"ITO NA ang kape at sukli mo, hija."
Inabot niya ang tatlong pesong barya at diretsong inilagak sa kalupi. "Salamat ho."
Nakangiti naman siyang tinanguan ng tindera. "Walang anuman, hija."
Palangiti ang ginang at mukhang ang daling lapitan. Nabatid niyang ito ang tipong masayahin at madaling makahanap ng kaibigan.
"Himala't nalabas ka ngayon sa lungga mo, hija?"
Ano raw?
"Ho?" Hindi niya napaghandaan ang biglang pagkomento nito. Hindi niya natunugang magkakaroon ng ganoong eksena.
"Naku!" Napatakip ito sa bibig gamit ang sarili nitong palad. "Ang daldal ko talaga! Pasensiya ka na, hija. Huwag mo na lang pansinin 'yong sinabi ko." Pahabol pa nitong saad bago tumawa ng may' pag-aalangan. Marahil din ay pasimpleng pinakikiramdaman ang anumang magiging reaksyon niya.
Aba, matindi rin ang isang 'to!
Hindi niya naibigan ang pangngunguwestiyon nito sa kaniya. Hindi nito dapat ginawa iyon lalo pa at kadadaupang-palad lang nila. Para na rin siya nitong binigyan ng rason na iwasan ito sa hinaharap.
Pigil ang sariling kilay na umalsa ay nagpinta pa rin siya ng pilit na ngiti sa mga labi at... "Masaya ho akong naglalagi sa bahay..." Kinalakhan niya ang mga mabubuting turo sa kaniya ng mga magulang. Isa na roon ang pagbibigay ng respeto lalo na sa mas nakakatanda. "Wala ho naman sigurong kaso doon, 'di ho ba?"
"Wala naman, hija. Pero... sadyang nakakapanibago lang kasi na magawi ka rito sa munti kong tindahan."
Napamata siya sa tinutukoy nito. Talaga? Maliit pa 'yan sa lagay na 'yan?
"Sa tagal mo na rito ay hindi kita nakitang pakalat-kalat sa paligid.."
Pakalat-kalat.. Parang basura lang?
"Kung ako lang ang biniyayaan ng ganyang gandang tulad ng meron ka...naku! Hindi ko itatago, baka i-display ko pa, hija."
Hindi lang pala ito madaldal, bolera pa.
"Sadyang... magkaiba lang ho tayo."
Sumang-ayon naman ito.
"Maiba tayo.. Saan na nga pala 'yong lolo't lola mo, hija? Pansin kong... matagal na silang hindi napapadalaw dito sa mapayapang lugar natin."
Nagusot ang kaniyang noo. "Lolo't lola?"
Ugali ba talaga nito ang magbato ng walang katapusang tanong?
"Hindi nga ba't may' kasama kang dalawang matanda dati?"
Ang tinutukoy ba nito ay...
"Mga magulang ko ho sila." Ang kuwento sa kanya ay magme-menopause na raw ang ina noong ipagbuntis siya nito kung kaya ay ganoong malayo ang agwat ng edad niya sa gulang nito. Ganoon din siya sa kanyang ama na may' dalawang taon lang ang tanda sa kanyang ina.
"Hindi na nila ako nadadalaw dahil... wala na sila." Patuloy niyang wika, pilit na tinatagan ang sarili na hindi maipahalata rito ang pagbigat ng nararamdaman.
Ano bang pumasok sa utak niya at nakuha niyang ikuwento ang ganoong bagay sa isang estranghero?
Gusto tuloy niyang kulumosin ang sariling bibig.
"Ahh.." Sa kawalan marahil ng masabi. Mga mata nito ay nanamlay. Lumungkot at kakakakitaan ng awa. "Sorry, hija. Hindi ko sinasadyang maipaalala pa sa iyo ang tungkol doon."
Umiling siya. "Ayos lang--"
Bigla siyang napaurong nang basta na lang nitong hulihin ang kaniyang kamay. "Condolences, hija. Alam kong hindi biro ang mawalan ng mahal sa buhay. Ramdam kita. Napagdaanan ko na rin 'yan." Magaan nitong pinikpik ang kamay niya na tila pinagagaan ang loob niya. "Manalig at isuko mo lang sa Kanya ang lahat... at ikaw ay makakalaya sa lahat ng iyong pinapasan."
BINABASA MO ANG
Goodnight, Sabrina
Mystery / Thriller.. Sabrina is living privately and alone in her house at Sta. Barbara. Being a not so friendly woman, she chooses to isolate herself from others. However, when she finds a mysterious white note on her bed, she gets really bothered and fe...