Alas-dos ng madaling araw ay bumibiyahe pa siya. Isang matipunong binata na may mabigat na noo at matigas na panga ang may hawak ng manibela. Makikita mo sa kanyang mga malalalim na mata ang pagod, galit at mga problema na bumabalot sa kanya. Mahigpit ang kanyang hawak sa manibela at mabilis ang mga sulyap sa salamin. Kahit kaylan man ay hindi naging ligtas ang bumiyahe lalo't madaling araw na.
Malapit sa kanya ay isang may edad na lalaki, lasing ngunit gising na gising. Sa dulo naman ay si Pamela na maingay na nakipaglandian sa kanyang customer, hindi pinapansin ang mga kasama sa sasakyan. Sa tapat naman ng mga taong iyon ay isang dalagang estudyante. Nakauniporme pa rin, maraming dala at tila balisa. Tahimik na nakatungo ang dalaga sa dulo ng jeepney. Tahimik na binabaybay ng driver ang madilim at liblib na kalsada, pinapanood maigi ang kanyang mga sakay. Napansin din niya na kanina pa tingin ng tingin ang may edad na lalaki sa dalaga sa dulo.
"Para po."
Sa madilim na kanto at sa gitna ng liblib na kalsada pumara ang dalaga. Tinignan maigi ng driver ang bababa. Dala-dala ang kanyang mabibigat na bag ay dahan-dahang bumaba ang dalaga. Iaandar na niya ulit sana ang jeepney nang biglang sumunod ang may edad na lalaki sa dalaga. Kinabahan siya. Pinanuod niyang maigi kung saan papunta ang dalaga. Lumiko ang dalaga sa kanto at pumasok sa eskinita habang tahimik na sumusunod ang lalaki sa kanya.
"Kuya, hindi pa ba tayo lalakad?"
Naiinip na si Pamela. Medyo matagal palang napatigil ang driver. Tinapakan niya ang pang-abante ngunit ang kanyang mga mata ay nakatingin pa rin sa salamin. Nawala na ang dalaga at ang lalaki sa kadiliman.
Hindi na nagdalawang isip ang driver. Kinuha niya agad ang bakal na tubo sa gilid ng upuan at dali-daling bumaba.
"Oi, kuya san ka pupunta?!"
Iniwanan niyang bukas ang makina ng jeepney. Di naman siya nag-aalala dahil nasa tabi at bihira lang naman ang nabiyahe sa kalsadang ito lalo na sa mga gantong oras. Ayun ang problema. Masyadong liblib at madilim ang lugar na 'to para hayaan niya na lang na umuwi ang dalaga na mag-isa.
Ang makina lamang ng jeepney at ang kanyang mga mabibigat na yapak ang kanyang naririnig. Tahimik ang gabi. Pumasok na siya madilim na eskinita.
Medyo masikip ngunit diretso lang ang daan. Ginaanan ng driver ang kanyang mga yapak at unti-unting sumilip sa dulo ng eskinita. Lalo siyang kinabahan at pinawisan. Masukal pala ang lugar na ito. Walang poste ng ilaw at ang buwan lamang ang tumatanglaw. Nasaan kaya sila? Kada hakbang niya ay lalong lumalakas ang kanyang kaba.
Sa hindi kalayuan, nakarinig siya ng sampal.
Tinalasan niya lalo ang kanyang pandinig at binilisan pa ang kanyang lakad. Humigpit ang kanyang hawak sa bakal na tubo na dala. Sa pinakagilid ng kalsada kung saan may isang malaking puno ng acacia ay nakarinig siya ng pag-iyak.
Dahan-dahan at sobrang tahimik, iniwasan niyang tapakan ang mga tuyong dahon at pinilit na tumapak lamang sa malambot na lupa. Gumagalaw ang mga halaman sa sulok. Palapit ng palapit, nakita niya ang gumagalaw at nakapatong na porma ng lalaki sa manipis na katawan ng dalaga. Hinigpitan niya ang hawak sa tubo at itinaas ito.
"AHHH!"
Umirit ang dalaga at inihampas ng driver ang lalaki sa ulo. Hingal na hingal na tinignan ng lalaki ang umiiyak at gulat na dalaga. Nagkatagpo ang kanilang mga mata; ang unang beses na nagtigtigan sila. Ang matapang na mga mata ng tigapagligtas at ang maaamong mata ng dalaga na lumalangoy sa luha at takot. Alam ng binatang driver na hindi niya makakalimutan ang babaeng ito.
“Kuya? KUYA!”
Biglang dumating si Pamela kasama ang kanyang customer na tinatanglawan ang lugar ng kanyang cellphone. Agad na nag-ayos ang umiiyak na estudyante nang dumating ang dalawa. Napasigaw bigla si Pamela ng makita niya ang walang malay na lalaki sa lupa. Naintindihan niya kaagad ang pangyayari.
“My gad!” Nilapitan agad ni Pamela ang umiiyak na dalaga, “Ne, ayos ka lang?”
“Ano bang nangyari?” ang takot na tanong ng matandang customer ni Pamela.
“Muntik ng magahasa ‘yang estudyante,”ang sagot ng driver na pinupulot ang nagkalat na gamit ng dalaga. Nakayapos lamang sa kanyang sarili ang dalaga, tulala at tahimik na umiiyak. Nilapitan ni Pamela ang walang malay na lalake at pinagsisipa ito.
“HAYOP KA! GAGO! LIBOG MO! TANGINAMO!”
Inawat naman kaagad siya ng kanyang matandang customer, “Tama na yan honey-“
“’TONG MGA GANTONG TAO SUMISIRA SA MGA KABATAAN EH, HAYOP-“
Tumulong na rin sa pag-awat ang driver at hinila palayo si Pamela. Wala pa ring malay ang malaking lalake.
“Dadalhin natin ‘yan sa presinto. Kuya, tulungan mo kong magbuhat.”
“Huh?” ang walang malay na sagot ng matandang customer na pinapakalma pa rin si Pamela.
“Bubuhatin natin ‘tong lalake dun sa jeep.”
“OO! HAYOP, DAPAT BINUBULOK SA KULUNGAN ‘YAN EH-“
“Honey, huwag kang masyadong maingay!” ramdam na ramdam ang takot ng matandang customer sa kanyang pagsaway kay Pamela. Binaba ng driver ang mga gamit ng estudyante at hinahawakan na ang paa ng lalake. Sumunod na naman ang matanda at hinawakan naman ang lalake sa may ulunan.
“Aray ko po…”
Natalisod ang matanda dahil sa kaba. Sabat nilang binuhat ng driver ang lalake.
“Pamela, sunod kayo ha.”
Bahagya nang nakakalma si Pamela at pinulot na niya ang mga gamit ng estudyante. Nilapitan niya ang balisang dalaga at niyapos ito.
“Tara na…”
Mabigat ang lasing na lalake. Pawis na pawis na ibinibaba ng matanda at ng driver ang manggagahasa sa sahig ng jeepney. Itinali kaagad nila ito at isinakay ang balisang dalaga. Katabi pa rin ni Pamela ang estudyante, alalang-alala at yapos-yapos ito. Pagkaupo ng binatang driver ay agad niyang ini-andar ang sasakyan.
Kabado at takot na takot ang matandang customer, hindi iniaalis ang titig sa walang malay na lalake sa sahig. Muli namang umiyak ang dalaga. Hinigpitan ni Pamela ang yapos sa kanya. Unang beses na makita ng driver ang ganitong simpatiya kay Pamela. Kitang-kita ang pagaalala ng prostitute habang pinapatahan niya ang dalaga.
Ano na kayang mangyayari sa dalaga?
BINABASA MO ANG
Jeepney Driver
ActionHingal na hingal na tinignan ng lalaki ang umiiyak at gulat na dalaga. Nagkatagpo ang kanilang mga mata; ang unang beses na nagkita sila. Ang matapang na mga mata ng tigapagligtas at ang maaamong mata ng dalaga na lumalangoy sa luha at takot. Sa ila...