Tanong
Kinabukasan ay naging maayos na ang mga klase. Wala namang pinagbago, di na rin naging ganoon ka landi ang mga babae doon sa bagong mag-aaral namin rito. Parang nawala na ata ang epekto sa kanila ng pagka ignorante. Nagiging madalas na rin ang pagsasama namin ni Sarah, dahil sa kanya ay medyo nakakasabay rin ako sa iba pa naming kaklase. Pabalik-balik lang ang mga nangyayari. Pag wala namang klase ay nananatili lang ako sa bahay. Di na rin naulit pa ang pagkakasabay naming umuwi nung bagong salta, sa katunayan malimit ko lamang siyang makita sa eskwelahan. Minsan sa field, canteen o hallway lang.
Naging ganoon lang ang buhay ko sa baitang tatlo ko hanggang sa nagtapos ito. Nang sumapit ang summer ay nanatili parin ako sa bahay. Sa araw na ito ay nilinis ko lang ang kwarto ko pero dahil wala pa rin akong magawa ay buong bahay na ang nilinis ko, pati si Mama ay tumulong na rin para mas mapadali iyon. Kung kaya't ngayon ay nandito na ako sa bakuran at nakaupo, pagod na pagod sa paglilinis. Ang bakuran namin ay di ganoon ka lawak pero may espasyo naman para sa duyan na kung saan ako nakahiga ngayon. Puno rin ng bulaklak ang bakuran namin. Maliban sa kwarto ay dito ako tumatambay habang nagbabasa ng mga libro sadyang sa araw na ito lang ay nainip ako at naisipang maglinis. Ang bahay naman namin ay kongkreto, di rin ito ganoon ka laki. Dalawang palapag lang rin ang bahay namin, sa itaas ay ang tatlong kwarto, akin, kina mama at papa, at sa kapatid kong lalaki. Ang ibaba naman ay kung saan ang kusina at sala.
Habang abala ako sa pagmumuni-muni ay may tumawag sa akin galing sa labas. Tumayo ako at dinaluhan iyon.
"Kayen, iimbitahan sana kita sa kaarawan ko." paunang bati ni Sarah sa akin.
At naalala ko bigla na sa susunod na araw na pala iyon, "Oo nga pala at malapit na ang kaarawan mo, san ba iyon ihahanda?" tanong ko.
"Sa tingko beach lang, punta ka ah wag mo kalimutan regalo mo para sa akin. Gusto ko yung maganda katulad ko ha." sabay tawa niya.
Napatawa rin ako, "Sige pupunta ako."
"Sa araw na iyon diretso ka na lang dun sa dagat. Tapos tanong-tanong ka lang kung saan ang kubo namin. Aasahan kita doon ha?"
"Pupunta talaga ako. Nga pala naparito ka ba para lang iimbita ako?"
"Oo, dinaan ko na lang rin kasi may pupuntahan pa ako sa kabilang bayan, ah tama alis na pala ako."
"Ganoon ba, sige ingat ka!" at sumakay na siya sa traysikel na di ko napansing siya pala ang hinihintay.
Nang dumating ang araw na iyon ay maaga akong naghanda. Hapon magsisimula ang kasiyahan kung kaya't sa umaga ay naghanda na ako, isang simpleng puting bestida ang suot ko, pinaresan ko ito ng puting sandals. Nakabalot na rin ang regalo ko para kay Sarah. Pulbo at liptint lang ang nilagay ko sa mukha ko.
"Ma, alis na ako. Nakapaghugas na po ako ng pinggan ma." sabi ko kay Mama na nasa sala, nanonood ng telebisyon.
"Ingat ka."
At umalis na ako. Ang kapatid ko naman ay nasa kwarto niya at panigurado naglalaro roon. Si papa naman ay matagal pa ang uwi, sa ibang bansa kasi siya nagtatrabaho.
Sumakay ako ng traysikel papunta sa tingko beach. Nang dumating doon ay hinanap ko na ang kubo nina Sarah. Nakita ko rin siya agad.
"Maligayang kaarawan Sarah! Matanda ka na." biro ko sa kanya kaya napatawa siya. Inilahad ko rin ang regalo ko sa kanya.
Tinanggap niya naman ito, "Salamat Kayen! halika rito." sabay hila niya sa akin papunta sa lamesang may mga pagkain.
"Kuha ka lang ng pagkain diyan, dadaluhan ko muna ang ibang bisita." saad niya.
"Ah salamat."
Kumuha ako ng isang pinggan at nilagyan iyon ng pagkain. Mga panghimagas lamang ang kinuha ko kasi kumain na ako sa bahay kanina. Dumiretso ako sa isang bakanteng upuan at doon kumain.
Di naman ganoon ka rami ang mga bisita. Ang iba ay kilala ko rin. Maya-maya ay natapos na rin ang kainan at nag-uusap-usap na lang. May iba namang dumiretso sa dagat at naligo. May iba na ring umalis na. May iba rin na naiwan sa kubo, iyon ay mga kaibigan namin ni Sarah.
"Hays, salamat at tayo-tayo na lang. Laro naman tayo." si Tanoy.
"Anong laro naman?" si Feli naman ngayon.
"Yung laro na may iiikot na bote sa gitna at kung kanino iyon nakaturo ay tatanungin natin yung tao kung tanong o utos ba, ganon?" si Tanoy.
"Parang masaya yan, sige!" sagot ni Sarah at lahat sila ay naupo na doon sa dalampasigan. Sumunod naman ako.
Ang ayos namin ay pabilog. Anim kaming magkakaibigan, naging magkaibigan kami dahil na rin sa madalas na pagsasama namin at magkagrupo rin kami sa isang asignatura noon. Maya-maya ay nilagay na ni Tanoy ang bote sa gitna at pinaikot iyon.
Kinabahan ako bigla.
Tumigil ito sa pag-ikot at nakaturo ang nguso nito kay Arwin.
Ang pinili ni Arwin ay utos kung kaya't nag-isip kami ng iuutos sa kaniya nang may naisip si Tanoy kaya siya na ang mag-uutos.
Ang iniutos ni Tanoy kay Arwin ay ang kumuha ng keyk sa lamesa at dalhan kaming lahat. Ginawa rin naman ni Arwin at nagpatuloy ang laro. Marami na ang mga inutos at mga tinanong. Pati ako ay nautos rin, di ko kasi pinipili ang tanong dahil ang tinatanong ay kung sino ang gusto ko. Sa ngayon wala naman akong gustong tao pero pag yun ang isasagot ko ay sasabihin nilang meron daw talaga iyan at ayaw ko namang isagot ang kung sinong tao lang at baka tuksuhin pa nila ako roon. Malaking problema pa.
Maya-maya ay naturo na rin ang bote kay Sarah na kanina ay di talaga naituturo sa kanya. Ang pinili niya naman ay tanong.
"Ako mag tatanong. Ano ang namamagitan sa inyo ni Sebastian?" tanong ni Feli.
"A-anong namamagitan sa amin?" tanong pabalik ni Sarah na nauutal.
"Oo nga Sarah, usap-usapan na madalas daw kayong nagkakausap at nagkikita ni Sebastian." sabat naman ni Nika.
"G-ganito kasi yan, huwag kayong maingay ah, atin-atin lang to." si Sarah.
"M-may gusto ako kay Sebastian." at yumuko siya.
Kaming lahat ay nagulat.
"Pasensya, sasabihin ko naman talaga sa inyo, nahihiya lang ako." nakayuko parin siya.
"Ba't ka mahihiya sa amin, mabuti nga yan e dahil sa wakas magkakajowa ka na rin!" masiglang pahayag ni Tanoy.
"Shh, wag ka ngang maingay jan Tristan." sita naman sa kanya ni Feli.
"Wala naman atang gusto sa akin si Sebastian e, di ko alam basta, sana nga may gusto rin siya sa akin." si Sarah.
"Di naman agad yan malalaman, tska nagkakasama kayo diba? Malaking bagay na yun. At kaming mga lalaki di talaga kami agad umaamin sa aming mga nararamdaman." si Arwin.
"Oo nga Sarah, nga pala bat ba kayo nagkakasama? at ba't di mo inimbitahan dito?" si Nika.
"Naging malapit na rin kasi kami sa isa't-isa simula nung pasukan. At di ko siya naimbitahan kasi di ko alam kung san siya nakatira."
Nagpatuloy ang pagtatanong nila kay Sarah at pagtukso na rin rito. At ako naman ay patuloy sa pag-iisip kung bakit mabigat ang pakiramdam ko. Siguro baka nabusog lang ako ng sobra sa keyk.