DIDIRETSO sana ng kwarto si Candice ngunit parang may kung anong pwersang pumipigil sa kanyang gawin iyon. Hindi niya maipaliwanag ngunit hindi maganda ang kutob niya sa bigla na lamang pagsulpot ng daddy ni Bree sa rest house. Ito ang unang pagkakataon na nagkita sila ng ginoo pero natunugan na agad niya na mabigat ang loob nito sa kanya at hindi niya alam kung bakit. She refrains from moving towards the room. Sa halip ay nagkubli siya malapit sa may sala. Alam niyang hindi tama kung papakinggan niya ang usapan ng mga ito pero hindi niya magagawang mapatanag hangga't hindi niya nalalaman kung anong sadya ng ginoo sa anak.
"Sinasabi ko na nga ba at dito lang kita matatagpuan," wika ng ama ng binata. "Wala ka ba talagang balak umuwi sa atin para ayusin ang gulong nilikha mo ha?!"
"Dad, sinabi ko naman kasi sa inyo, pulos kasinungalingan ang sinasabi ng babaeng iyon," napabuga ito ng hangin. "Bakit ba ayaw ninyong maniwala sa akin?!"
"You admitted na nagkaroon kayo ng ugnayan, kaya paano mo ipapaliwanag na hindi sa'yo ang batang dinadala niya?!" galit na bwelta nito sa binata.
Natigilan si Candice sa narinig na tinuran ng ama ng binata. Pakiramdam niya'y may matalim na punyal na tumarak sa kanyang dibdib. Ano ang sinasabi nitong nagkaroon ng relasyon si Bree sa isang babae at nabuntis nito iyon? Sa tinagal-tagal nilang magkasama sa rest house na iyon ay wala namang nababanggit sa kanya ang binata tungkol sa bagay na iyon. Nasapo niya ang sariling dibdib. Nagsisinungaling na naman ba sa kanya si Bree?
"Kung ano man ang relasyong namagitan sa amin, believe me, it was not serious!" ang patuloy na depensa ni Bree. "Hindi ko naman akalain na magiging sobrang desperada siya at hahantong sa ganito ang lahat!"
"You bastard!" isang suntok sa panga ang iniunday ng ama sa anak. Nakita ni Candice na natumba ito sa sahig. Natutop niya ang sariling bibig sa labis na pagkabigla. "Hindi kita pinalaking walang respeto sa mga babae. Grow up! Lumantad ka at harapin mo ang gulong ginawa mo kung ayaw mong tuluyan kitang itakwil!"
Pagkasabi niyon ay dinampot ng ginoo ang jacket na nakapatong sa may sofa. Mabibigat ang mga hakbang na lumabas ito ng bahay. Samantalang si Bree ay walang salitang inihatid lamang ito ng tanaw. Hawak ang panga na tumindig ito mula sa pagkakalugmok sa may sahig. Sa hindi sinasadyang pagkakataon ay napasulyap ito sa kanyang direksyon. Nagkasalubong ang kanilang mga paningin. Gumuhit ang lungkot sa mukha nito nang makita ang pag-agos ng luha mula sa magkabila niyang pisngi.
NANLALAMBOT ang mga tuhod na napaupo si Candice sa gilid ng kama. Di nagtagal at dahan-dahang bumukas ang pinto. Bree surrounded the view pero hindi niya ito tiningnan. Sa halip ay nanatili siyang nakayuko habang tahimik na lumuluha.
"Candice," ang mahinang bulong nito bagaman hindi siya tumugon. "Mag-usap tayo, please."
Subalit kahit anong pilit ang gawin niya ay talagang hindi niya mahagilap ang dila upang tumugon rito. Naulinigan niya ang malalim na pagbuntong-hininga nito. Ilang sandali pa at dahan-dahan itong humakbang patungo sa kanyang kinaroroonan. Naikuyom niya ang mga palad sa biglang paninikip ng kanyang dibdib.
"Hayaan mo sana akong makapagpaliwanag," kinuha nito ang kanyang mga kamay saka lumuhod sa kanyang harapan.
Hindi niya ulit nagawang tumugon. Sa ikalawang pagkakataon ay muli itong nagbuntong-hininga. Napayuko ito at isinandal ang noo sa kanyang mga tuhod.
"I'm sorry kung hindi ko nagawang sabihin sa'yo," ang panimula nito. "Natakot lang naman kasi ako sa magiging reaksyon mo."
Sa narinig ay mas lalong humigpit ang pagkakakuyom ng mga palad ni Candice. Kung gayon ay tama pala ang kanyang kutob. Hindi siya makapaniwala na sa ikalawang pagkakataon ay hinayaan niya itong bilugin ang kanyang ulo.
BINABASA MO ANG
THE MAN WHO BROKE AND FIXED MY HEART (Published Under PHR)
Romance"Paano kung sabihin ko sa 'yong may nararamdaman pa rin ako para sa 'yo? Would that give me the right to kiss you?" Inabutan si Candice ng kamalasan sa daan habang pauwi sa kanilang probinsiya. At nang mga sandaling iyon ay wala siyang ibang malapit...