IPINALING ni Joanna ang mukha sa may bintana ng kinasasakyang eroplano, papunta siya Pilipinas buhat sa New York. Hanggang ng mga sandaling iyon ay bakas pa rin ang matinding kalungkutan sa maganda niyang mukha.
Nalulungkot siya sa sinapit ng matalik na kaibigan na si Ivy. At hanggang ngayon ay hindi pa rin niya matanggap ang pagkawala ng matalik na kaibigan na halos totoong kapatid na ang turing niya.
Three weeks ago ay inamin sa kanya ng kapatid nitong si Shin na hindi na magtatagal pa ang buhay ng kaibigan na sobrang ikinabigla niya. Nagkaroon ito ng brain cancer at wala pang apat na buwan ang nakalilipas nang lumabas ang sintomas niyon kay Ivy. Ang masaklap ay stage four na agad iyon. Noong una raw ay panay na ang sakit ng ulo nito. Akala nito ay dulot lang ng pagiging workaholic nito pero nang tumindi na ang pagsakit ay saka lang ito kumunsulta sa doktor. At ang resulta ng pagpapatingin nito ay ang gumimbal sa mundo nito.
Maging sa kanya ay inilihim ng kaibigan ang karamdaman nito, kaya noong dalawin niya ito sa kinaroroonan nitong ospital ay malalang-malala na ang kundisyon nito. Kung hindi pa ipapaalam sa kanya ng kapatid nito ang kalagayan nito ay hindi pa niya malalaman. Kaya buhat sa Norway kung saan siya naka-base ay agad niyang pinuntahan si Ivy sa New York. Malayong-malayo sa magandang mukha nito at sexy na pangangatawan ang nasilayan niya na ikinahabag niya ng husto. Huli silang nagkasama ay noong nakaraang taon nang puntahan niya ito para magbakasyon.
Para na niya itong kapatid, ganoon din ang turing nito sa kanya. Kaya ganoon na lang kung maapektuhan siya sa nangyari dito. Palibhasa ay solong anak lang siya. Sa Pilipinas kasi noon, simula elementarya ay sila ng dalawa ang magkasama. Nagkahiwalay lang sila ay noong magkokoleheyo na silang parehas. Kinuha siya ng kanyang ina at pinag-aral sa Norway, pero hindi naman iyon naging hadlang dahil tuloy ang komyunikasyon nila hanggang sa mag-migrate na rin sa New York ang pamilya ni Ivy noong maka-graduate ito sa college.
Dahil sa sinapit ng kaibigan kaya iniwan ni Joanna ang trabaho at negosyo ng kanyang ina sa Norway pansamantala. May pag-aari silang Jewelry Store, at silang dalawa mismo ng kanyang inang si Mila Cross ang nagdi-design ng bawat jewelry collection na inilalabas nila, retired nurse ito sa Norway. Dahil na rin sa impluwensiya ng step-father niya na si Henry Cross kaya mas nakilala ang negosyo nila ng ina. May branch na rin iyon sa London.
Kasabay ng pagpikit niya ng mga mata ay ang pagbabalik sa isipan ng dahilan kung bakit sa Pilipinas ang deretso niya kaysa ang bumalik na sa Norway...
"Before I d-die, Joanna," ani Ivy sa nahihirapang boses. "C-Can you do... do me a f-favor?"
Gustong-gusto niyang hawakan ang kaibigan sa kamay pero hindi niya magawa dahil sa pangambang masaktan ito. Ni hindi niya ito magawang yakapin dahil napaka-sensitive na ng payat nitong katawan. Naluluha man ay sinikap niyang huwag pasungawin ang luha sa mga mata. Nagpakatatag siya sa harapan nito.
Tumango siya. "Kahit ano, Ivy. Basta ikasasaya mo."
Pinilit nitong ngumiti. Pumikit muna ito bago muling nagmulat ng mga mata.
"I-I want to m-make even to him. Joanna, I'm s-sorry. Hindi ko... hindi ko naikuwento sa iyo na n-nagkaroon ako ng secret affair b-before. Pero hindi 'yon tumagal. Gusto kong maramdaman niya 'yong s-sakit noong iniwan niya ako, Joanna. P-Puntahan mo s-siya sa San Andres. Kilala ang pamilya V-Villa Franca doon. Ang p-panganay nilang anak iganti mo ako s-sa kanya. Minahal ko siya ng husto at ibinigay lahat pero... pero ni-niloko at iniwan lang a-ako. Hanggang ngayon s-sobrang sakit pa rin..." unti-unti itong pumikit. May luha pang umagos sa gilid ng mga mata nito. Senyales iyon na nasasaktan pa rin ito.

BINABASA MO ANG
When Revenge Went Wrong | R-18
RomanceWARNING: R18, FOR ADULT ONLY _____________________________________________ Walang pagdadalawang isip na umuwi sa Pilipinas si Joanna para isakatuparan ang kahilingan ng pinakamatalik na kaibigan. Iyon ay ang paghigantihan ang panganay na anak ng mag...