NAKALUGMOK si Ricardo sa sahig at awang awang sinaklolohan niya ito.
"Ricardo! Ricardo! Are you alright?!"
Tarantang-taranta siya sa nakikitang pagkalamog ng mukha ng nobyo. Ang kanyang mama, nakatayo lamang at walang magawa. Tumango si Ricardo at nanghihinang napasubsob ito sa kanyang dibdib. Lalong nag-init ang mukha ng kanyang papa sa nakita.
"Lumayo ka sa lalaking 'yan!"
Akmang dadaluhong itong muli ngunit mahigpit na niyakap niya ang katipan.
"Sige, 'Pa! Ako na ang saktan mo! Sa akin mo na ibigay ang mga suntok mo! Wala ka naman sa katwiran e! Maglumuhod man ako sa iyo, hindi mo ako iintindihin!" Naglalatang ng poot niya sa dibdib.
"Nagtataka na nga ako kung bakit ayaw mo kaming mawala sa tabi mo, e! Ginawa na ninyo kay Ate Marie! Ngayon sa akin naman! Pero hindi ako gagaya kay Ate Marie! Lalaban ako, 'Pa! Kahit patayin mo na ako, ipaglalaban ko ang karapatan ko!"
Hindi inaasahan ng kanyang papa ang katigasang ipinakita niya. Ang nakita niya sa mukha nito ay pagkagapi. May galit sa mukha ngunit hindi magawang mag-react sa mga sinabi niya. Nagpalipat-lipat ito ng tingin sa kanya at sa kanyang mama. Nang makita nitong pati ang kanyang mama ay may kimkim na ring poot na hindi maitago sa mga mata nito, napaurong ang kanyang papa. Simbilis ng kidlat ay nawala ito sa paningin nila.
Agad niyang hinarap ang katipan.
"Ricardo, I'm sorry. I'm sorry." Mangiya-ngiyak siya sa nakitang sinapit ng lalaki. Puro pasa ang mukha nito. Putok pa ang labi. Inalalayan niyang makaupo ang lalaki sa sofa.
Agad namang kumuha ng alcohol, bulak, at gamot na pula ang kanyang ina sa medicine cabinet at iniabot sa kanya. Lumuluhang ginamot niya ang mga pasa ng katipan. Awang-awa siya sa lalaki. Umangat naman ang kamay nito at pinahid ang mga luhang naglalandas sa kanyang pisngi.
"I love you..." bulong nito.
Mahigpit na niyakap niya ang katipan. Nakasubsob siya sa dibdib nito. Dinig ang malalakas nitong paghinga. Isang katiyakan ang naramdaman niya sa sarili. Lalong napamahal sa kanya ang lalaki. Para sa kanya, isang sandigang hindi magigiba si Ricardo sa kanyang buhay.
NAGPAKITA siya ng tapang sa kanyang ama sa pamamagitan ng hindi pagpapahatid at pagpapasundo sa unibersidad. Pumapasok siya sakay ng jeepney sa umaga at pagpapahatid kay Ricardo sa uwian.
Magmula nang mangyari ang insidenteng iyon, naging ilag na rin ang kanyang ama sa kanya. Di lang miminsang nakita niya itong nagtangkang kausapin siya ngunit agad na siyang umiiwas. Hindi niya magagawang mapatawad ang ama sa ginawang pananakit sa kanya at sa nobyong si Ricardo.
Naisip niya, ganoon lamang pala ang tamang gawin sa pagkakaroon ng isang amang kasing higpit ng kanyang papa. Ang magpakita rin ng tapang at huwag magpagapi rito.
Mabuti na lang at dumating sa buhay niya si Ricardo.
Si Ricardo na nagbigay ng lakas ng loob para ipaglaban niya ang kalayaan.
Naalala na naman niya ang kanyang Ate Marie. Kung naging matapang rin siguro ang kanyang Ate ay buhay pa ito ngayon.
Bakit nga ba nagpakamatay ang kanyang Ate sa ganitong kasimpleng pagsubok? Ang pagkakaroon ng sobrang higpit na ama. Naiyak siya sa pagsagi ng nakaraan sa kanyang alaala. Lalo na nang rumehistro sa kanyang gunita ang nakahahambal na ayos ng kanyang Ate Marie noong magpakamatay ito.
Lungayngay ang ulo. Lawit ang dila. Nangingitim ang dakong kinatatalian ng nylong stockings sa leeg nito. Masakit na kamatayan para sa isang minamahal na kapatid.
At lalong naglatang ang poot niya sa kanyang papa. Ang kanyang papa ang may kasalanan ng lahat. Kung may magagawa nga lamang ba siya para pagdusahin ito sa mga ginawa nitong kasalanan sa kanyang Ate Marie ay ginawa na niya.
Nakatulugan niya ang alaala ng kanyang Ate Marie. Yakap niya nang mahigpit ang teddy bear na naiwan nito. Ang teddy bear na siyang tanging saksi kung saan itinago ng kanyang Ate ang diary nito.
NALALAPIT na ang kanyang graduation at marami na silang plano ni Ricardo. Nagsisimula na silang humabi ng mga pangarap na normal lamang sa magkasintahang tunay na nagmamahalan.
"Once na naka-graduate ka na, we'll start na mag-ipon. Ibibigay ko sa iyong lahat ang mga savings ko para ikaw na ang magtago."
"E kung hindi tayo ang magkatuluyan?"
Hindi mangyayari 'yon. Once na makagraduate na ako, pakakasal na kaagad tayo."
"Tatlong taon pa 'yon at maraming puwedeng mangyari sa loob ng tatlong taon."
"Bakit ba parang nawawalan ka yata ng tiwala sa pagmamahalan natin?"
"Hindi naman." Gumuhit ang lungkot sa kanyang mukha. "Kasi mauuna akong grumadweyt sa iyo. Maiiwan ka na rito. Paano kung...kung akitin ka ni ano..."
"Sinong ano?"
"'Yung classmate ko na malaki ang gusto sa iyo."
"Hindi ko siya kilala at hindi ako interesadong makilala siya."
"Eula Cruz ang pangalan. Nalaman ko nga kay Corazon na siya ang nagsumbong kay Papa kaya nalaman ang tungkol sa ating dalawa."
"Maldita pala."
"At palaban pa. Sinabi raw kay Corazon, na huwag akong pakasisiguro na akin ka na. Pwede ka pa raw niyang maagaw."
"Pwede ba? Mabuti sana kung singganda mo siya at baka pag-aksayahan ko pa siya ng panahon."
Lumabi siya. Tipong nagtatampo.
"O...magagalit pa. Siya naman ang nagsali sa usapan ng Eulang 'yon."
"P-paano kasi kung akitin ka ng babaing 'yon?" Tapos, pikutin ka?"
"Kung kaya niya akong akitin. E kaso, I never give importance to women. Ikaw lang talaga ang pinag-aksayahan ko ng panahon dahil sa iyo lang ako na-inlab nang husto."
"At bakit naman sa akin?"
"Kasi, I'm very sure, na ako pa. lang ang naging nobyo mo. Kaya I'm very sure na walang ibang lalaking nakahawak pa sa iyo. A rare catch sa mga panahong ito na karamihan ng babae ay siya nang nanliligaw sa lalake," mahabang paliwanag ni Ricardo. "And besides, sa iyo lang talaga tumibok ang puso ko."
"Totoo 'yan?"
"Ako na siguro ang pinakadelikadong doktor kapag nagkataon. Hindi ako basta dumidikit kahit na kanino. At hindi rin ako basta manghahalik ng babae kahit na maghubad pa siya sa harap ko."
"Ang layo naman ng sagot mo sa tanong ko.".
"Anong malayo? Ganito ang ibig kong sabihin."
At bago pa siya nakakilos, nahapit na siya ni Ricardo. Hinagkan sa labi. Matiim. Matagal. Lumulutang ang buo niyang kamalayan sa pangarap. Kay-sarap ng halik ng kanyang minamahal. At halos mapugto na ang kanyang hininga nang bumitiw ang labi nito sa kanya.
"Ikaw pa lang ang babaing hinalikan ko at gustong halikan habambuhay."
Pagkuway may inilabas na isang maliit na kahon si Ricardo mula sa bulsa nito. Nang buksan niya ay naluha siya sa tindi ng tuwa.
Isang sinsing ang laman ng kahita at si Ricardo pa mismo ang nagsuot niyon sa daliri niya.
"Ngayon, naiintindihan mo na siguro ang ibig kong sabihin."
"Hindi ko pa rin naiintindihan," pagbibiro niya.
Akmang hahalikan siya ng lalaki ngunit naunahan niya ito ng maliliit na kurot sa tagiliran.
Nauwi sa malakas na tawanan ang halikan.
Niyakap siya ni Ricardo. Hinalikan sa noo.
"Don't bother yourself na titingin pa ako a. Ikaw lang ang mahal ko at wala nang
Tiwalang humilig siya sa katipan. Habang tinitingnan ang singsing sa kanyang daliri. Wala na nga siguro siyang dapat pangambahan. Tunay na mahal siya ni Ricardo.
At nag-uumaapaw ang puso niya sa tindi ng kaligayahan.
BINABASA MO ANG
HIWA SA DANGAL
Fiksi UmumNatuklasan ni Evelita ang dahilan ng pagpapakamatay ng kanyang Ate Marie at hindi niya akalaing sasapitin rin niya ang kasawiang inabot nito. Lumalatay iyon sa puso... Tumutupok sa kanyang katinuan... Kumakain ng kanyang sistema... Bumabaliw sa kan...