Si Nena Ay Dalaga Na (Pahina 1) :)

650 0 0
                                        

(Sa mura niyang edad, maraming mga bagay na gustong malaman si Nena. Lalo na noong dumating sa bayan nila ang bago, bata, at guwapong pari, si Father Bruno. Pero bawal. Masama daw pag-usapan at matutunan ang mga ganong bagay sabi ng kanyang ina. Buti na lang, nandiyan ang kalaro niyang si Paulo…)

Kanina pa naririnig ni Nena ang pagsigaw ng kanyang ina pero nanatili pa rin siyang nakapikit at nakahiga sa higaan niya.

“Aray!”

Saka lang napilitang bumangon si Nena nang kurutin siya ng ina. “Nay, di niyo ako kailangang saktan.” Sumimangot ito habang kinakamot ang likuran. Gulo-gulo ang mga buhok nito at may muta pa sa mata. Napangiwi ang dalagita nang mapansin ang suot ng ina. Di na siya nasanay.

“E kanina pa ako bulyaw ng bulyaw, hindi ka pa bumabangon! Pambihira itong batang ito!” Inayos ni Aling Seling butones ng puti niyang blosa. Handang-handa na itong magsimba sa suot niya.

“Alas-siyete pa lang e…”

“Alam mong Linggo ngayon, Nena!” Nagpameywang si Aling Seling.  “Ang taas-taas na ng araw o!”

Hindi na nakipagtalo pa si Nena at iniwan din ang kama.

Habang abala ang kanyang ina sa pag-aayos ng mga rosaryo at mga gamit na dadalhin ay pinapakain naman ni Nena ang paralisadong si Lola Pura.

“Bilisan mo riyan, Nena! Ngayon ang pagdating ng bagong pari sa atin! Di tayo puedeng mahuli!”

Malayo ang sala na kinaroroonan ni Aling Seling pero rinig na rinig ni Nena ang sigaw nito doon sa kusina.

“Maiwan na lang ako, Inay. Bantayan ko si Lola.” Isininusubo na ni Nena ang huling kutsara ng champorado kay Lola Pura. Halatang hirap na hirap itong gumalaw. Nakadilat ang mga mata nito pero hindi rin gumagalaw. Nakatitig lang sa mukha ng kanyang apo.

“Anong maiiwan?!” Mabilis at malakas ang sagot ni Aling Seling. “Dadalhin natin si Inay sa simbahan.”

“Kawawa naman si Lola, Nay. Ipabantay na lang ulit kay Paulo.” Mabilis na pinunasan ni Nena ang bibig ni Lola Pura saka hinalikan sa noo. “Maiwan na rin ako, Nay. Maiwan kami ni Lola.”

Nagulat si Nena na nasa kusina na pala ang kanyang ina. At, aba, nag-makeup. Kunot-noo na lang si Nena. Sanay siyang makita ang inang nakablusa at palda tuwing Linggo pero bihira lang niya ito makitang naka-makeup.

“Walang maiiwan!” Malakas pa rin ang boses ni Aling Seling kahit malapit na ang kausap. “Pati sina Paulo at Mareng Sonia e magsisimba rin ngayon. Para namang di mo alam na darating ngayon ang bagong pare natin dito sa bayan.”

BASAHIN ANG PAHINA 2

Si Nena Ay Dalaga Na (Pahina 1) :)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon