Nagising ako nang mangalay ang likod ko. Walang makita ang mga mata ko. Marahil ay nakapiring ang mga ito. Hindi ko rin maibuka ang labi ko, at hindi ko rin maigalaw ang mga kamay at paa ko.
Diyos ko! Nasaang lupalop ba ako naroon? At bakit ako nakagapos nang ganito? Pinipilit kong kumawala pero napakahigpit ng pagkakatali sa akin. Parang pinagplanuhang mabuti. Nag-isip ako ng mga dahilan kung bakit gagawin sa akin ang ganito. Dahil ba sa mga mata ko? Dahil ba sa mukha akong mataray? Hindi ko rin alam. Basta alam kong wala akong ginagawang masama para danasin ang ganito. Naalala kong may telepono nga pala ako sa bulsa. Pinilit kong sungkitin ito sa bulsa ko. Kung sino man ang makokontak ko sana matulungan niya akong makawala rito.
Natatakot na ako. Naisip ko bigla si Vien. Siya ang huli kong kasama sa pagkakatanda ko. Nasaan kaya siya? Okay lang ba siya? Napabalikwas ako nang marinig kong bumukas ang pinto. Dali-dali kong ibinalik sa bulsa ang cellphone ko. Nakapiring ako pero alam ko kung kanino ang amoy na 'yon— Vien!
"O, mukhang gising ka na. Ano? Masarap ba diyan ha?!" sabay halakhak niyang animo'y isang demonyo na dumagundong sa paligid.
Shit! Ano ba 'to? Hindi nakakatawang biro. Naramdaman kong lumapit siya sa'kin dahil sa mas umamoy ang pabango niya. Damn it, Vien! Ano bang kalokoh— napatigil ako nang bigla niya akong sampalin. Nalasahan ko ang sarili kong dugo.
Tinanggal niya ang piring ko sa mata pati na rin ang busal sa bibig ko.
"Ano bang kalokohan 'to, Vien!? Hindi na nakakatuwa!"
"Ikaw! Sa'yo mo tanungin kung anong kalokohan ang ginawa mo! Manloloko!"
Ano?! Ako pa may kasalanan?
"Paanong ako? Sino ba 'yung nagtali sa 'kin dito? Ako ba ha?! Sagutin mo 'ko! Mahal kita, Vien alam mo 'yan! Ano pa bang kulang? Pinaiiral mo na naman 'yang insecuri—"
Isang sampal na naman ang tumama sa mukha ko.
"Ano?! Ako pa gagaguhin mo ngayon, Kirra? Hindi ako tanga!" hindi ko maintindihan kung ano ba ang ikinagagalit niya para humantong pa sa ganito.
"Ano bang sinasabi mo, Vien?! Itigil mo na 'tong kahibangan mo p'wede ba? Hindi pa ba sapat na sinagot kita dahil mahal kita?!"
Humihikbi na ako. Hindi ko na napigilan ang sarili kong maiyak dahil sa wala akong ideya kung bakit nagkakaganito!
"Mahal? Ako mahal mo? Aba, tangina, Kirra. Kaya pala nakikipaglandian ka pa kay Vio!"
What the heck!?"Si Vio? Kaaway ko nga 'yung kupal na 'yon e. Tapos sasabihin mo nilalandi ko? Gan'yan ba talaga kababa ang tingin mo sa'kin ha? Alam mong ikaw pa lang ang naging boyfriend ko, dahil natatakot akong mag-take risk sa isang relasyon. Binigay ko 'yung "oo" ko kasi alam kong mahal na kita! Ipinagkatiwala ko sa'yo 'yung puso ko, kasi nga mahal kita! Ano pa ba ang gusto mo?! Pinipilit kong intindihin 'yang trust issues mo pero hindi ko na kaya! Itatak mo naman diyan sa puso mo na iba ako sa mga naging ex mo!"
Umaagos na sa mukha ko ang mga luhang kanina ko pa pinipigilan. Hindi ko na talaga maintindihan si Vien.
"I'm sorry, Kirra. Kinakain na naman ako ng issues ko. Naiisip ko na iiwan mo rin ako kagaya nang nangyari sa'kin. Natatakot ako na baka maulit na naman 'yung nangyari," tinignan ko siya sa mata. Hindi pa rin niya makalimutan 'yung sakit.
"Tara nga dito! Tanggalin mo na 'tong tali sa kamay ko. Masakit na e," dali-dali siyang lumapit sa'kin at tinanggal ang pagkakatali ko sa upuan. Niyakap ko siya nang sobrang higpit.
"I'm really sorry, Kirra! I love you!" I know he's back. 'Yung Vien na minahal ko.
Nasa gan'on kaming posiyon nang biglang bumukas ulit ang pinto.
"Vien! Bitawan mo si Kirra!"
Anong ginagawa ni Vio rito? Damn it! Siya ba 'yung natawagan ko kanina? Shit.
"Anong ginagawa mo rito ha?!" bumitaw sa pagkakayakap sa'kin si Vien.
"Vien itigil mo na 'tong kabaliwan mo p'wede ba?!"
"Vio! Tama na! Dahil sa'yo kaya kami umabot sa ganito! Dahil sa'yo kaya nagkakaganyan si Vien! Umalis ka na!"
Hindi ko na napigilan pa ang sarili ko.
"Mali ka ng kinakampihan, Kirra. Dahil lahat ng kung anong mayr'on at sino ang demonyong 'yan ay dapat sa'kin! Siya ang tunay kontrabida rito hindi ako! Kaya gumising ka na rin diyan sa ilusyon na itinatak niya sa utak mo p'wede ba?!"
Ano? Tama ba lahat ng narinig ko? Si Vien? 'Yung lalaking topnotcher, varsity team leader, student council president, 'yung mabait at gentleman? Lahat 'yon ilusyon lang? Paanong nangyari 'yon? Hindi ko na alam kung kanino ako maniniwala. Dahil si Vio ay kilala sa school bilang pasaway.
"Maniwala ka sa akin, Kirra! Dahil sa pagbabalatkayo ng hayop kong kapatid kaya ako ang napagkakamalang masama! Dahil sa demonyong 'yan kaya nagkandaleche-leche ang buhay ko. Set-up lang lahat ng ito, Kirra! Palabas lang niya lahat ng it—"
"Aaaaahhhhhhhhhh!"
Napatakip ako ng tenga dahil sa lakas ng putok ng baril.
"Vien! Itigil mo na 'to! Please!" nangiginig na ako sa takot. Hindi ko na alam ang gagawin ko.
"Ano?! Sa kaniya ka maniniwala ha?! Sige! Magsama-sama kayo!"
"Huuwwaaaaaggggg!"
Dalawang magkasunod na putok ang umalingawngaw sa paligid.
Namanhid bigla ang katawan ko, umaagos na ang dugo sa damit ko. Pinilit kong bumangon pero nanlalabo na ang paningin ko.
"Kirra, mahal na mahal ki—"
Hindi ko man maaninag pero alam kong kay Vio ang boses na 'yon. Kung nalaman ko lang kaagad, aabot pa kaya kami sa ganito?
"Kirra! Kirra! Ano baaaa! Gumising ka na huuyy!"
Bigla akong napabalikwas. Butil-butil ang pawis ko. Tinignan ko ang sarili ko. Wala akong tama ng bala. Isang masamang panaginip.
"Ano bang nangyayari sa'yo ha? Nandiyan na si Vien sa baba naghihintay,"
Hindi—hindi iyon basta isang panaginip lang.