Chapter 4
Pumanik uli ako sa itaas ng bahay, para kunin ang bag ko. Isinilid ko rin pabalik sa loob ng bag ang diary na napulot ko. Kung may dala ngang swerte iyon, kailangan ko iyong pag-ingatan.
Madilim ang buong bahay namin dahil isang ilaw na lamang ang bukas. Ang ilaw na nasa may sala namin. Pababa ako ng hagdan ng parang may malamig na hanging dumampi sa may braso ko. Nanindig ang mga balihibo ko kaya hinimas ko iyon para mawala agad ang kilabot ko. “Saan kaya iyon galing, wala namang bukas na bintana,” sabi ko sa sarili ko habang patuloy ang paghakbang ko pababa ng hagdan.
Bago ako umalis ng bahay sinigurado ko munang nakasarado ang pinto sa may kusina sa likuran at ang main door sa harapan. Pinatay ko na ang ilaw sa may sala, kaya ang nagbibigay liwanang na lamang ay katiting na liwanag na pumapasok sa bintana galing sa mga poste ng ilaw sa labas. Lumabas na ako na bahay at isasarado ko na sana ang pinto nang mapasulyap ako sa may kusina na abot-tanaw lang naman mula sa kinatatayuan ko. May babaeng nakaupo sa isa sa mga upuan roon at sa isang kisapmata lang bigla na lamang itong naglaho. Totoo ba iyong nakita ko? Biglang nagsitindigan na naman ang mga balihibo ko. Hindi lamang sa braso pati na rin sa batok, kaya dali-dali ko nang isinarado nang tuluyan ang pinto at mabilis naglakad palayo.
Habang naglalakad ako papasok ng ospital, ‘yung babaeng nakita ko sa may kusina ang laman pa rin ng isip ko. Nakabaro’t-saya kasi ito at nakapunggos ang buhok. Bigla kong naisip sa kanya si Josefa, ang unang nagsulat sa diary. Ganoon kasi ang ayos ng mga babae sa panahon ni Josefa. Hindi kaya nagmumulto siya dahil ako na ang may hawak ng diary na pagmamay-ari niya? Hindi. Imposible. Naisip ko baka dala lamang ng gutom, o kaya dahil mga salita ni Josefa ang huli kong nabasa kaya na-imagine ko ang bagay na iyon, baka namamalikmata lang ako.
“Hindi totoo iyon, Magda, masyado mong tinatakot ang sarili mo,” bulong ko. Pilit kong kinukumbinsi ang sarili ko na hindi totoo ang nakita ko. “Mas dapat kang matakot sa buhay, kaysa sa patay o sa multo. Kung totoo man ang multo, magpapakita lang iyon sa’yo, pero hindi ka naman mahahawakan o masasaktan nito.”
“Magda..” dahil sa pag-iisip ko hindi ko na namalayang nakarating na pala ako sa pasilyo kung nasaan si Lito. Walang upuan kaya sa kama na lamang ako naupo. “May nahiraman ka ba ng pera?,” tanong niya sa’kin.
“Wala. Walang may gustong magpa-utang sa’kin. Kala tang utang natin Lito, at malamang kalat na rin sa buong baranggay ang sitwasyon natin. Wala ng tanga na gusto pa tayong pautangin, kung alam nilang hindi naman tayo makakabayad,” pasinghal kong sagot sa kanya. Bigla siyang napayuko dahil sa mga sinabi ko.
“Patawad Magda. Pangako magbabago na ako, basta bumalik na kayo sa’kin ng mga anak ko. Maghahanap na uli ako ng trabaho. Titigil na ako sa bisyo ko,” sabi niya sa’kin habang nakahawak sa kaliwang braso ko.
“Huwag kang mangako Lito. Gawin mo na lang para paniwalaan ko ang mga sinasabi mo. Ganyan din kasi ang sinabi mo noong nakaraang buwan, pero lumipas ang isa pang buwan wala ka namang pinagbago, at nasaan tayo ngayon? Nandito sa ospital dahil sinubukan mong magpakamatay at nagdagdag ka na naman ng gastos.”
“Gagawin ko na talaga. Magbabago na talaga ako. Patawarin mo lang ako Magda. Bigyan ng isa pang pagkakataon. Ipapakita ko sa inyo ang pagbabago ko,” yumakap siya sa akin.
“Oo na, sige na. Huwag mo na akong yapusin at nakakahiya, napakaraming tao rito,” humiwalay naman siya sa pagkakayakap sa akin. Naglabas ako ng damit galing sa bag at isang bimpo. “Aalis lang ako saglit, pupunta ako sa banyo para basain itong bimpo para mapunasan kita.”
“Sige,” sagot niya kasabay ng pagtango. “Salamat mahal.” Mahal ko pa rin naman ang asawa ko sa kabila ng pagkukulang niya, pero hindi ako sumagot pabalik sa kanya. Gusto ko makitaan ko muna siya ng pagbabago tulad ng sinasabi niya.
Tig-isang piraso ng tinapay at isang tasang kape na pinaghatian pa naming mag-asawa ang naging hapunan namin. Sa pagtulog naman nagpalit kami ng pwesto ni Lito. Siya na muna ang naupo at ako ang pinahiga niya sa kama para makapagpahinga ako, dahil kinabukasan may pasok pa ako sa trabaho.
***
Sa sobrang himbing ng tulog ko, hindi pa ako magigising kung hindi ako ginising ni Lito. Sa ospital na ako naligo at nag-ayos. Tig-isang piraso ng tinapay uli at isang tasang kape uli ang pinagsaluhan namin sa agahan. Sa anim na pirasong tinapay na binili ko kagabi, may natira pang dalawa. Ibinaon ko ang isa habang ang isa ay iniwan ko para kay Lito.
Ilang minuto na lang mahuhuli na ako sa trabaho, buti na lang may alam akong shortcut. Hindi nga lang kagandahan ang dadaan dahil sa bakanteng lote iyon na may makakapal at matataas na damo. Halatang matagal nang napabayaan ng may-ari. Tagaktak ang pawis ko dahil sa lakad-takbong ginagawa ko. Huminto ako saglit para habulin ang hininga ko nang may makita akong itim na bagay sa ‘di kalayuan sa pwesto ko. Bag ata iyon. Tumakbo ako palapit roon at tama nga ang hinala ko, isang bag ito, mga isang dangkala siguro ang haba nito. Tumingin muna ako sa buong paligid at nang masigurado kong walang tao, kinuha ko iyon saka binuksan. At muntik na akong matumba nang manlambot ako sa nakita ko. Naglalaman ito ng pera. Maraming pera. Puro tig-iisang libo pa ito. Ito na ata ang swerteng hinahantay ko. Tinupad ng diary ang hiling ko.
Isinaksak ko agad sa bag ko ang napulot kong bag, sabay dali-dali akong umalis sa lugar na iyon. Sa isip ko inisa-isa ko na ang mga pagkakautang namin na kailangan kong bayaran. At sa tantya ko, mababayaran ko lahat ng iyon at may sosobra pa. Gumuhit ang ngiti sa labi ko, nakikita ko na sa isip ko ang mukha ng mga anak ko. Mabibili ko na ang mga gusto nila, mabibilhan ko sila ng pagkain. Mabibilhan ko na ng gatas ang bunso ko.
“O, Magda. Ang ganda ata ng araw mo?” nagtatakang tanong ni Romalyn.
“Oo nga. Nanalo ka ba sa Lotto?” pabirong tanong pa ni Andy, kasamahan ko rin sa trabaho.
Ngumiti lamang ako. Salamat Andy, binigyan mo ako ng ideya para sa susunod na hiling ko. Bakit nga ba hindi ko naisip ‘yun?
to be continued…
BINABASA MO ANG
HILING (Published under Viva-Psicom)
ParanormalIsulat ang iyong nais, upang bukas wala nang pagtangis. Pangalan mo’y kailangan, para maisakatuparan. Tatlong araw na puno ng saya. Sa pang-apat na buwan, himig na kay ganda. Dadalhin ka sa nag-aapoy na ligaya. Ito’y panghabangbuhay na.