Chapter 3
Umuwi ako kina Tiya Susan para ibilin muna sa kanya ang mga anak ko. Iisa lamang ang katawan ko, kaya kung magpaparoo't-parito ako para asikasuhin sila rito at asikasuhin din ang ama nila doon sa ospital, isama pa ang paghahanap ng perang pambayad, mahihirapan ako.
“Pagpasensyahan mo na ito Magda,” kinuha ni Tiya ang kamay ko saka inipit sa palad ko ang dalawang daang piso. “…walang-wala rin ako. Alam mo namang umaasa lang din ako sa kakarampot na perang ipinapadala sa akin ng pinsan mo.”
“Ayos lang po iyon Tiya. Malaking tulong na po ito sa akin, lalo na ang pagtingin niyo muna rito sa mga anak ko.” Tulog ang mga anak ko nang lumisan ako sa bahay ni Tiya.
Dumaan ako sa bahay namin para ikuha ng gamit si Lito. Habang naglalagay ako ng mga damit sa bag, bigla na lamang akong naiyak. Walang kahit na isa sa mga nilapitan ko ang nagpahiram sa akin ng pera. Kinapalan ko na rin ang mukha ko para kausapin ang boss ko para bumale sa sweldo ko pero sumbat sa biglaan kong pag-alis sa gitna ng trabaho ng walang paalam ang isinagot niya sa akin. Paano raw niya ako pababalihin kung wala akong kwentang empleyado.
Sa gitna ng pag-iyak ko, biglang nahulog mula sa kandungan ko ‘yung bag na hawak ko. Nang damputin ko iyon, nahulog mula sa loob ang bagay na napulot ko kanina malapit sa basurahan sa may kalsada sa harapan ng ospital. Hindi ko pa nga pala ito nabubuklat. Hindi ko alam kung libro ba iyon o notebook.
Tinanggal ko ang lock nito na parang sa sinturon. Sa unang pahina nito ay may nakasulat. Mahina ko itong binasa.
Isulat ang iyong nais, upang bukas wala nang pagtangis.
Pangalan mo’y kailangan, para maisakatuparan.
Tatlong araw na puno ng saya.
Sa pang-apat na buwan himig na kay ganda.
Dadalhin ka sa nag-aapoy na ligaya.
Ito’y panghabangbuhay na.
Hindi ko alam ang ibig sabihin ng mga salitang iyon. Pero tumatak sa akin ‘yung unang linya ‘Isulat ang iyong nais, upang bukas wala nang pagtangis’. May magic kaya ito at kayang tumupad ng mga HILING? Naisip ko pang kaskasin ng tatlong beses ang cover nito, baka sakaling may lumabas na genie. Pero nasabi ko sa sarili ko na isang kalokohan iyon.
Ipinagpatuloy ko na lamang ang pagbuklat sa bawat pahina. Sa pangalawang pahina ay may mga nakasulat na mga pangalan. Sulat-kamay ang mga iyon. Josefa dela Cruz, Pedro Crisostomo, Epifanio del Pilar ang mga unang pangalan na nabasa ko. Napansin ko na ang mga pangalan nila ay parang noong araw pa, pati ang paraan ng pagkakasulat ng mga ito. Ngunit habang lumalaon nagiging moderno na ‘yung mga pangalan. May nabasa ako na ang mga pangalan ay Cindy, Maricel at Jeffrey.
Sa pangatlong pahina naman ito ang nakasulat.
Nobyembre 10, 1924
Kaya mo nga kayang tuparin ang tatlo sa mga kahilingan ko tulad ng sinambit ng matandang babae na nagbigay nito sa akin? Kung ganoon ay ito ang unang kahilingan ko. Nais kong mapasaakin si Federico. Matagal ko na siyang iniibig, ngunit ibang dalaga ang kanyang tinatangi. Nais kong paibigin mo siya sa akin.
Josefa
Kung tama ang nasa isip ko, ang Josefa na ito ang Josefa dela Cruz na nakasulat ang pangalan sa ikalawang pahina nito. At kung tama rin ang iniisip ko, hindi pala ito libro o isang simpleng notebook lamang, para pala itong diary. Diary na tumutupad ng kahilingan? At napakaluma na pala nito. Kaya naman pala manilaw-nilaw na rin ang mga pahina.
Nobyembre 11, 1924
Hindi ako makapaniwala sa mahikang taglay mo. Pinuntahan ako ni Federico kanina at nagtapat siya ng pag-ibig sa akin. Ngayon ay katipan ko na siya, ngunit hindi pa ito sapat para sa akin. Nais kong yayain niya akong makipag-isang dibdib sa kanya. Mahal na mahal ko siya kaya't nais ko na siyang makasama.
Josefa
Nobyembre 12, 1924
Tinupad mo na naman ang kahilingan ko. Hiningi na ni Federico ang kamay ko mula sa mga magulang ko. May basbas na kami ng aming mga pamilya. Sa susunod na taon pa ang kasal, dahil kailangan pa raw mag-ipon ni Federico. Hindi marangya ang pamumuhay ng pamilya nila. Kaya para sa huling kahilingan ko, bigyan mo ng maraming salapi ang mahal ko. Kung sa paanong paraan ikaw na ang bahala.
Josefa
Binasa ko pa ang ilan pa sa mga nakasulat, at totoo ngang nakakatupad ng kahilingan itong diary na ito. Kaya dali-dali ko itong binuklat at naghanap ng blangkong pahina at buti na lamang ay mayroon pa. Kumuha ako ng ballpen. Hindi naman siguro masama kung maniniwala ako, baka sakaling matupad din ang mga kahilingan ko. Binalikan ko muna ang ikalawang pahina at isinulat ko roon ang buong pangalan ko, Magdalena Gabriel. Nanginginig pa ang kamay ko habang sinusulat ko ang pangalan ko. Hindi ko maipaliwanag ‘yung excitement na nararamdaman ko.
Nagsimula na akong isulat ang unang kahilingan ko.
Dear Diary,
Hindi naman masamang maniwala sa’yo. Tutal marami na naman ang nakapagsulat sa’yo at lahat ng sinasabi nila positibo. Sana isama mo ko sa mga nabiyayaan mo ng swerte. Sana magka-pera ako at mabayaran ko lahat ng pagkaka-utang namin.
Magda
Pagkasulat ko sa pangalan ko, isang malakas na katok sa pinto ang narinig ko. Napaigtad tuloy ako sa sobrang gulat.
"Magda! Magda!" boses ni Manang Josie iyon, ang may-ari nitong bahay na inuupahan namin. At alam ko na agad kung anong sadya niya. Sa tono pa lang ng pagtawag niya sa pangalan ko, alam ko nang maniningil siya ng utang.
"Manang Josie. Magandang gabi po," nakangiti kong bati sa kanya, pagkabukas ko ng pintuan.
"Gaganda lang ang gabi ko kung magbabayad ka ng utang mo! Dalawang buwan ko na kayong pinagbibigyan! Aba, Magda, hindi lang naman ikaw ang nangangailangan ng pera, ang may pamilyang binubuhay, ang may bibig na pinapakain. Pare-pareho lang tayong may problema, kaya sana magbayad ka na, bago pa maubos ang katiting na awa ko sa inyo, at mapalayas ko kayo," mahabang litanya niya sa akin. Tama naman siya, kaya tinanggap ko na lang at humingi ako ng pasensya.
"Hayaan niyo po bukas, magkaka-pera na po ako, mababayaran ko na po kayo," sagot ko. Hindi ko alam kung bakit ko iyon nasabi, na tila siguradong-sigurado ako na may darating nga akong pera. Siguro masyado akong nadala sa paniniwalang totoong nakakatupad ng kahilingan 'yung diary na napulot ko.
Kaya sana talaga, hindi ako mabigo. Sana bukas may dumating ngang swerte. Sana, sana talaga.
to be continued...
BINABASA MO ANG
HILING (Published under Viva-Psicom)
ParanormalIsulat ang iyong nais, upang bukas wala nang pagtangis. Pangalan mo’y kailangan, para maisakatuparan. Tatlong araw na puno ng saya. Sa pang-apat na buwan, himig na kay ganda. Dadalhin ka sa nag-aapoy na ligaya. Ito’y panghabangbuhay na.