Siklo

11 0 0
                                    

Sa una'y aayain ka sa hapag
bubusugin ang iyong mga mata
pati na ang kumakalam na tiyan
sa malinamnam at masarap
na pagkain; personal sa iyong inihanda.

Tatanggapin ang alok at hindi
na namalayang habang
sarap na sarap ka sa paglantak
ay tinataniman ka na---

ng punla; hayaan mo raw
itong umusbong.

At sa panibagong siklo ito'y
nagbunga--- kumalat
hanggang sa dumami
hindi na mabilang

kaya ang dating saganang pagkain
ngayon ay salat na;

pinilit pasaganahin itong muli
hanggang sa nawala na lang sa ulirat
winakwak hanggang sa tuluyan
nang mapunit ang balat

sinaid ang lamang-loob
hindi nakuntento hanggang sa
pagpira-pirasuhin ang dati'y buo.

Nag-agawan sa bagong natuklasan
winakwak ang isa't-isa
pinagpiyestahan ang kauri
walang itinira

muli ang siklo'y iikot; magpapatuloy
maaaring mas kagimbal-gimbal pa
ang mangyayari sa bawat henerasyong darating dahil
hindi magwawakas; ang kagustuhan natin bilang tao.

AgapeTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon