Chapter Eight

1.8K 86 2
                                    


"MASYADONG mainit, bakit hindi ka gumamit ng payong? Baka masunog ang balat mo," kaswal na sabi ni Andrea kay Rafael nang makalapit ito sa kanya.

Tumawa ng pagak ang binata. "Hindi tinatablan ng sikat ng araw ang balat ko. Mas okay ang moreno, hindi nakapanghihinayang magbilad sa araw. Isa pa, hindi ako sanay gumamit ng payong," sagot nito habang nakapamaywang at ibinabandera pa ang katawan sa harapan niya.

"Baka magka-pulmonia ka niyan. Basa ka na sa pawis," aniya.

"Magbibihis din ako. Kinailangan ko kasing bantayan ang paghuhukay para sa tatayuan ng poste," sabi nito. Pagkuwan ay bigla nitong hinubad ang suot na basang kamiseta.

Nagulat siya. Napaatras siya ng isang hakbang nang hablutin ni Rafael ang paper bag nito na naisabit nito sa puno ng mahogany na pinakuan. Naglabas ito ng bimpo saka nito pinahiran ang pawis sa katawan nito.

Kahit may suot siyang sunglasses ay naiilang pa rin siyang sipatin ang binata. Kahit anong iwas niya ay naaakit siyang tingnan itong nagpupunas ng pawis. In fairness, kahit pawisan ito, mabango pa rin ito. Hindi ito dugyot tingnan, katunayan ay mas lalong kaakit-akit tingnan ang makisig nitong katawan habang nangingintab sa pawis.

"Baka naman puwede mong alisin 'yang suot mong sunglasses, nakakalokong tingnan," mamaya ay sabi nito sa kanya.

"Masakit sa mata ang sikat ng araw," alibi niya.

Nagulat siya nang bigla siyang lapitan ni Rafael at sapilitan nitong inalis ang suot niyang sunglasses. Sa halip na sa mukha nito siya tumingin ay awtomatikong dumapo ang paningin niya sa maskuladong katawan nito.

"Kaya ayaw kong may kasamang nakusuot ng sunglasses. Kahit hindi ko makita, ramdam ng katawan ko'ng may nakatingin sa kanya," simpatikong sabi nito.

Nainis siya sa sinabi nito. Pilit niyang binabawi sa kamay nito sa salamin pero ipinagkakait nito.

"Hey! That's mine!" inis na sabi niya, habang inaagaw sa kamay nito ang salamin niya.

"I know it's yours. Kunin mo ito sa akin mamaya. Mas maganda ito dahil mas dark," anito saka isinuot ang salamin niya. Tinalikuran siya nito.

May pagkapilyo rin pala ang isang ito. "Kapag nagalusan 'yan o kaya'y nabasag, papalitan mo 'yan ng sampung peraso, ganyang design," hamon niya.

Hinarap naman siya nito. "Okay, kahit isang milyong peraso pa," wika nito at bigla na lamang inihulog sa lupa ang sunglasses at inapakan.

"What the hell are you doing?" shocked na tanong niya.

"Para dumami ang utang ko sa 'yo. Una; sand castle mo na nawasak ng bola. Pangalawa; itong salamin. Mumurahin lang naman ang brand nito," aroganteng sabi nito.

Sa halip na mainis ay lalo siyang naaaliw sa lalaking ito. Inalis nito ang pagkainip niya sa islang iyon.

"You're an asshole," sabi lamang niya saka lumisan. Narinig pa niya ang hagikgik ng hudyo.

Nakapagluto na ng hapunan si Andrea pero hindi pa rin niya nakikita si Rafael. Sinigang na lapu-lapu ang niluto niyang ulam. Nagbigay rin si Aleng Delia ng adobong native na manok. Pasado alas-otso na ng gabi. Nagugutom na siya pero kailangan pa niyang hintayin si Rafael. Naglibot muna siya sa resort. Wala na siyang nakikitang nagtatrabaho sa construction site. Naghahapunan na rin ang ibang guest nila. Pagkuwan ay tumambay siya sa front office. Naroon si Aleng Delia at kausap ang ilang torista.

Mamaya ay namataan niya si Rafael na naglalakad patungo na sa inuukupa nitong native close cottage. Hubad-baro ito at mukhang bagong ligo. Bumalik na lamang siya sa open cottage kung saan niya inihanda ang mga pagkain. May umarkila kasi sa palapala. Maingay rin dahil merong kumakanta sa videoke. Inihanda na niya ang mga kobyertos.

You're Still the One (Complete)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon