Alas-dose ng tanghali ay kasagsagan ng kanyang pagbiyahe. Isang matipunong binata na may mabigat na noo at matigas na panga ang may hawak ng manibela. Makikita mo sa kanyang mga mata ang pagod at pagkabanas na nararanasan niya. Mahigpit ang kanyang hawak sa manibela at mabilis ang mga sulyap sa salamin. Kahit kaylan man ay hindi naging madali ang pagbiyahe sa katirikan ng tanghali
Sari-sari at sabay-sabay ang trabahong nakapasan sa isang jeepney driver. Nagbibilang, nagda-drive, nakikinig at ilang oras na nakaupo. Nakakangalay at malamang ay nakakapagod. Pero ano ba talaga ang bumubuo at sumisira sa araw ng isang jeepney driver?
Sila ang mga pasahero.
May sampung uri ng mga pasahero na maisasakay ng isang jeepney driver:
1. The Good: sila ang mga pasaherong magbabayad kaagad paglapat lamang ng kanilang pwet sa upuan. Walang problema ang mga jeepney driver sa kanila pwera lamang sa mga barat magbayad at mahihina ang boses.
2. The Bad: ang mga pasahero na magbabayad lamang kung kailan sila ay bababa na. Napakalaking abala lalo na kung kulang o sobrang laki naman ang ibinabayad nila. Sila rin ang mga pasaherong hindi marunong bumaba/sumakay sa tamang babaan/sakayan o mga taong sadyang maiinit ang ulo sa biyahe. Mga lumalabag din ng batas jeepney ang mga taong ‘to, yung tipong hindi alam ang ‘No Smoking’ sign. Hindi siguro marunong magbasa.
3. The Ugly: sila ang mga taong kung anu-ano ang sinusuot. Mga taong wagas makapagsando at makataas ng kanilang braso para ipakita ang mga nagmumurang buhok nila sa kilikili. Kasama rin sa kanila ang mga taong parang rarampa sa mga fashion show. Masakit sa mata ang kanilang porma dahil hindi bagay sa kanilang mga itsura. Nakakainis at nakaka-alibadbad.
4. The Ninja: ang mga ninja ay mabibilis o ang mga tahimik na nakasiksik sa isang sulok lalo’t marami ang pasahero. Bayad? Nagbibilang na lang sila. Ang mga numerong madalas nilang bilangin ay, 1…2…3!
5. The Bomb: malas ka kapag nakatabi mo sila. Parang lagi kang may katabing truck ng basura, nakabukas na diapers ng may diarrhoea o ang maasim na sauce na naaamoy mo palagi sa mga fishballhan. Ang resulta? Mapapababa ka ng maaga.
6. The PBB Teens: mga hindi matinag kahit anong pangyayari ang maganap sa loob o labas ng jeepney basta mapakita nila ang kanilang pagmamahal sa isa’t-isa. Minsan nakakatuwang panuorin, minsan nakakaalibadbad na rin.
7. The Drag: mga matatanda madalas. Mabagal bumaba/sumakay, maglakad, magbayad at magsalita. Pasakit at pahirap sa mga pasahero at driver na nagmamadali.
8. The Baggage: pasaherong dala na halos laman ng bahay niya. Lahat ng tao sa jeepney ay kanyang maaabala dahil sa bigat at dami ng kanyang dala. Madalas dito ay mga magtataho o mga namalengke.
9. The Boarder: mga tao kung umasta ay parang nirenta na niya ang buong jeepney para kanyang higaan, upuan at patungan ng paanan. Minsan ay sasandalan pa niya ang kapwa pasahero o sadyang sisikipan ang kanyang pagkakaupo para pahirapan ang mga katabi. Kung mataba ka at sadyang punuan ang jeepney, instant boarder ka na.
10. The EMCEE: mga pasahero parang mga host ang asta, kausap dito at doon, kung sino ang makita kahit ‘di kakilala. Sila ang mga taong ayaw mong makatabi lalo na kung ayaw mong may makausap. FC (Feeling Close) ang mas pormal na tawag sa kanila.
BINABASA MO ANG
Jeepney Driver
ActionHingal na hingal na tinignan ng lalaki ang umiiyak at gulat na dalaga. Nagkatagpo ang kanilang mga mata; ang unang beses na nagkita sila. Ang matapang na mga mata ng tigapagligtas at ang maaamong mata ng dalaga na lumalangoy sa luha at takot. Sa ila...