"KAIN nang kain, iha."
Walang malay gawin si Mrs. Moreno sa pag-iistima sa kanya. Puno pa ng pagkain ang kanyang pinggan ay panay na ang dulot sa kanya ng mga ulam na nakahain sa hapag. Si Mr. Moreno, ngingiti-ngiti lamang habang nakamasid sa kanila ni Ricardo.
"Mabuti at napapayag ka ni Ricardo na dumalo sa kaarawan ng daddy niya." Excited si Mrs. Moreno.
"Noong isang linggo pa po niya ako sinabihan."
"Walang bukam-bibig si Ricardo sa amin ng Daddy niya kundi ikaw. Kaya nga ginusto ka na rin naming makilala nang personal."
Ngayon niya napatunayan na totoo talaga ng sinasabi ni Ricardo na matagal na siyang kilala ng mga magulang nito. Ang mainit na paganggap ng mga ito sa kanya ay isang katibayan at tunay na ikinatutuwa niya angkatotohanang tanggap siya nina Mr. at Mrs. Moreno bilang nobya ng anak.
Walang ibang bisita ang mag-anak kundi siya ngunit ang pagkaing nakahanda sa mesa ay akala mo pang malaking handaan. Tapos na silang kumain ngunit ang menudo, mechado, hinalabos na sugpo, pancit canton, at fried chicken ay umaapaw pa rin sa mesa.
Masayang nakipagkuwentuhan sa kanya ang mga magulang ni Ricardo at nakita niyang tulad ni Ricardo, mababait rin ang mga ito.
Lihim pa nga siyang nainggit sa magandang pagtitinginan ng mag-anak at naalala niya ang kanyang papa. Kung naging isang maunawaing ama lamang sana iyon, hindi siguro siya hahantong sa pagrerebelde at maaaring buhay pa ang kanyang Ate Marie.
Ang kaso nga ay hindi ganoon ang kanyang papa. Kabaligtaran ito ng maraming ama sa mundo. Nalibang siya sa pakikipagkuwentuhan sa mag-asawa kaya hindi niya namalayan ang oras. Si Ricardo pa ang nakapuna niyon.
"Kailangang maihatid na kita. Baka nag-aalala na ang mama mo."
"Oo nga." Worried na napatingin siya sa relos sa kamay.
"Naku, ihingi mo ng dispensa ang pagkakauwi ng gabi ni Evy, Ricardo," paalala ni Mrs. Moreno sa anak nang sila ay palabas na ng pinto.
Pauwi sila ay kinakabahan siya. Ngayon lang kasi siya inabot ng ganitong oras sa labas nang iba ang kasama.
At kahit na nga hindi na siya piinakikialaman ng ama nitong mga huling araw, hindi ibig sabihin niyon ay palagi na lamang siyang makalilibre sa galit nito.
Katunayan, laging nagdadabog ang kanyang papa kapag nakikita siya. Pakiwari niya, tila gusto siya nitong suntukin. Nilalakasan lamang niya ang loob ngunit inaatake rin siya ng takot sa maaaring gawin ng kanyang papa sa kanya. To think na talagang sumuway na siya at lumaban dito.
Patay na ang ilaw sa kanilang salas nang sila ay dumating. Nanginginig ang kamay na pinindot niya ang doorbell.
Isa. Dalawa. Tatlo. Apat. Hanggang limang ulit.
Saka lamang bumukas ang ilaw sa salas at iniluwa ng pinto ang kanyang mama.
Pupungas-pungas ito at halatang bagong gising
"Ginabi yata kayo," sita nito.
"Nayaya ko ho siya sa birthday ng daddy ma'm," maikling paliwanag ni Ricardo. Humihingi nga po ng dispensa ang momm at daddy ko dahil ginabi nang uwi si Evy."
"Walang anuman. Sabihin mo sa Daddy at Mommy na okay lang."
"Salamat po. Pasensiya na po kayo."
Paano, Ricardo? Salamat sa paghahatid mo."
"Sige po."
"Ingat ka," paalam niya sa katipan.
Pinisil nito ang kanyang kamay at bago lumisan. Hanggang hindi nawawala sa paningin niya ang kotse ng katipan ay hindi sila pumasok ng kanyang mama.
BINABASA MO ANG
HIWA SA DANGAL
Fiksi UmumNatuklasan ni Evelita ang dahilan ng pagpapakamatay ng kanyang Ate Marie at hindi niya akalaing sasapitin rin niya ang kasawiang inabot nito. Lumalatay iyon sa puso... Tumutupok sa kanyang katinuan... Kumakain ng kanyang sistema... Bumabaliw sa kan...