalist na si Russel kay Roselia. Naghahanap pa naman siya ng kakaibang kuwento na puwedeng ipasok sa kanilang magazine.
Nagtanong-tanong siya sa mga tambay.
Napag-alaman niya, sawi pala sa pag-ibig si Roselia. Iniwan ito ng sariling asawa mula nang mamatay ang kanilang anak sa pneumonia.
Nanalo rin daw sa lotto ang babae, ngunit dahil lumaki itong mangmang at walang pinag-aralan, nakuha ng mga kamag-anak nito ang premyong napalanunan.
Nawalan na nga ito ng karapatan sa sariling yaman, pinalayas pa ito sa sariling tahanan. Kaya heto si Roselia, pagala-gala na lang sa lansangan.
"...pero nakikita namin siyang tumutuloy sa abandonadong bahay malapit doon sa sementeryo. Sa tingin ko, iyon ang tirahan niya ngayon," pahayag ng matandang lalaking nakausap niya.
Pinuntahan ni Russel ang nasabing bahay at kinuhanan ng litrato. Kahit sino ang tumira sa abandonadong tirahan ay talagang tatamaan ng depresyon. Bukod sa nakakatuyo ng utak ang katahimikan, ang tanging kapitbahay ni Roselia ay mga nitso.
Paalis na si Russel sa lugar nang masalubong niya si Roselia na pauwi sa tahanan nito. Bahagya siyang nagulat sa mala-bangkay na hitsura ng babae. Sobrang payat. Parang kalansay na naglalakad.
"Ang puso ko... Tulong mo ako hanap puso ko... Gusto ko buhay muli... Kailangan ko puso koooo!"
Napatakbo si Russel sa takot. Kung magsalita kasi ito, para talagang patay na umahon sa lupa.
Ayon naman sa ibang napagtanungan niya, sinapian na raw ng mga kaluluwa si Roselia kaya ganoon na lang kung kumilos ito.
"Sa tagal ba naman kasi niyang tumira doon, malamang pinaglalaruan na siya ng mga multo ngayon!"
Isang araw, bigla na lang hindi nagpakita si Roselia sa kalsada. Ni anino nito sa sariling bahay ay hindi na mahagilap. Saan kaya napunta ang babae?
Pansamantalang nahinto si Russel sa pananaliksik kay Roselia dahil wala na siyang nasasagap na balita rito.
Samantala, isang ina ang nag-utos sa kanyang anak na bumili ng suka at toyo sa tindahan.
Malayo ang tindahan sa kanilang lugar at kailangang lampasan ang sementeryo.
Tahimik lang sa paglalakad ang batang lalaki nang mapasulyap sa bahay na katabi ng sementeryo. Ganoon na lang ang pagkagulat niya nang masilayan ang babaeng nakasilip sa sirang bintana. Natatakpan ng buhok ang kalahating mukha at bahagyang nakalitaw ang nanlalaking mata.
Nagtatakbo sa takot ang bata. Hindi nito napansin agad ang dumadaang motor. Gumulong-gulong ito sa daan at nagtamo ng mga galos sa katawan.
Halos hindi makausap ang bata nang iuwi sa bahay. Palagi lang nitong sinasambit ang nakitang nakakatakot na babae.
BINABASA MO ANG
BANGUNGOT (Book 2)
HorrorBabala: Mas pinatindi ang takot! Hindi ka na makakatulog kapag binasa mo ito! Siguraduhing handa ang iyong puso sa mga kuwento rito na sagad sa buto ang takot!