By Michael Juha
getmybox@hotmail.com
fb: Michael Juha Full
---------------------------------
Tiningnan nya akong tumulo na ang luha. "Oo Mike... pumasa ako sa test"
"Sandali! Pumasa ka pero bakit ka umiiyak? Di ko maintindihan. Ang labo mo naman, tol!" sabi kong pabiro.
"Alam mo, Mike. Siya ang may pinakamataas na score sa lahat, at halos ma-perfect nya ang test. At tuwang-tuwa ang madre" paliwanag ng mama nya. "Kaya kami kinausap ng direktor ay dahil sa nasa 'gifted' category daw si Jerry at ang eskwelahan na para sa mga kagaya nya ay nasa Manila, at dun sya mag-aaral."
Natutala ako sa aking narinig at hindi maintindihan ang nararamdaman. Masaya dahil pumasa si Jerry at malungkot dahil sa takot na magkalayo kami. "E... panu nalang ho ang pagtitinda nya, ang hanapbuhay nyo po?" tanong ko.
"Sinabi ko rin yan sa school director. At wag daw akong mag-alala dahil bibigyan nila ako ng janitorial na trabaho dito sa school."
"Pumayag po ba kayo?"
"Oo. Napakalaking tulong nito sa amin, Mike, kung alam mo lang... Kaya napakalaki rin ng pasasalamat ko na ikaw ang naging kaibigan ni Jerry" sabi nyang naiiyak at niyakap ako. "Masayang-masaya ako Mike dahil alam ko, ito na yong pinapangarap ni Jerry na makapag-aral muli. Wala e, wala talaga akong maitutulong sa kanya..."
Nung gabing yon, namasyal ulit kami ni Jerry sa plaza, sa paboritong lugar namin, harap ng dagat sa ilalim ng malaking puno. At di kagaya ng mga dating pagsasama namin, malungkot kaming pareho.
"Panu ba yan, tol... sa Manila ka pala mag-aaral. Di ko maipaliwanag ang feeling ko e. Masayang-masaya ako sa iyo ngunit malungkot naman dahil sa maghiwalay na tayo." Sabi ko.
"Ako rin naman e. Parang ayaw ko nang tumuloy..." nahinto sya at tumingin sa akin. "Gusto mo, Mike hindi na lang ako tutuloy? Para magkasama tayo palagi? OK lang sa akin, walang problema"
"Wag... ito na yung katuparan ng mga pangarap mo, Jerry. Di ba sabi mo, parang nasa putikan ang buhay mo, at wala ka ng pag-asa? Heto na ang pag-asa mong mabago lahat yan, wag mo ng pakawalan pa." Sabi ko. "Lahat ng pangarap ay pinagsisikapan at may katumbas na mga sakripisyo. At... kung isa man ako sa mga sakripisyo na yon, handa ako... At nandito lang naman ako e, hihintayin kita palagi. Tsaka, sa Maynila ka lang naman, diba? Pag holidays o school break, magkikita pa rin tayo" sabi kong pag-eencourage sa kanya kahit sa loob-loob ko, gusto ko ng bumigay at humagulgul.
"Ang bait mo talaga, Mike. Wala kang katulad..." sabay ngiti at akbay sa akin.
"Sabi ko sa iyo e. Ako ang official guhit ng buhay mmo, ang tulay mo sa iyong mga pangarap"
"Di lang yan. Ikaw din ang lucky charm ko" sabi nyang haplos-haplos ang buhok ko.
"Pag nandun kana sa Maynila baka makalimutan mo na ako, at makahanap ka na ng ibang best friend"
"Wow, nagseselos na ba ang best friend ko o naiinsecure lang?
"Pareho"
"Pwes sasabihin ko sa iyo na ikaw lang ang best friend ng buhay ko. Ikaw lang ang kaisa-isang taong nagpabago ng takbo ng buhay ko. Sino pa ba ang pweding pumalit sa iyo dito sa puso ko? Wala na, wala na, Mike" sabi nya habang nakatitig sa akin.
Promise yan, ha?
"Promise, cross my heart."
"At wala ng sigarilyo, wala na ring marijuana dun ha?"
"Wala na, walang-wala na po"
Natuloy nga si Jerry sa pag-aaral nya ng Maynila. Isang araw bago sya umalis, ginala namin ang mga lugar na paborito naming puntahan – plaza, beach, ilog, nag picnick sa farm namin. At kinagabihan, magkatabi na rin kaming natulog sa bahay namin at ini-enjoy ang ilang sandali ng aming pagsasama.
Kinabukasan, hinatid na namin sya sa pier. Ayaw ko na sanang pumunta pa dun pero nagpumilit pa rin ako dahil sa kagustuhan na ring makapiling sa huling pagkakataon ang best friend ko bago kami tuluyang magkalayo. Pinilit kong wag umiyak. Kunwari nagkukwentuhan kami, nagbibiruan ngunit alam ko, pinilit din nyang maging matatag para sa akin. Bago kami pinababa ng barko, "Mike, sensya ka na, heto lang ang kaya kong bilhin para sa iyo" sabi nya habang dinukot ang isang kwentas na parang liston na maitim at ang pendant ay maputing ngipin ng hayup at isinuot iyon sa leeg ko. "Isuot mo to palagi, araw-araw kahit saan ka pupunta para kahit di mo ako kasama, mayroon kang alalala sa akin; para hindi mo ako malilimutan." Tapos, dinukot nya pa ang isa kwentas, iniabot sa akin na sya ko ring isinuot sa leeg nya. "Ito namang sa akin ay palagi ko ring isusuot para kapag nami-miss kita, nalulungkot, o nahihirapan sa mga pagsubok, dito kita hahanapin at dito ako huhugot ng lakas. Ikaw lang kasi ang nagpapalakas sakin, tol... alam mo yan" sabi nyang hindi na mapigilan ang pagtulo ng luha.
Tumulo na rin ang luha ko sabay yakap sa kanya. Nagyakapan kami na parang walang pakialam sa mga taong nakapaligid. Hindi ako makapagsalita at ang nasabi ko na lang, "Mag-ingat ka palagi dun, tol at wag mong kalimutan ang mga payo ko sa iyo..." at dali-dali na akong tumalikod at pababa ng hagdan. Ayaw kong makita nya ang pagluha ko. Hindi na ako lumingon pa at hindi ko na rin hinintay ang pag-atras ng barko sa pier. Tuloy-tuloy ako sa paglakad. Pakiramdam ko, ako lang ang nag-iisang tao sa mundo, walang kakampi, walang karamay, walang nakakaintindi sa sakit na nararamdaman. "Ang sakit pala kapag iniwanan ka ng mahal mo..." bulong ko sa sarili habang pinapahid ang walang tigil na pagtagos ng luha.
Ng makarating ako ng bahay, nagkulong ako sa kwarto habang sumisiksik sa isipan ang mga tanong kung ano na kaya ang nangyari kay Jerry sa mga sandaling iyon. "Umiyak din kaya sya? Nakatulog kaya...?" Hindi rin maiwaglit sa isip ko na nung nagdaang gabi lang, magkasama pa kaming natulog sa kwarto na yun, yakap yakap ang isa't isa, puno ng lambing at kasiyahan.
Maya-maya, napansin ko ang isang sobre sa ibabaw ng study table ko. Kay Jerry. Binuksan ko at binasa.
"Dear Mike, ginawa ko tong sulat na to habang natutulog ka. Kanina lamang, ang saya-saya natin dito sa kwarto na to, at napakaligaya ko dahil kapiling kita. Bago pa kita nakilala, alam mong napaka lungkot ng mundo ko at ang puso koy puno ng galit. Ngunit nung dumating ka sa buhay ko, biglang nagbago ang lahat, napuno ng diwa, napuno ng pag-asa. Hindi ko alam kung panu ka pasasalamatan. Hindi man sapat ang mga katagang sasabihin ko sa kaligayahang nadama sa lahat ng ginawa mo sa akin, ngunit maraming-maraming salamat sa iyo...
Maaaring sa pagbabasa mo sa sulat na ito ay nasa gitna na kami ng karagatan, umiiyak dahil mami-miss ang isang kaibigan na syang nagbigay sa akin ng panibagong buhay, lakas, at pag-asa. Ngunit alam kong panandalian lamang ito. At alam ko rin na umaasa ka na kakayanin kong harapin ang lahat ng pagsubok, at tuluyang baguhin ang takbo ng aking buhay. Kakayanin nating dalawa ito, Mike. At pangako ko, hindi kita bibiguin...
Salamat sa pagdating ng isang Mike sa buhay ko. Salamat sa lahat ng mga payo at lakas na ibinibigay. Salamat sa mga kasiyahan. Salamat sa pagmamahal. Salamat sa pagmulat mo sa isip ko. Salamat sa pagbigay mo ng pag-asa. Salamat sa pagiging 'guhit' mo sa buhay ko na syang nagsilbing tulay para tahakin ko ang mga pangarap. Salamat sa yo...
Ilang buwan lang at magkikita na naman ulit tayo, Mike. Kaya't wag kang malungkot at darating din ang araw na yan. Sa pagdating ng araw na yan, makikita mo ang isang Jerry na puno ng pag-asa at kahandaang humarap sa mga pagsubok sa buhay.
Mag-ingat ka palagi sa sarili, mo tol. Mami-miss kita, sobra...
Hanggang sa muli. Ang iyong kaibigan, Jerry.
PS. Nung tinanong mo ako kung mahal kita at ang sagot ko ay hindi ko alam, nagsinungaling ako. Ang totoo nyan, MAHAL NA MAHAL KITA!"
Pagkatapos kong basahin iyon, tinupi ko at idinampi isa dibdib ko. Mahigpit, pilit isiniksik sa isip na si Jerry iyong nasa harap ko at nakipag-usap sa akin.
"Nagsinungaling din ako, Jerry. Dahil mahal na mahal din kita..." ang bulong ko sa aking sarili.
(Itutuloy)