Chapter 2

22.2K 560 27
                                    

Chapter 2

“Mama, gutom na po ako.” Hindi ko na mabilang kung ilang beses nang sinabi sa’kin iyon ni Julliane.

“Sandali na lang, malapit na tayo,” sagot ko, saka ko hinimas ang kanyang ulo. Awang-awa ako sa kalagayan ng mga anak ko. Ang bunso ko magda-dalawang taon pa lang, at sa sobrang gutom nakatulugan na niya ang pag-iyak. Gusto ko man siyang padedehin sa dibdib ko, ngunit wala naman itong gatas. May nakapagsabi sa akin na nangyayari raw talaga iyon. May mga inang hindi talaga nakakapag-produce ng sarili nilang gatas. Napakamalas.

Sakay nang luma at napakabagal na pampasaherong jeep ay byumahe kami papunta sa kabilang bayan, kung saan nakatira ang Tiya Susan, nakababatang kapatid ng namayapa kong ama.

“’Ma, para po!” sigaw ko nang mamataan ko na ang tindahan sa may kanto.

“Julliane, gising na. Nandito na tayo,” hinawakan ko siya sa kamay para gabayan maglakad palabas ng jeep. Pupungas-pungas pa siya at halata sa mga mugtong mata niya ang pag-iyak niya kanina.

Mula sa tindahan sa kanto, nilakad namin ang papunta sa bahay ni Tiya Susan. May pedicab naman ngunit, gastos lamang iyon. Itatabi ko na lamang ang pera para may pamasahe ako papasok sa trabaho bukas kaya pinili ko na lang na maglakad kami.

“Mag-ingat ka, mabato ang daan baka matalisod ka,” Paalala ko kay Julliane. Hindi pa kasi sementado ang mga kalsada at alam kong pagod at gutom na siya. Baka sa kapaguran at pagod ay ‘di niya mamalayan at matalisod siya sa mga batong sumisilip sa ‘di patag na lupa.

Labinlimang minuto rin siguro kaming naglakad hanggang sa makita ko ang maliit na barong-barong ni Tiya Susan. Mag-isa lamang naninirahan si Tiya Susan dahil ang nag-iisa niyang anak na si Andrea ay may sarili nang pamilya at malayo ang probinsya ng napangasawa nito kung saan doon nila napiling tumira.

“Tiya Susan!” pagtawag ko sa kanya, kasabay ng pagkatok sa may pinto. Patay na ang ilaw sa loob ng barong-barong, kaya maaaring tulog na Tiya Susan. Alas-otso na rin kasi ng gabi, at alam niyo na ang mga tao sa probinsya lalo na ang mga matatanda, kay aaga magsi-tulog.

Nakita ko ang pagbukas ng ilaw, bumukas ang pinto at nakita ko si Tiya Susan. Nanliit pa ang mata niya sa pag-aninag sa amin at nang makilala niya ako, “O, Magda, ikaw pala at kasama mo rin ang mga anak mo. Hala pasok.” Anyaya niya sa’min. Habang nakasunod kaming papasok sa loob sa bahay niya, “Anong pakay niyo at gantong oras ay napunta kayo rito? At bakit kayo lamang mag-iina? Nasaan si Lito?”

Inilapag ko sa sahig ang bag na bitbit ko at naupo sa mahabang kahoy na upuan. Umupo naman sa tabi ko si Julliane, habang ang Tiya ay naupo sa katapat na upuan.

“Iniwan ko na po ang walang-kwenta kong asawa. Hirap na hirap na po ako sa kalagayan namin Tiya,” mangiyak-ngiyak na sabi ko. Hindi naman lingid sa kaalaman ni Tiya ang matinding pagtitiis ko sa ugali ni Lito. Alam niyang isang taon na ring walang trabaho ang asawa ko at panay pa ang bisyo.

“Hala, sige dumito muna kayo. Tutal mag-isa lamang ako rito. Kumain na ba kayo?”

“Hindi pa nga po.”

“Tara sa kusina at ipaghahain ko kayo. Isda at talbos ng kamote lamang ang mayroon ako rito. Ayos lang ba iyon sa inyo?”

“Oo naman po,” tatanggi pa ba ako at magiging maarte sa grasya? At kinapalan ko na rin ang mukha ko, tinanong ko ang Tiya kung may gatas ba siya, para sa bunso ko. Mayroon daw siyang gatas pero kondensada. “Ayos lang po iyon Tiya, gatas pa rin naman iyon.”

Inuna kong magtimpla ng gatas para kay Juliette. Habang nagtitimpla ako naiiyak ako. Kondensada sa mainit na tubig, anong sustanya kaya ang maibibigay nito sa anak ko? Kung may pera lamang ako, bibilhan ko siya ng mamahaling gatas. ‘Yung dapat para sa isang sanggol na tulad niya.

Habang pinapadede ko ang bunso ko ang panganay ko’y sige naman ang kain. Sunod-sunod ang subo niya ng kanin. Buti na lamang ay ‘di siya maselan sa pagkain. Pagkatapos niyang kumain, agad siyang dinapuan ng antok kaya sabay na silang natulog ni Tiya Susan, habang ako naman ay naghuhugas ng pinagkainan namin.

                                                                        ***

Isang linggo na rin kaming mag-iina kay Tiya Susan nang may matanggap akong masamang balita. Nasa trabaho pa ako at kasalukuyan akong nagiimbentaryo ng humahangos na lumapit sa’kin ang kasamahan kong si Romalyn.

“Magda, may masamang nangyari sa asawa mo!”

“Ano?!” kahit galit ako kay Lito, hindi ko naman hinangad na may mangyaring masama sa kanya.

“Isinugod sa San Jose Hospital ang asawa mo, nagtangka raw magpakamatay!”

Hindi ko maipaliwanag ang kaba na naramdaman ko. Basta ko na lamang ibinigay kay Romalyn ang folder at ballpen na hawak-hawak ko kung saan nakalista ang mga kailangan kong iimbentaryo. Ni hindi ko na nagawang magpasalamat sa kanya, dahil wala ako sa sariling naglakad paalis. Kahit magpaalam sa boss ko ‘di ko na rin nagawa. Siguro naman maiintidihan niya ako, kung hindi man ihahanda ko na lang ang mga tenga ko sa sermon niya bukas.

Habang nakasakay ako sa jeep papunta sa ospital, hindi ako mapakali. Kabado sa kalagayan ng asawa ko, at sa gastos na nag-aabang sa amin. Pambili nga ng pagkain wala kami, pambayad pa kaya sa ospital?

‘Lito, ano ba namang ‘tong naisipan mong gawin? Puro na lang problema.’ bulong ko sa sarili ko.

Nang makarating ako sa ospital, nadatnan ko ang asawa kong si Lito na nakahiga sa isang kama. Nasa may pasilyo ang kama niya, kasama ng iba pang pasyente. Walang sariling kwarto dahil puno na raw ang lahat ng kwarto ng ospital. Wala nang mapaglagyan ang ibang mga pasyente, at sa kagustuhan na ma-accommodate ang lahat ay kahit pasilyo ng ospital ay ginamit na rin nila. Ganito ang ospital naming mahihirap.

May nakatusok sa magkabila niyang braso, nakakonekta ang isa sa plastic na bote na may lamang dextrose, habang ang isa naman ay sa plastic bag na may lamang dugo. Naglaslas pala ng pulso ang asawa ko. At nang makita kong ayos na siya at humihinga pa naman, ‘yung kaba ko napalitan ng inis dahil ‘yung gastos ang nangibabaw sa isip ko. Saang lupalop ako kukuha ng pambayad. Kahit pampubliko itong ospital, hindi lahat ng bagay dito libre. Maka-diskwento man, may babayaran at babayaran pa rin.

“Lito,” iminulat niya ang mga mata niya pagkatawag ko sa pangalan niya.

“Magda!” maluha-luha siyang yumakap sa akin. Naamoy ko ang espiritu ng alak sa kanya. Hindi pa rin siya nagtanda, hindi pa rin niya binitawan ang bisyo niya kahit na iniwan namin siya ng mga anak niya. Kumawala ako sa pagkakayakap niya sa akin.

“Tinignan lang kita kung ayos ka na, aalis rin ako agad at maghahanap ng pambayad dito sa ospital,” matamlay kong sagot sa kanya.

May lungkot sa mga mata niya dahil sa malamig kong pagtrato sa kanya. Pero ano bang magagawa kung lalambingin ko siya o iiyakan dahil sa muntikan na niyang pagtapos sa buhay niya? May malalaglag bang pera sa harapan ko? Ikakayaman ba namin? Hindi naman ‘di ba? Mas makakatulong sa’min ang pag-alis ko at paghanap ng perang pambayad sa ospital. Dahil kada araw na ilalagi niya rito, lalo kaming mababaon sa utang. At baka pati kaluluwa ko maisangla ko na, makabayad lang.

Naglakad ako palabas ng ospital, kahit walang kasiguraduhan kung saan pupunta. Nangangasim na ang sikmura ko dahil sa gutom, at tanging isang kendi lang ang laman ng bulsa ko at ang tigbebenteng sukli na natira sa isang daang pisong hiniram ko kay Tiya Susan, para lamang makapasok sa trabaho.

Pagkasubo ko sa kendi, naghanap ako ng basurahan at may nakita naman ako na malapit sa may tabing kalsada. Naglakad ako papalapit sa may basurahan at pagkatapon ko sa balat ng kendi ay may nahagip ang mga mata ko. Parang isang libro o notebook? May cover ito na gawa sa leather at kulay itim. May sarahan pa ito na tulad sa isang sinturon. Pinulot ko iyon, at sa isip ko maari ko iyong ibenta. Siguro naman kahit papaano may halaga iyon. Wala na rin sigurong nagmamay-ari dahil nasa tabi na ito ng basurahan.  

Kung sino man ang nagtapon nun, salamat sa kanya. Kahit papaano ay baka makatulong ang bagay na iyon sa amin.

 to be continued...

HILING (Published under Viva-Psicom)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon