Cuatro

797 15 2
                                    


               NATAPOS nang maaga ni Sabrina ang mga gawaing bahay. Naisampay na rin niya ang mga nilabhang damit at nakapag-ayos ng sarili.

Ang nararapat na lamang niyang gawin ay ang maisauli sa tunay na may-ari ang dalawang plastic container na noon ay pinupunasan niya. Nang magarantiyang malinis at tuyo na ang mga 'yon ay saka niya tinapunan ng tingin ang orasan sa kanyang likuran.

Pasado alas-nueve na ng umaga.

Siguro naman ay kanina pa nagising si ginang Chinia...

Tumakbo muna siya sa kusina para isampay saglit ang gamit at mamasa-masang basahan saka dali-daling pumihit pabalik sa salas para kolektahin mula sa mesita ang mga isasauling bagay. Hindi niya rin kinaligtaang isara ang mga pinto bago iniwan ang bahay.

Tss..

Tirik na tirik ang araw kahit umaga pa lang...

Wala pang isang oras mula nang makaligo siya subalit heto at ramdam na niya ang pag-iinit at pamamasa ng kili-kili.

Hooh!

Napabuga siya ng hangin at nagkasya sa pagpapaypay ng sarili gamit ang kamay.

Napaka-alinsangan ng panahon. Maging ang nilalakarang matigas na lupa ay tinakasan na ng halumigmig. Tuyot!

Sa tuwi-tuwinang humahakbang siya ay nagsisipagliparan ang mga alikabok na sa huli ay nagsipagbagsakan at dumidikit pa sa mga paa at sa suot na tsinelas.

'Kailan nga ba huling umulan?' Kaniyang naisaloob sa pagtanaw sa bawat halamang nadadaanan. Ang mga 'yon ay pawang naninilaw at kundi man ay sa pagkalanta na ang bagsak.

Ilang buwan na lang at mag-di-Disyembre na. Sa ganoong mga buwan ay inaasahan ang pagkabuo ng mga bagyo sa Pasipiko. Kumbaga ay normal na sa bansa ang makaranas ng sunod-sunod na pag-ulan hanggang sa magtapos ang taon. Ngunit dahil sa global warming na umusbong dahil sa kapabayaan at kaabusuhan ng mga tao sa mundo ay unti-unting naging abnormal o pabago-bago ang lagay ng panahon.

Hmm..

Masyado na yata siyang nalunod sa pagmumuni-muni at hindi niya man lang namalayang ilang dipa na lang ay maaabot niya na ang kanyang destinasyon.

Nahinto siya sa paglalakad at napatingala sa matayog na pulang geyt. Yari iyon sa bakal at sa artistikong paraan ay k-in-orteng patulis na parang sa palaso ang itaas at dulong bahagi niyon.

Sa kaliwa niya ay makikita ang maespasyong tindahan na pag-aari ng sinadya niyang kapitbahay.

Nararapat lang naman na siya mismo ang magsauli ng mga container. Pangit at masyado namang nakakahiya kung ito pa ang kukuha niyon mula sa kanya...

Humigop at nagbuga siya ng hangin bago p-in-in-dot ang doorbell.

Labing-anim...

Labing-pito...

Labing-walo...

Labing---

Hindi na niya nasundan ang pagbibilang sa isip nang biglang umingit ang tarangkahan at iniluwa niyon ang isang babaeng.. mestisahin?

Sino ito at nasaan si ginang Chinia?

Napamaang siyang pinagmasdan ito mula ulo hanggang paa. Maganda ito at nagtataglay ng maamong mukha. Balingkinitan naman ang katawan nito at may' maipagmamalaking unahan. Pero dahil higit siyang matangkad kaysa sa babae ay bahagya siya nitong tiningala.

"Yes? Sino sila at ano ang kailangan?"

Habang patagal nang patagal niya itong pinagmamasdan ay may' napupuna siya. Tila kahawig nito ang taong sinadya niya... liban sa mas bata ito ng ilang dekada at sa tipo ng buhok at hugis ng mga mata.

Naabot mo na ang dulo ng mga na-publish na parte.

⏰ Huling update: Nov 29, 2018 ⏰

Idagdag ang kuwentong ito sa iyong Library para ma-notify tungkol sa mga bagong parte!

Goodnight, SabrinaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon