NAALIMPUNGATAN si Candice nang maramdaman ang paglapat ng likod niya sa malambot na kama. Dahan-dahan siyang nagmulat ng paningin at nabungaran si Bree na nakayukod sa kanyang gilid. Nagkasalubong ang kanilang mga mata. Nakita niyang natigilan ito nang magising siya. Ilang sandali silang nagkatitigan. Mayamaya'y nagbawi siya ng paningin samantalang nag-alis naman ito ng bara sa lalamunan. Bumangon siya mula sa pagkakahiga samantalang naupo naman ito sa kanyang gilid.
"P-Pasensiya na kung nagising kita," hinging-paumanhin nito na hindi tumitingin sa kanya. "Dapat pala'y hinayaan na lamang kitang matulog sa may hammock sa labas."
"O-Okay lang," pautal-utal namang tugon niya.
Katahimikan ang sunod na namayani sa pagitan nilang dalawa. Kanina habang inaabangan niya ang pagdating nito, nagkaroon siya nang pagkakataon para lubusang makapag-isip. Tinimbang niya ang bawat anggulo, natanto niya na sa kabila nang pagtutol ng isang bahagi ng kanyang isip na paniwalaan ang mga paliwanag nito, mas lamang pa rin ang kabilang bahagi na gustong pagbigyan ito. Natabunan na nga talagang tuluyan ang galit sa kanyang puso nang dahil sa mga kabutihang ipinapakita nito sa kanya at gayundin sa sinseridad at pagsisising nahimigan niya sa bawat salitang binitiwan nito sa kanya. Kaya naman, nakapagdesisyon na siya, handa na siyang igawad ang pagpapatawad dito at bigyan ito ng pagkakataon upang makabawi sa kanya.
"Uhm, sige, magpahinga ka na ulit." pagkasabi niyon ay tumindig ito at akmang aalis bagaman maagap niyang nahawakan ang isang braso nito. "B-Bakit?"
"T-Tungkol sa sinabi mo sa akin kagabi," sa pagkakataong iyon ay siya naman ang nag-alis ng bara sa lalamunan. "Naniniwala ako sa'yo."
Sa narinig ay agad na rumehistro sa mukha nito ang pagkagulat. Sandali itong natigilan at hindi nakapagsalita. Nakatingin lamang ito sa kanya na tila nanghihingi ng kompirmasyon sa narinig.
"Yes," nakangiting tumango siya rito. "Tama ang narinig mo, naniniwala ako sa'yo."
Nagliwanag ang mukha nito sa kanyang kompirmasyon. Sa pakiwari nga niya ay tila ibig nitong maiyak sa labis na kagalakan. Lumapit ito sa kanya at sa gulat niya ay bigla siyang dinaluhong nang isang ubod higpit na yakap. Sa isang iglap ay tila nawala sa lugar ang kanyang puso nang dahil sa ginawa nito.
"Candice, hindi mo alam kung gaano ako ka-relieved na pinaniniwalaan mo ako," wika nito habang nakayakap pa rin sa kanya. "Maraming salamat sa pagkakataong ibinigay mo sa akin."
Hindi siya nakapagsalita. Ginawa niya ang lahat upang pigilan ang mga braso sa pagtiklop pero nabigo siya. Tuluyan pa rin niyong tinugon ang yakap ng lalaki. Ilang sandali silang nanatili sa gayong posisyon. She could feel his warmth against her and never in the past seven years nakaramdam siya nang samut-saring masarap na pakiramdam. Nang sandali ring iyon, iisang bagay lamang ang nasigurado niya sa sarili: She's still in love with Bree, and for that, parang gusto niyang batukan ang sarili. Pinipilit niya na matagal na itong burado sa kanyang sistema, pero heto siya ngayon, sa isang yakap lang nito ay nakalimutan na ang lahat ng kasumpa-sumpang damdamin para rito.
Kumalas ito makalipas ang ilang sandali. "I'm sorry, napakasaya ko lang kasi talaga." Pagkasabi niyon ay agad na itong dumistansiya sa kanya. Nakaramdam siya nang panghihinayang. Kung alam lang nito kung gaano niya hinihiling na sana ay hindi na natapos ang sandaling magkayakap sila.
"P-pero, Bree, sana naman tumupad ka sa pangako mo," nagbuntong-hininga siya. "Please, huwag ka na sana ulit gagawa pa ng bagay na magiging dahilan para masira ulit yung tiwala ko sa'yo."
Yumukod ito sa kanyang gilid at pinagdaop ang palad sa magkabila niyang pisngi. "Promise," wika nito habang direktang nakatitig sa kanyang mga mata. "This time, babawi talaga ako sa'yo, at hinding-hindi na ulit kita bibiguin."
BINABASA MO ANG
THE MAN WHO BROKE AND FIXED MY HEART (Published Under PHR)
Romance"Paano kung sabihin ko sa 'yong may nararamdaman pa rin ako para sa 'yo? Would that give me the right to kiss you?" Inabutan si Candice ng kamalasan sa daan habang pauwi sa kanilang probinsiya. At nang mga sandaling iyon ay wala siyang ibang malapit...