AUTHOR'S NOTE: Maraming salamat po sa lahat ng nagbabasa ng "Ugly Truth". Sa mga nagko-comments, salamat talaga... God bless!
CHAPTER 05
PAGKABABA namin sa tricycle ni Marichu ay agad akong nagbayad ng singkwenta pesos sa driver. Ang mahal pala ng pamasahe papunta dito sa bahay nina Vhong. Mabuti na lamang at kilala ng driver si Vhong Nabago kaya naman hindi na kami nahirapan sa pagpunta sa bahay niya. Pinagmasdan ko ang bahay na nasa harapan namin. Wala iyong second floor pero may kalawakan iyon. Isang tipikal na bahay ng isang pamilya na may kaya sa buhay. May bakal na gate at bakod. May garden sa harapan na may kaunting mga bulaklak.
Pero bakit ganoon? Akala ko ba ay may birthday party ngayon dito? Bakit parang walang katao-tao at tahimik. 'Di ba, ang mga birthday party ng mayayaman ay karaniwan na ginaganap sa garden nila tapos maraming pagkain, maliwanag ang paligid at mga naka-gown ang mga babae habang ang mag lalaki naman ay naka-tuxedo o kaya ay suit.
"Hindi kaya hindi dito ang bahay ni Vhong?" tanong ko kay Marichu. "Parang wala namang party, eh." Suot na namin ang gown na dala niya kanina.
"Ano ka ba? Baka naman sa loob ng bahay, ginaganap ang party. Tara na!" sabay hila ni Marichu sa kamay ko papalapit sa gate.
Gusto ko na sanang umatras dahil bigla akong inabot ng hiya pero wala na akong nagawa nang mag-door bell na si Marichu at isang babae na siguro ay nasa edad trenta ang nagbukas ng agte para sa amin.
"Sino kayo?" tanong ng babae.
"Dito po ba ang bahay ni Vhong Nabago?" Si Marichu na mismo ang nagtanong dahil nga sa nahihiya na ako.
Tumango iyong babae. "Dito nga. Pero sa pagkakatanda ko... hindi naman nag-hire ng clown si Sir Vhong, eh." Kakamot-kamot sa ulo na sabi ng babae. Napag-alaman ko na katulong siya dahil tinawag niyang "sir" si Vhong.
Sunud-sunod na umiling si Marichu. "Ah, hindi po kami clown. Si ate naman, oh! Kaibigan po ako ni Vhong tapos itong kasama ko naman ay-"
Siniko ko si Marichu para hindi niya maituloy ang sasabihin niya. "Kaibigan niya din po ako!" sabi ko at pinandilatan ko ang kaibigan ko. Nag-aalala kasi na baka hindi pa alam ng mga kasama ni Vhong sa bahay na may girlfriend siyang panget.
"Gano'n ba? Sige, tuloy kayo. Naroon sila sa likod-bahay. Umikot na lang kayo..."
Binuksan na ng babae ang gate at pumasok na kami.
"Ang yaman pala nina Vhong, 'no?" untag sa akin ni Marichu habang naglalakad kami papunta sa likod-bahay.
"Bakit mo naman nasabi?"
"Eh, kasi may door bell sila!"
"Oo nga. Ang sosyal nila," sang-ayon ko naman.
Nang marating namin ang likod-bahay ay medyo nagulat ako sa aking nakita. Ang ineexpect ko kasi ay maraming pagkain at may mga naka-gown at tuxedo. Pero iba ang nakita namin. Isang bilog na lamesa. Anim na upuan. Anim na lalaki at kasama na roon si Vhong. Sa lamesa ay may pinggan na may crispy pata, litsong manok at mani. At may tatlong bote ng alak. Nagtatawanan sina Vhong. So, inuman session pala ang inaasahan kong birthday party. Nag-gown pa naman kami ni Marichu! Nakakahiya!
"Marichu, umuwi na tayo-"
"Oh, Ruth! Halika!" Patay na. Nakita na kami ni Vhong at pinapalapit na niya ako sa kanila. Kumaway-kaway pa siya.
Hindi na natuloy ag pagyakag ko kay Marichu na umuwi. Wala na kaming pagpipilian kundi ang lumapit sa kanila. Pagkalapit namin sa kanila ay agad na tumayo si Vhong at inakbayan niya ako. Amoy-alak na siya at pansin ko rin ang pamumula ng mukha niya. Lasing na siguro.

BINABASA MO ANG
Ugly Truth
HumorSiya si RUTH KLARIZZA MAE IMPERIAL o Ruth. Isang babaeng hindi kagandahan ngunit busilak ang puso. Sounds cliche... Isang babae na may mapagmahal na ina at inggiterang kapatid. May malanding kaibigan at mapagmahal na nobyo. Ngunit talaga nga yatang...