Chapter 1:

5.3K 221 223
                                    

Kung tutuusin ay halos 300 feet o kulang-kulang tatlumpung palapag ang taas ng gusaling kinatatayuan ko ngayon. Ang bilis ng hangin na tumatama sa aking mukha ay umaabot ng 30 hanggang 40 kilometro per oras. Ang taas ng harang kung saan ako nakatayo mula sa roof top ng building na ito ay umaabot lang ng 4 feet. Sapat upang harangan ang mga taong susubok na pigilan ako sa aking gagawin. Hindi sila nagtatangkang lumapit dahil alam nila na kapag sinubukan nila ay baka gawin ko ang kanilang iniisip. May halos limang helicopter ang paiko-tikot lamang sa ere. May mga camera ang ilan sa mga taong nakadungaw sa bawat helicopter na lumilipad. Humigit kumulang na sampung truck ng bombero ang nag-aabang sa ibaba. Wala naman silang magawa kundi subukang abutin ang kinalalagyan ko ngayon gamit ang naghahabaan nilang mga hagdan. Kahit gawin pa nila ang lahat ay siguradong hindi naman nila ako maaabot dito.

Iba't-ibang klase ng tao ang nakikita kong nakiki-usyoso sa kung ano ang meron at kung bakit nagkakagulo ang lahat. Nagkakaroon na ng traffic sa natural nang matraffic na daan, pero iba ang bigat ng daloy ng mga sasakyan ngayon. Mabagal. Paunti-unti. Pasaglit-saglit. Pasulyap-sulyap ang mga taong sakay ng bawat jeep at mga kotse. Sumisigaw ang iba, nagmamakaawa, napapatakip ng bibig, napapasigaw nang bahagya sa bawat hakbang na ginagawa ko sa gilid ng harang ng rooftop. Ang iba ay nagagalit, nanunudyo, natatawa at naiinis. Karamihan sa kanila ay nagtataka. Ano nga ba ang ginagawa ko dito ngayon bukod sa silayan ang paglubog ng namumulang araw? Bukod sa lasapin ang malamig na hangin sa aking mukha? Bukod sa pagkalkula ng lahat ng bagay sa paligid ko ngayon? Kalkulasyon? Ano ang silbi? Kung tatalon ako sa gusaling ito ay liliparin muna ako ng hangin pabalik at susubukan pa nitong ihampas ang aking katawan sa salamin ng bawat palapag. Bubulusok ako paibaba ng halos 300 kilometro per ora sa loob lang ng limang segundo at siguradong hindi ko ikakabuhay ang pagbalabag ng 57 kilogramo kong katawan. Kung susumahin ay tatalbog pa ako ng halos limang pulgada bago ako tuluyang humiga sa semento at aspalto. Pero bakit nga ba? Saan nga ba nagsimula ang lahat? Saan nga ba ako nagkamali ng kalkulasyon ko? Isa lang ang malinaw sa utak ko ngayon. Nagkamali ako ng kalkulasyon sa bagay na hindi naman nasusukat ng kahit anong numero o formula na naiisip ko ngayon. Itinaas ko na lang ang aking mga kamay. Pumikit akong muli at nilanghap ang malamig na hangin na tumatama sa aking mukha. Pilit kong inalala ang lahat...ang lahat bago ang aking katapusan.

________________________________

Mayroong 11.9 milyong katao ang naninirahan sa buong ka-Maynilaan. Halos apat na pung porsyento mula sa kabuuan ng populasyon na ito ang nag-iisip, naghahanap at nangangarap na makita ang taong para sa kanila. Kung susumahin ay halos limang taon pa ang bibilangin upang mahanap ang taong iyon. Sa dinami-dami ng tao sa lugar na ito, maswerte na ang taong makakakita ng kanyang mamahalin sa loob lang ng isang taon na paghahanap mula ng magkamalay siya sa kung ano nga ba ang tunay na ibig sabihin ng salitang pag-ibig. Hindi ako isa sa kanila. Isa lang akong instrumento ng statistiko dito sa lugar na ito. Ang lahat ng sukat, lahat ng kalkulasyon, lahat ng bagay na dumedepende sa numero ay kailangan kong malaman.

"Goodafternoon sir." Binati ako ng isang estudyante ko sa hallway ng university kung saan ako nagtuturo. Hindi ko siya kilala pero kilala ko naman siya sa mukha. Ngumiti na lamang ako na parang normal ang lahat.

Sa unibersidad na ito ay may halos 50, 000 na mga estudyante mula sa iba't-ibang colleges at departments. Dalawampu't limang porsyento sa mga estudyanteng ito ang aking tinuturuan sa ngayon at sa dalawampu't limang porsyento na iyon ay halos limang porsyento lang ang tumatatak sa isipan ko at nakikilala ko talaga. Hindi na masama para sa isang batang propesor na kagaya ko. Dalawampu't-apat na taong gulang pa lang ako pero pumasa ako sa mahigit apat na board exams mula sa iba't-ibang institusyon. Pinag-agawan ng iba't-ibang unibersidad sa ka-Maynilaan upang hubugin ang kaalaman ng mga estudyanteng araw-araw na pumapasok para lamang malaman ang mga bagay na hindi naman talaga nila kailangang aralin. Katulad ng ginagawa ko.

The Jumper (Short StoryTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon