Ika-5 ng Setyembre taong 2027
5PM
"At dito na nagtatapos ang ating klase."
"Pero maam, ano na po ang nangyari pagkatapos mong mabasa ung letter sa baba ng portrait?"
Napangiti ng bahagya si Yuri sa tanong ng kaniyang estudyante. Naalala niya ang pait ng nakaraan, kung paano niya iniwang mag isa si Alfonso.
Pitong taon na rin ang nakalipas magmula ng mapagtanto niyang siya pala ang nasa kuwadrong naka paskil sa museo. Dalawang taon na rin ang nakalipas nang sumuko na siya sa paghahanap kay Alfonso.
"Hinanap ko siya sa loob ng limang taon. Pumunta ako sa mga alam kong lugar kung saan ko siya maaaring makita. Nagtanong tanong na rin ako sa kung sino-sino kung may kilala ba silang Alfonso na naka tira sa lugar pero nabigo ako. Pinili ko na lang sumuko at hayaan ang tadhana na kumilos para sa amin."
Nawalan na lamang siya bigla ng pag asa dahil sa kakulangan ng ala-ala. Kahit pa naaalala niya ang mukha nito, sobrang laki naman ng Pilipinas para mahanap niya si Alfonso. Masyadong imposible.
"Pero hindi po ba't napaka aga pa para sumuko ka po? Paano kung makita mo po siya?"
Madaling sabihin.
Kung magkikita man kaming muli, ako na siguro ang pinaka masaya sa lahat. Nagtapos ako ng pagiging guro sa asignaturang kasaysayan pero hindi naman ako maibabalik nito sa nakaraan.
Nakakalungkot.
Ang tanging magagawa ko lang ay ibahagi sa mga taong gustong matuto ang aking mga nalalaman. Hindi man nito maibabalik o mababago ang nakaraan, maaaring ito naman ang makapagpabago sa hinaharap o sa kasalukuyan.
"Kung sakali mang magkikita kaming muli, itutuloy namin ang naudlot naming pag ibig. Siya, ako, laban sa mundo."
Tiningnan niya muli sa mata ang batang ito.
Nakakamangha.
Kung iba ang nakakarinig nito, malamang ay iisipin nilang nahihibang na si Yuri at nawawala na sa katinuan. Pero ang bata nga naman, napakalawak ng imahinasyon at madaling mapaniwala.
"Sige po maam. Sana po magkita na kayo!" Masayang tugon ng kaniyang estudyante bago lumabas ng silid-aralan.
5:30PM
Habang nag aayos ng gamit ay narinig ni Yuri ang malakas na kulog mula sa labas.
Uulan na naman yata.
Hinanap niya ang kaniyang payog sa bag at napagtanto niyang naiwan niya pala ito sa bahay.
Ang galing Yuri. Inaalala ang nakaraan pero hindi maalala ang mga bagay na kailangan.
Lumabas siya ng paaralan at sumilong muna sa waiting shed. Nagbabakasakaling may darating na taxi o kung ano pa mang pwedeng sakyan. Sa kasamaang palad, imbis na humina ay lalo pang lumakas ang buhos nito. Para bang kailangan niya nang maglatag at doon na lang matulog dahil mukhang stranded na naman siya.
Habang nasa ilalim ng waiting shed ay hindi niya mapigilang mag muni-muni muna.
Hindi naman talaga niya gustong sumuko. Hindi naman siya sumuko. Napagod lang siya sa paghahanap na baka nagsasayang lang siya ng taon sa buhay niya. Baka ilaan niya ang buong buhay niya sa paghahanap sa wala. Sa taong hindi naman talaga nabuhay. Baka nadala lang siya ng mga panaginip niya noon. Baka imahinasyon niya lang lahat.
Maraming posibilidad.
6:23PM
Sa tagal ng inintay ni Yuri, sa wakas ay naka sakay na rin siya sa jeep. Medyo basa na ang ibang bahagi ng kaniyang damit dahil sa mga anggi sa waiting shed.
"Paabot po ng bayad, pasuyo na lang."
Inabot niya ang bayad sa lalaking nasa harapan niya dahil naka upo siya sa bahagi ng jeep na kung saan ay medyo malayo sa driver. Nang akmang aabutin na ito ng lalaki ay napatingin siya sa mukha nito.
Mapungay na mga mata. Itim na buhok. Matangos na ilong at kayumangging kulay ng balat. Pati na ang hindi mawawalang nunal sa kaniyang leeg.
Hindi maaari.
Posible.
Hindi ko alam.
Sa bawat tibok ng puso ko, ramdam kong siya si Alfonso. Pero pinipigilan ako ng takot na baka mali na naman ang kutob ko.
Hahayaan o susugal?
Ano nga ba ang dapat magwagi? Isip o ang puso?

BINABASA MO ANG
Pinta ng Tadhana
RomansTulad ng isang obra, ang pag ibig ay likhang sining na napaka ganda. Makikita lang ito kung iintindihin natin ang mga natatagong mensahe dito. Mga taong nasa pagitan ng buhay at kamatayan, nakaraan at kasalukuyan, muli pa kayang magtatagpo?