Part 1

10.1K 96 5
                                    

By Michael Juha

getmybox@hotmail.com 

fb: Michael Juha Full

---------------------------------

Labing-limang taong gulang lang ako noon, taong 1978. Nasa high school ako nang nagsimulang tumutulong-tulong sa sari-sari store ng aking bayaw. Maliit lang ang tindahan nila pero kahit papaano ay okay naman ang bentahan. Ang mga paninda nila ay asin, asukal, mantika, bawang, posporo, suka, patis, at kung anu-ano pa, iyong mga kailanganin sa bahay at kusina. Dahil na rin sa tulong ng bayaw ko sa pagpapaaral sa akin, iyon iyong isinusukli ko sa kanilang kabutihan. Tumutulong ako sa hindi lang sa pagbabantay ng tindahan kundi pati na sa o pagre-repack ng asukal, asin, bawang, paglalagay ng mga mantika sa bote o sa plastic. Basta kahit anong trabaho basta para sa tindahan, tumutulong ako.

Ang puwesto ng tindahan ng bayaw ko ay iyong parang cart lang ngunit nakadikit sa kungkretong dingding sa labas ng shop naman ng tiyahin ng aking bayaw. Bale nasa gilid lang siya ng daanan kung kaya ay marami rin ang mga customers nila. May upuan sa gilid nito at dahil nasa labas lang ng puwesto ang upuan ay kitang-kita ko ang mga tao sa paligid kapag ako ay nagbabantay.

Sa simula pa lang ay doon na rin naka-puwesto ang mga batang nagtitinda ng mga powdered soybeans na tingi-tingi. Sa panahong iyon ay sikat ito sa aming lugar. Ginagamit itong parang hot chocolate sa umaga, puwede rin itong pamalit sa chocloate kapag gumawa ng tsamporado. Iyon lang ang paninda nila at dahil maraming gumagamit nito, kumukita sila kahit marami silang nagtitinda nito. Dala-dala ang mga metal containers na hugis balde na may takip, pumu-puwesto sila sa mga kanto ng public market na iyon habang naghihintay ng customer o mga suki. At dahil med'yo malamig sa aming puwesto at dinadaanan pa ng mga tao, paborito ng maraming nagtitinda ng soybeans ang dito pumuwesto. Nakahilera sila sa gilid ng daanan papasok sa public market.

"Taga-Mindanao ang mga yan", ang sabi ng ate ko. "Sa Mindanao nanggagaling ang mga soybeans na supply dito at sila mismo na galing din doon ang nagbebenta ninyan."

Isa sa naging kaibigan kong soybeans boys ay si Jerry, taga Butuan City. Kasing-edad ko lang siya. Mestiso, medium built, matangkad at talaga namang may hitsura. Kung hindi lang med'yo gusgusin at luma ang mga suot nyang damit at sasabihin mo talagang anak-mayaman siya dahil sa kinis ng balat lalo na ang mukha. Brown ang kanyang buhok na mahaba, brown din ang mga mata, matangos ang ilong at may mamumula-mulang labi na perpektong match naman sa mapuputi at pantay na mga ngipin. Kumbaga, flawless ang kapogian niya. Ang sabi ng ilang kasamahan niya, mayaman daw ang papa nya na half-Spanish ngunit bumagsak ang negosyo at nang namatay ito ay nabalot na sila sa kahirapan. Kaya imbes na mag-aral, nagbanat na siya ng buto, kasama ang nanay at dalawa pa nyang kapatid na babae para makatawid sa mga pang araw-araw na kailangan.

Sobrang aloof at introvert si Jerry, halos kagaya ko rin. Ngunit mas matindi si Jerry. Kung ako ay sobrang tahimik ngunit nakibo kapag natapakan ang paa, sya ay tapakan mo man ang dalawang paa, hindi pa rin kikibo. Kikibo lang siguro siya kapag nabugbog-sarado na, puno na ng latay ang katawan at magtatanong, "Saan ba ang ospital?" Napakamahiyain. At sa tingin ko ay napakabait na bata.

Dahil may hitsura, maraming nagka-crush – bakla, babae. Sa kanya, ang lalaki nababakla at ang tomboy ay naging babae uli. Ganyan katindi ang ka-torpehan, este, kapogian ni Jerry. Malakas ang appeal ng kumag. Kahit mga estudyanteng babae ay dadayo sa puwesto namin para lang magpa-cute sa kanya. At siya pa mismo itong nililigawan ng babae! Saksi ako sa mga pagkakataong may nagpapadala ng love letter sa kanya, minsan ay pagkain, o card, at kung anu-ano pa. Mistula ngang nabulabog ng mga babaeng estudyante at malalanding bakla ang aming public market dahil kay Jerry. Siguro, kung nauso na ang facebook at internet noon, malamang na nag-viral na rin si Jerry sa social media. Baka sikat na siya, o baka rin, mayaman na sila. Siguro ay kasalanan din ni Jerry iyon. Ipinanganak siya sa panahong mahirap pang pasikatin ang isang katulad niya.

Ang Soybeans Vendor Na TisoyTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon