Recess
Payapa ang buhay ko hanggang sa natapos ang summer at balik eskwela nanaman. Nakapag-enrol na ako at nakabili na rin ng mga gamit.
Nasa bakuran ako ngayon at nagbabasa ng libro. Ang kwento ay tungkol sa babaeng nagkagusto sa lalaking di naman siya ang gusto. Ayaw ko sanang tapusin ang kwentong iyon dahil nakakasawa ng mabasa ang ganoong klaseng kwento pero dahil nasimulan ko na ay tatapusin ko na lang.
Patuloy lang ako sa pagbabasa hanggang sa gumabi ay tinawag na ako ni mama para tumulong sa kaniya sa paghahanda ng hapunan. Di ako marunong magluto, hanggang sa paghuhugas o hiwa lang ako ng mga sangkap o sa kung ano man ang sabihin ni mama. Natapos ay hinanda ko na ang lamesa at tinawag ang aking kapatid. Nagdasal kami, kumain at naghugas ako ng mga pinggan. Isang normal na araw ulit. Normal na talaga na ako ang naghuhugas ng pinggan, di na natuto ang kapatid ko dahil natatakot si mama at baka makabasag daw siya. Hinahayaan lang rin ni mama ang kapatid ko, sa palagay ko nga sa ginagawa ni mama ay nasasanay na ang kapatid ko at tatandang tamad na iyon, kawawa ang magiging asawa niya. Sabi naman ni mama na tuturuan niya rin daw iyon sa tamang panahon. Kailan kaya ang tamang panahon na iyon.
Kinabukasan ay ganoon pa rin pero may maliit na pagbabago. Sinamahan ko sina mama sa pagpaaenrol ng kapatid ko, huling araw na kasi ng pagpaaenrol ngayon at sa susunod na araw ay pasukan na. Baitang 1 na kasi ang kapatid ko ngayong pasukan. Ibig sabihin noon ay makakasama ko na sa iisang paaralan ang kapatid ko. Noon kasi ay sa isang pampribadong paaralan siya nag-aaral. Itong paaralan kasi namin ngayon ay pampubliko.
Naglalakad kami ngayon sa corridor ng eskwelahan papunta sa kung saan kami magpapaenrol.
"Dito ka na lang muna Kayen, hintayin mo na lang kami." wika ni Mama.
"Opo mama." sagot ko at umupo sa bakanteng bleachers na katabi ng isang puno.
Pinanood ko sina Mama na palayo. Kinuha ko na lamang ang aking selpon at earphones upang makinig ng kanta. Wala namang talaga akong maitutulong kina Mama, sumama lang ako dahil maiinip lang ako sa bahay. Pero mukhang mas mabuti pala na nanatili na lang ako sa bahay.
Habang nakaupo at pabulong na kinakanta ang pinapakinggan ay nahagip ng aking paningin ang isang lalaking naglalakad na may dalang mga papeles. Marami ang mga ito pero dahil siya ang nagdadala ay nagmukhang maliit lang ito. Namumukhaan ko siya, siya yung bagong salta noon. Yung pinagkaguluhan ng mga babae noon, yung kwento sa akin ni Sarah. Siya nga.
Mas tumangkad na siya ngayon, dahil doon ay nagmukha siyang high school na. Mapapansin ko rin na mukhang naging matikas na ang kaniyang katawan. Siguro dahil maraming ginawa noong summer. Lumiko siya sa isang gusali kaya di ko na naipagpatuloy ang pag usisa sa kaniya.
Maya-maya ay dumating na rin si Mama kasama ang kapatid ko. Dumaan muna kami sa isang karinderya para kumain matapos ay pumunta sa isang parke para mamahinga at mag bonding na rin, minsan lang din kasi kaming lumabas tatlo dahil ani ni Mama ay magastos raw. Wala na akong Papa. Wala pa akong muwang ay namayapa na siya, noong binubuntis pa lang ni Mama si Karlo.
"Bakit ba... nawala si Papa ma?" tanong ko sa kaniya ng naalala ito. Matagal ko ng gustong itanong ito ngunit nagdadalawang isip ako.
Pinapanood niya si Karlo habang naglalaro. Lumingon siya sa akin ng narinig iyon.
"Nagttrabaho sa barko ang Papa mo noon. Ah lumubog ang kanilang sinasakyan." sagot ni Mama.
Mahirap ang pagpapalaki sa amin ni Mama dahil mag-isa lang siya. Nang malapit ng gumabi ay napagpasyahan na ni Mama na umuwi na kami.
Kinabukasan ay nanatili lang ako sa bahay buong araw para maglaba, maglinis at magbasa. Sunod na araw naman ay nagsimba kami nina Mama. Nang hapong iyon ay hinanda ko na ang aking gamit para balik eskwela. Maaga akong natulog sa araw na iyon.
Nang sumapit na ang Lunes ay maaga akong bumangon, kasabay ko na ang aking kapatid sa pagpunta sa paaralan. Sumasakay lamang kami ng traysikel. Ang oras na magsisimula naman ang klase ay mga nasa 7:30 ng umaga. Kahit maaga akong bumangon ay nahuli parin ako sa klase dahil sa kapatid ko na napakabagal kumilos. Hinatid ko naman siya sa kanilang silid bago ako dumiretso sa akin. Mabuti na lang ay malapit lang ang gusali ng baitang 1 sa baitang 4. Di naman kasi ganoon ka laki itong Alcoy Elementary School.
Nang dumating ako sa klase ko ay laking pasalamat ko at marami pang bakanteng upuan. Ibig sabihin ay may iba pang di dumarating. Naghanap ako ng mauupuan. Tulad noon ay nasa pinakadulo ito. Hanggang ngayon ay naiilangan pa rin ako sa mga kaklase ko kahit na ang iba sa kanila ay naging kaklase ko na noon at nakikita ko sa bayan. Hindi naman kasi ako ganoon ka lapit sa kanila. Sa lahat ng mga nakasalamuha ko, kay Sarah pa lang ako di naiilang.
Maya-maya ay dumating na ang aming guro, ang iba sa aking mga kaklase ay wala pa rin pero hindi iyon naging balakid para hindi pa siya magsimula.
Nagpakilala lang kami at binigyan ng aktibidad. Nang dumating ang sunod na klase ay sinabi lang sa amin kung tungkol saan ang mga pag-aaralan namin sa susunod. Ganoon lang rin sa iba. Hanggang sa nag recess.
Sa recess naman ay lumabas ako ng silid upang hanapin si Sarah. Di ko pala siya magiging kaklase sa taong ito. Madali ko namang nahanap si Sarah sa canteen. Agad akong lumapit sa kanya.
"Kayen!" bati niya sa akin sabay yakap. Niyakap ko rin siya pabalik.
"Di tayo magkaklase." malungkot niyang saad at bumitiw sa pagkakayakap.
"Kaya nga, nga pala nasan yung iba?" nang napansin kong silng dalawa lang ni Nika ang nandito. Si Nika naman ay nakatunganga lang.
"Ah bumili lang. Upo ka rito." sabay lahad niy sa upuan malapit sa kanya.
"Bibili na muna ako." tumango naman siya.
Agad akong pumunta sa kung saan ako bibili ng makakain. Bumili lamang ako ng juice, tinapay, at biskwit. Habang pabalik ay nabigla ako sa nakita ko. Nakabalik na sina Tanoy at kasama na ngayon si Sebastian roon. Ang mas nakakabigla ay nakatingin siya sa akin, napansin ko rin ang bahagyang pag-angat ng gilid ng kaniyang labi. Gaya ng iginawad niya sa akin noong nakasabay ko siya sa traysikel.