Chapter Eighteen (Final Chapter)

3.4K 136 8
                                    


NAGISING si Carina dahil sa mainit na bagay na humahaplos sa pingi niya. Nang tuluyan siyang magmulat ng mga mata ay mukha ni Rafael ang nasilayan niya'ng nakatingin sa kanya. Nakaluklok ito sa tabi niya sa gawing kaliwa. Nakasuot lamang ito ng bughaw na kamiseta at pantalong maong.

Bumalikwas siya nang upo nang maalala ang flight niya. Ngunit pagtingin niya sa oras sa suot niyang relong pambisig ay pasado alas-dos na ng hapon. Lagpas na ng kalahating oras sa oras ng flight niya.

"O my God!" bulalas niya at sana'y tatayo ngunit iniharang ni Rafael ang braso nito sa dibdib niya.

"Late ka na. Nakaalis na si Sofia," sabi nito.

Nag-init ang bunbunan niya. "Why the hell she leaved me? And what are you doing here?" balisang tanong niya.

Pilyo ang ngiti ni Rafael. "I'm sorry, you can't leave without me," anito.

Itinabing niya ang braso nito saka siya bumaba ng kama at tumayo. Tumayo rin ito at lumapit sa kanya.

"Ano'ng ibig sabihin nito?" naguguluhang tanong niya.

"Nag-usap kami ni Sofia at pinilit ko siya na gawin ito. Ako ang nag-book ng hotel room para sa 'yo. Sinadya kang iwan ni Sofia sa akin. Don't get her bad, It's my plan," bunyag nito.

"And why the hell are you doing this to me?" usig niya.

"I can't live without you, Carina. Kapag hinayaan kong umalis ka, para ko na ring binalewala ang pagmamahalan natin. Hindi kita kayang ipagpalit kahit na kanino o kahit sa anong bagay," seryosong pahayag nito.

"But you're engaged with someone else," nababahalang wika niya.

"The engagement was not my plan. It's my mother's plan. Please forgive my mother, Carina. Nalaman ko'ng nag-imbestiga ka tungkol sa nangyaring trahedya at natuklasan mong may kinalaman ang Mommy ko sa pagtago sa mga gamit mo. Siya ang may pakana ng lahat bakit wala akong nalaman tungkol sa 'yo. Kinausap niya lahat ng staff ni Arnel at sinabing walang magkukuwento sa akin tungkol sa totoong nangyari. Ang insidente at pagkamatay ng operator ng yate ay hindi na pinalabas sa media o kahit sa mga awtoridad. Binayaran lang ni Mommy ang pamilya ng namatay at sinagot lahat ng gastos pati pangangailangan ng pamilya, kapalit ang pananahimik ng mga ito. Kaya noong tumawag sa akin ang isa sa staff ni Arnel sa yacht club at sinabing naroon ka at nag-e-imbestiga, inutos kong sabihin sa 'yo ang totoo at ibigay ang mga gamit mo na pinatago ni Mommy. Actually hindi ko rin in-expect ang mga ginawa niya. Nagalit ako sa kanya pero dahil ina ko siya, hindi ko siya kayang kamuhian. Ipinagtapat ko sa kanya na hindi ko magawang pakasalan si Sandra dahil ikaw ang gusto ko. Ipinilit ko ang gusto ko. Ang kaso, inatake siya ng sakit niya sa puso. Hindi ako natuloy na balikan ka sa El Nido, kaya si Sofia na lang ang pinapunta ko. Sinabi ko lang kay Sofia na aayusin ko muna ang mga problema sa kumpanya at pamilya. Hindi ko sinabi sa kanya na engaged ako dahil ayaw kong malaman mo iyon," paliwanag nito.

Naibsan ang agam-agam niya at tuluyang naglaho ang munting galit niya para kay Rafael at sa ina nito.

"Pero paano ang fiancee mo, ang mommy mo at ang nai-settled nang kasal mo? Nakita ko ang post sa Facebook na naka-tag sa 'yo. Hindi birong mai-engaged na marami ang nakakasaksi. Paano na lang ang mararamdaman ng fiancee mo at parents niya?" nababahalang sabi niya.

"Si Mommy ang nag-tag sa akin ng mga picture noong gabi ng party. Sinadya niya iyon para mas marami ang makakaalam. Ang totoo, nakompronta ko na si Mommy tungkol sa desisyon ko. Sumama ang loob niya sa akin at inaamin ko'ng kasalanan ko kaya siya inatake ng sakit niya. Pero nabigla lang din ako kaya nakapagsalita ako ng hindi maganda sa kanya. But we're okay now. The engagement has already canceled. Mas mabait ang Dad ko at hindi siya basta namimilit kapag ayaw ko. Siya na mismo ang nakipag-usap sa parents ni Sandra. Personal ko ring kinausap si Sandra at naunawaan niya ako. Wala na tayong dapat alalahanin, Carina. We're free now. Please, trust me again. Nakapagdesisyon na ako na sasama sa 'yo sa Texas," anito.

Lumuwag ang paghinga niya. Gumaan na rin ang kanyang pakiramdam at excitement ang naghahari sa puso niya.

"Kailangan kong umuwi ng Texas dahil kailangan kong asikasuhin ang business ko pero hindi mo kailangang sumama," aniya.

Umaliwalas ang mukha ni Rafael. "You mean, okay na tayo?" untag nito.

"You're my choice, Rafael. You're still the one I love. Nasaktan ako pero hindi kita kayang itaboy habang-buhay," masuyong pahayag niya.

"That's the sweetest words I'd ever heard, darling. Pero sasama pa rin ako sa 'yo," giit nito habang hawak ang kaliwang kamay niya.

"Paano ang parents mo? Ang Mommy mo?" nag-aalalang tanong niya.

"They're fine. Nakaka-recover na si Mommy. Nakapagpaalam na rin ako sa kanila," atat na sabi nito.

"No, hindi ako papayag na sasama ka sa akin at iiwan mo ang parents mo. If you really love me, you have to trust me, okay?" aniya.

"Fine. But before you go, please accept my proposal again, Carina," wika nito saka may dinukot sa bulsa ng pantalon nito.

Nabaling ang tingin niya sa singsing na hawak nito. Ang singsing na ibinalik niya rito. Pagkuwan ay biglang lumuhod sa harapan niya si Rafael.

"Carina, darling, will you marry me?" masuyong tanong nito sa kanya.

Tumawa siya ng pagak. Pagkuwan ay hindi niya naawat ang kanyang mga luha sa pagpatak. Napakasaya niya sa mga sandaling iyon. Hinatak niya patayong muli si Rafael.

"Yes, Rafael, I will marry you," sagot niya.

Nagulat siya nang yakapin siya nang mahigpit ni Rafael. Pinuno nito ng halik ang kanyang mukha, lalong-lalo na ang kanyang mga labi.

"I love you, Carina. You're still the one I want to claim for the rest of my life. Kahit nagka-amnesia ako, alam ko'ng ikaw pa rin ang isinisigaw ng puso ko. Hinahanap-hanap pa rin kita. Ikaw pa rin ang nag-iisang babaeng minahal ko nang lubos," seryosong wika nito. Pagkuwan ay isinuot nitong muli ang singsing sa kanyang palasingsingan.

Ngumiti siya. "Kaya pala kahit wala akong maalala, pakiramdam ko may sariling buhay ang puso ko. Alam niya kung kanino lang siya nararapat. I ignored all men except you, because my heart knows who you are in my life," aniya.

"Well, God is good. So, let's go to my house. Sa family house namin tayo magdi-dinner mamaya, with my parents," anito pagkuwan.

"Are you sure?" aniya.

"Yeah. Huwag kang mag-alala, alam na ng parents ko lahat ng plano ko sa buhay. So, shall we go?"

"Okay. What about my plane ticket?"

"Ako na ang bahalang magpa-book ulit."

"Okay. Thanks."

Sandaling naghinang ang kanilang mga labi. Pagkuwan ay lumabas na sila ng hotel.

~Wakas~

You're Still the One (Complete)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon