Tumingala sa kalangitan,
walang mga ulap na sumasaklob,
Ngunit hindi rin mamataan,
ang mga tàlang nagniningning.
Marahil ay napagod din.
Napagod sa pagkislap at pagkutitap,
Napagod sa pagsisilbing liwanag at pag-asa sa mundong nababalot na ng dilim.Siguro ay naki-ayon lang din sa nararamdaman ko,
Dahil pagod na rin akong tumawa at ngumiti,
Lalo pa't alam kong ibang klaseng lungkot ang sa akin ay isusukli.Umaandap-andap na ang kislap sa aking mga mata pansin mo ba?
Unti-unti nang nawawala ang mga matitingkad na kulay,
Na nagsilbi kong tanglaw sa aking buhay,
Ngayon ay tanging itim at puti na lang ang iyong matatanaw.
Maging ang mga ngiting namumutawi sa aking labi ay nawalan na rin ng saysay.At sa muling pagtingala sa kalangitan,
Inaasam na sana'y kumutitap na ang mga tàla.
Sana'y muli nang madama ang tunay na kagalakan,
Bigyang liwanag pa ang pundido nang bumbilya ng aking pagkatao't kaluluwa.