Chapter Three

5K 96 16
                                    

NAGTULOY-TULOY sa backseat si Candice sa kabila ng paanyaya ni Bree na sa passenger's seat na siya maupo. Kahit na pumayag siyang sumama rito ay gusto pa rin niyang panatilihin ang distansiya sa pagitan nila. At isa pa, gusto niya ring makapag-isip. Hindi niya magagawa iyon kung alam niyang magkalapit sila nito.

Naiiling na hindi na lamang ito nagsalita at sumakay na ng kotse. Nang patakbuhin nito iyon ay isang nakabibinging katahimikan ang namagitan sa kanila. Nakahalukipkip na itinuon na lamang niya ang paningin sa labas. Subalit hindi rin siya nakatiis makalipas ang ilang sandali. Mula sa likod ay palihim niyang pinagmasdan ang binata.

Kung pisikal na aspeto lamang ang pag-uusapan ay malaki rin ang mga naging pagbabago rito. Nagmatured ito, oo, pero taglay pa rin nito ang boy next door look. Napakarami ring pagbabago sa katawan nito: broad shoulders, flattened stomach, narrowed hips. But she must say, sa lahat ng pagbabagong iyon, mas lalo lamang iyong nakadagdag sa masculinity nito. Naalala tuloy niya kung gaano karaming babae ang nagkakandarapa dito noong nasa high school sila. Unfortunately, isa siya sa mga iyon.

Pagkatapos na pagkatapos ng klase nila Candice ay agad siyang dumiretso sa oval compound kung saan naro'n ang basketball court. Narinig kasi niyang maglalaro ng basketball si Bree kasama ang mga kaibigan nito. Kaklase niya ito mula freshman hanggang ngayon na senior na sila. Gwapo ito at napaka-aktibo sa mga school activities kaya naman hindi maikakaila na popular ito sa kanilang paaralan lalo na sa mga babae. She's one of those girls who admired him pero hindi na siya nagkaroon pa ng pagkakataon na maipahayag dito ang nararamdaman gaya ng ginagawa ng iba. Sa halip, hanggang sa abot ng makakaya niya, pinananatili niya iyong isang lihim. Kung bakit ay dahil kulang siya sa confidence. She was a dork in the eyes of the school. Madalas siyang maging laughingstock dahil sa kakaiba niyang estilo sa pananamit at malaking rounded glasses na suot niya sa may depekto niyang mga mata. She didn't really care at first not until she became aware of her feelings for Bree. Sinubukan niyang ayusin ang sarili para rito pero kahit na anong gawin niya ay hindi pa rin siya napapansin nito. Marahil ay dahil na rin sa dami nang magaganda nilang schoolmate na umaaligid dito. Kaya naman nagpakatotoo na lamang siya sa sarili at nakontento na lamang sa mga nakaw na sulyap dito tuwing klase nila. Para sa kanya ay maswerte na siyang maituturing dahil naging kaklase niya ito. At least kahit papaano ay nakikita at nakakasama niya naman ito araw-araw.

Nang marating ang tapat ng grandstand ay sinadya niyang sa ibabang bahagi maupo para mas malapit niya itong mapagmasdan. Nakatayo ito malapit sa tabi ng ring habang dinidribol-dribol ang hawak na bola. Nakapagpalit na ito ng damit-pambasketball. Kapansin-pansin ang mestiso nitong kutis at magandang built ng pangangatawan. Para sa kanya ay mas gumwapo pa ito nang doble sa kanyang paningin. Ayaw paawat sa pagkabog ng kanyang dibdib habang pinagmamasdan ito. Sa labis na pagkatorete rito ay hindi tuloy niya napansin ang paparating na bola. Napalakas ang paghahagis ng isa sa mga naglalaro kaya nagdire-diretso iyon sa kanyang gawi. Napapikit na lamang siya sa pag-aakalang tatama talaga iyon sa kanya. Mabuti na lamang at sa kanyang gilid lamang iyon tumalbog. Nang magmulat siya ng paningin ay napasinghap siya nang si Bree ang bumungad sa kanyang harapan. Yumukod ito para pulutin ang bola sa may gilid niya. Pakiramdam niya ay biglang huminto ang pag-ikot ng mundo nang mga sandaling iyon.

"Natamaan ka ba?" tanong nito na hinawakan siya sa balikat. Para siyang nagkaro'n ng instant epilepsy. Hindi niya maawat ang kilig na nararamdaman niya. Nangunot ang noo nito nang hindi siya makasagot. "Candice, okay ka lang?"

Candice, pag-uulit niya sa isip ng pangalan niyang kababanggit lang nito. Natatandaan niya ang pangalan ko! Napuno nang labis na kaligayahan ang kanyang puso sa natuklasan. Kasabay niyon ay natauhan siya. Tumikhim siya bago magsalita. Paraan niya iyon para kahit papaano ay mabawasan ang tensyon na naipon sa kanyang lalamunan.

THE MAN WHO BROKE AND FIXED MY HEART (Published Under PHR)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon