Chapter Ten

1.7K 101 2
                                    


MIYERKULES ng gabi...

Uminom ng paracetamol si Rafael dahil sa sobrang sakit ng ulo niya. Katatapos lang niyang maghapunan na mag-isa. Buong araw na hindi niya nakasamang kumain si Andrea. Iniiwan lang nito ang pagkain sa cottage.

Nang hindi pa rin siya makatulog ay lumabas siya ng cottage niya at naglakad-lakad sa dalampasigan. Naririnig pa rin niya ang ingay ng videoke. Mga empleyado lang ng resort ang kumakanta. Mayroon daw isa sa mga ito na nagdiriwang ng kaarawan. Katunayan ay niyaya siya ni Louis na uminom ng alak pero tumanggi siya. Isa si Louis sa life guards ng resort ni Martin.

Mamaya ay nagtungo siya sa palapala kung saan nagkakasayahan ang mga empleyado. Namataan niya si Andrea na nakaupo sa tapat ng mahabang mesa at kumakain ng barbecue. Tinawag naman siya ni Louis. Hindi na siya tumanggi nang kaladkarin siya ito. Kumakanta si Aleng Delia. Umupo naman siya sa silyang katabi ni Louis. Katapat nila si Andrea na busy sa kinakain. Hindi na niya tinanggihan ang isang baso ng brandy na ibinigay ni Louis.

Nang matapos kumanta si Aleng Delia ay ibinigay na nito ang microphone kay Andrea. Hindi niya maintindihan bakit bigla siyang nasabik nang malamang kakanta si Andrea. Hindi niya ito inalisan ng tingin.

Intro pa lamang ng kakantahin nito ay para siyang inihagis patungo sa mga senaryo ng nakaraan. Hindi niya alam ang pamagat ng kanta pero alam niyang luma na ito. At ang higit na pumukaw sa isip niya't damamin ay ang napakagandang boses ni Andrea. Ang lamig ng boses nito na tila ito ang orihinal na singer ng naturang kanta.

Sa isang iglap ay may senaryong pilit nabubuo sa isip niya habang naririnig niya ang kanta at nakikita niya si Andrea na hawak ang microphone.

"I really love this song. Something old but the spirit of the song and the lyrics was remarkable. Rafael, my dearest, this song is for you. I hope you'll like it," sabi ng babaeng nakatayo sa itaas ng entablado habang hawak ang microphone.

Nakaupo lamang si Rafael sa audience seat sa harapan ng stage habang pinapanood ang babaeng isinisigaw ng puso niya. She's wearing a silver dress and silver boots. Makapal ang make-up nito at kinulot nang husto ang buhok nito halos tumakip na ang ilang hibla sa mukha nito. Napakaganda nito sa paningin niya habang kinakanta ang "You're still the one" na pinasikat ng singer na si Shania Twain. Pero mas gusto niya ang version na naririnig niya.

Pagkatapos ng performance ng dalaga ay nilapitan siya nito at sinamahan siya sa kanyang mesa. Pinaghinang nito ang kanilang mga labi.

Kumislot si Rafael nang tapikin ni Louise ang balikat niya. "Tagay pa, engineer," sabi nito saka nito sinalinan ng brandy ang baso niya.

Inisang lagok niya ang laman ng kanyang baso. Pagkuwan ay tumitig siya kay Andrea na kumakanta. Bigla na lamang tumulin ang tibok ng puso niya habang iginigiit na kilala niya si Andrea, hindi lamang sa pagkakataong iyon.

Sino ka ba talaga, Andrea? Why I need to feel like this?

Lalo lamang siyang inuusig ng mga agam-agam niya nang umepekto na ang alak sa katawan niya. Napansin niya na may iniinom ding alak si Andrea. Naalala niya bigla ang trabaho niya. Hindi siya puwedeng malasing baka hindi siya makapagtrabaho nang maayos. Tumigil na siya sa pag-inom.

Natapos nang kumanta si Andrea. Tumayo na ito dala ang isang baso ng inumin nito. Pasuray-suray na itong naglakad. Sinundan ito ng tingin ni Rafael. Nang mapansin niyang patungo ito sa karagatan ay dagli niya itong sinundan. Huminto ang dalaga sa pampang saka inisang lagok ang laman ng baso nito.

Napatakbo siya palapit dito nang makita niya'ng inihagis nito sa tubig ang baso saka ito nagsisisigaw.

"Bakit ba ako pinaparusahan ng ganito? Ibalik N'yo na ang alaala ko!" sigaw nito.

You're Still the One (Complete)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon