NAGISING siya sa kalagitnaan ng gabi na bukas pa ang ilaw at wala sa kanyang tabi ang kanyang Ate Marie. Nakita niya itong abala sapagsusulat habang nakapatong sa mesa ang malaking teddy bear na kulay pink na siya nitong paboritong yakap-yakap kapag natutulog.
Habang nagsusulat ay umiiyak ang kanyang Ate. Huling-huli niyang nagpapahid iyon ng luha sa laylayan ng damit. Napabalikwas siya ng higaan at may pagtatakang lumapit sa kapatid.
"Ate, bakit?"
Nagulat pa ang kanyang Ate nang makita siyang nakatayo sa tagiliran nito.
"Ka-Kanina ka pa riyan?"
"Hindi. Nagising kasi ako sa ilaw."
"Ay, oo nga pala. Hindi ka makatulog kapag may ilaw."
Suminghot-singhot ang kanyang Ate at ginusot ng kamay ang buhok niya. "Sorry, ha?"
"Bakit hindi ka pa natutulog, Ate?"
"May ginagawa pa ako."
"Ano ang isinusulat mo?" tanong niya habang nakapako ang tingin sa isang tila maliit na kuwaderno kung saan nagsusulat ang kanyang Ate.
"Ito ang tinatawag na diary."
"Diary?" Namilog ang mga mata niya.
Marahil dahil hindi siya expose sa ibang bagay kaya ganoon ang kanyang naging reaksiyon. Bago sa kanyang paningin ang narinig.
"Yes. Dito isinusulat ng isang tao ang lahat ng nangyayari sa buhay niya."
"Nakasulat diyan ang lahat ng nangyayari sa iyo?"
"Oo."
"Para ka palang nagkukuwento."
"Ganoon na nga."
"Ay, ikuwento mo nga sa akin ang laman ng diary mo."
Isang pilit na ngiti ang sumilay sa labi ng kanyang Ate.
"Matulog ka na nga. Ang kulit-kulit mo."
"Matulog ka na rin Ate. Para sabay tayo."
"O, siya. Matutulog na rin ako."
Itiniklop ng kanyang Ate ang sinasabi nitong diary. Nakita niyang inilagay nito sa drawer ng study table iyon. Pagkatapos ay kinuha ang malaking teddy bear at inakbayan siya. Pinatay na nito ang ilaw at sabay silang nahiga sa kama.
"Good night my baby sister. Magpapakabait ka ha?"
"Mabait naman talaga ako, Ate. Mana sa iyo."
"Basta. Magpapakabait ka."
Niyakap siya nito at hinalikan sa pisngi bago bumaling na sa kabilang gilid at niyakap ang pink teddy bear. Kinabukasan ay nagising siya na ang teddy bear na lang ang nasa tabi niya. Tumayo siya at may nasagi ang kanyang ulo. Nang mag-angat siya ng tingin, ang nakita niya ay nakabiting mga paa.
Napatili siya, sabay iyak nang malakas.
LABIS na ikinabigla ng kanyang ina ang nabungarang tagpo. Ang kanyang Ate Marie, nakatali ng nylon stocking ang leeg at ang pinakadulo ay nakasabit sa isang malaking pako sa kisame. Sa paanan nito, isang silyang nakatumba.
Ang kanyang Ate, lungayngay ang ulo at lawit ang dila. Wala na itong buhay. Ang naiintindihan lang niya sa mga pangyayari ay nagbiti ang nakatatandang kapatid at sa kanyang murang isipan ay isang palaisipan ang lahat.
Ang tanging nagawa niya ay sabayan ng iyak ang malakas na paghagulgol ng kanyang ina. Ang kanyang Papa ay tahimik lang na nakamasid sa isang sulok. May lungkot sa mga mata nito pero wala siyang nakikitang mga luha.
Kumislap sa kanyang isipan ang pinag-uusapan nila ng kanyang Ate kagabi.
Ang tungkol sa Diary.
Naisulat kaya niya sa Diary ang dahilan kung bakit siya nagbigti? isang katanungang kaagad pumasok sa kanyang isip.
Humahangos na binuksan niya ang drawer pero wala roon ang diary.
BINABASA MO ANG
HIWA SA DANGAL
General FictionNatuklasan ni Evelita ang dahilan ng pagpapakamatay ng kanyang Ate Marie at hindi niya akalaing sasapitin rin niya ang kasawiang inabot nito. Lumalatay iyon sa puso... Tumutupok sa kanyang katinuan... Kumakain ng kanyang sistema... Bumabaliw sa kan...