Wattpad Original
Mayroong 6 pang mga libreng parte

Prologo

1.1M 18.4K 9.8K
                                    

San Alfonso, 1813

"INYO na bang naulinigan ang usap-usapan?" Napalingon ako kay Celeste na kapapasok lang sa aming maliit na silid-aralan. Tila hapong-hapo siya, mabilis niyang isinara ang pinto. Sinigurado niyang mabuti na wala ang kanilang maestra sa paligid saka naupo sa pagitan namin ni Bonita.

Kasalukuyan kaming nagbuburda ng iba't ibang disenyo ng bulaklak. Ni hindi ko pa natatapos ang akin sapagkat ilang beses akong pinaulit ni Maestra Silvacion. Lumabas siya sandali kanina at nagtungo sa palikuran.

"Ano na naman ang nasagap mong balita, Celeste? Sa oras na mahuli ka ni Maestra Silvacion sa labas ay tiyak na makatitikim ka ng parusa" sermon ni Bonita. Inilapag ko sa aking hita ang aking binuburdang tela saka humarap kay Celeste.

"Iyong nalaman kung ano ang itatanghal mamaya sa teatro?" ngiti ko sa kaniya, kaming dalawa dapat ang tatakas ngayon upang magmanman sa bayan. Ibig namin malaman nang maaga kung ano ang ipalalabas sa teatro mamayang gabi. Nang sa gayon, kami ang mauna sa pila at makuha namin ang unang pwesto sa harapan.

Ngunit siya lamang ang natuloy sa pagtakas sa aming klase dahil naabutan ako ni Maestra Silvacion sa pasilyo habang nakayukong gumagapang papalabas. "Hindi. May mas mahalagang balita akong nalaman!" ngiti niya sabay hawak sa magkabilang balikat ko. Agad namang lumapit sa amin ang iba naming kamag-aral na ngayon ay iniwan na rin ang kanilang mga ibinuburdang tela.

"Dumating na ang panganay na anak ni Don Matias mula sa Maynila!" sigaw ni Celeste, nanlaki ang aking mga mata sa gulat. Nabitiwan ni Bonita ang hawak na tela, napatakip naman sa bibig ang iba.

"Narito na si Señor Enrique Alfonso!" patuloy ni Celeste habang hawak ang aking magkabilang balikat, tila ginigising niya ang aking natutulog na diwa.

"Estella! Iyo bang narinig ang aking sinabi?" ulit ni Celeste, ni hindi ko na maramdaman ang higpit ng hawak niya sa aking balikat. Agad namang tumayo si Bonita at hinawakan ang aking mukha. "Esteng! Hindi ba't matagal mo nang hinihintay ang kaniyang pagbabalik?!" wika ni Bonita, tila paulit-ulit na naglalaro sa aking isipan ang pangalan ni Enrique.

"Sandali, sa aking palagay ay totoo nga ang sinabi sa akin ng aking kuya kagabi," singit ni Amanda. Ang lahat ng aming mga mata ay nakatuon sa kaniya. Umupo na si Bonita sa aking tabi, ibig kong himatayin ngunit wala rito si Enrique upang ako'y saluhin.

"Ano ang sinabi ni Ginoong Juancho?" sa wakas ay nagawa ko nang magsalita. Lahat ng bagay tungkol kay Enrique ay hindi ko titigalang alamin. Napakagat naman si Amanda sa kaniyang kuko habang nagdadalawang-isip kung sasabihin niya ba ang kaniyang nalalaman.

"Iyo nang sabihin, Andeng! Pakiusap," ulit ko sabay hawak sa kamay niya. Kung sa teatro ay dapat ako ang unang makaalam kung ano ang ipalalabas. Sa usapin tungkol kay Enrique, kailangan ako rin ang unang dapat makaalam.

Napapikit ng mata si Amanda. "Tiyak na magagalit ang aking kuya ngunit sasabihin ko pa rin sa inyo," wika ni Amanda. Tila nauubusan na kami ng hangin sa loob ng silid dahil sa kapana-panabik na impormasyong bibitawan ni Amanda.

"Pipili na si Señor Enrique Alfonso ng binibining pakakasalan!" saad ni Amanda. Unti-unti kong natagpuan ang aking sarili na dahan-dahan at tulalang naglalakad patungko sa balkonahe.

Nang marating ko iyon, aking pinakiramdaman ang malamig at sariwang simoy ng hangin. Nasa likod kami ng simbahan ng San Alfonso; aking natatanaw ngayon ang malawak na hardin ng simbahan. At mula sa malayo, akin ding natatanaw ang malaking barko na kasalukuyang nakadaong sa daungan.

Sa maaliwalas na kalangitan, ako'y napangiti habang nakatitig sa malaking barko.

Labinlimang taon.

Labinlimag taon akong naghintay sa iyong muling pagbabalik. Sukdulan man ang aking hangarin ngunit ibig kong makamtan ang iyong unang halik.

Bride of Alfonso (Published by LIB)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon