Pangako ng Agos

352 2 0
                                    

Sa mga nagdaang araw pagkatapos nilikha ang mundo, wala pang mga ilog kundi pawang mga lambak lamang ang meron kung kayat nagmistulang malaking lawa rin ang karagatan. Mapayapang namumuhay ang mga isda at iba pang mga hayop pangkaragatan. Pero habang lumilipas ang panahon, lumalaki ang kanilang populasyon kaya unti unti na ring sumisikip ang karamihan sa mga lawa.

Isa sa kanilang namumunong si alimangong Seidon ang nagpasyang umakyat sa lupaing ibabaw upang humiling kay Bathala na gumawa ng pwedeng maging daanan ng ilang mga hayop pangkaragatan patungo sa tinatawag nilang "Baluarte" (na ating tinatawag ngayong karagatan). Tumango naman ang Bathala sa hiling ni alimangong Seidon kung kayat nagisip-isip sa kung paano makakagawa ng lagusan. 

Alam ng Bathala na kailangan niyang masolusyonan agad ang problema dahil maraming buhay rin ang nasasawi dahil sa mabilis na paglaki ng populasyon sa mga lawang di' konektado sa Baluarte. Habang nag-iisip ay napansin ng Bathala ang mga dahon ng kanyang mga halamang sumasayaw ng sabayan sa ihip ng hangin. Napansin niyang sa isang direksyon lamang ang kanilang pinatutunguhan kung kayat nakapulot siya ng ideya na lumikha ng pwersang pwedeng itungo ang mga hayop pangkaragatan sa Baluarte.

Agad itong nilikha ng Bathala at tinawag itong "Agos". Mayroon itong sariling buhay kung kayat may kakayahan parin itong tumigil kung kalian nito gusto, kung saang direksyon ang patutunguhan at kung gaano kalakas ang magiging daloy ng tubig, ngunit nilikha itong mabait kaya inasahan ito ng Bathala na hindi gagawa ng mga bagay na ikababahala ng mga hayop pangkaragatan.

Sa mga unang oras ni Agos sa mundo, napatanong agad siya kay Bathala kung ano ang nais nitong gawin,

" Bathala, buong-puso niyo akong nilikha ngunit hindi ko po alam ang aking layunin dito. Paano po ako makakatulong sa suliranin ng mga hayop pangkaragatan kung wala po akong pisikal na katawan at purong umaasa lamang sa tubig." Tanong ni Agos

"Huwag mong ihalintulad ang iyong sarili sa ibang aking nilikha. Wala ka mang pisikal na anyo ngunit marami parin sakanila ang umaasa sa iyo upang tuluyang mamuhay. Mayroon kang kakayahang kontrolin ang daloy ng tubig at gagamitin mo ito bilang instrumento upang matulungan mo ang mga pinamumunuhan ni alimangong Seidon." Sagot ni Bathala.

"Ngunit sa aking magiging tungkulin, hindi ko po ito makakayanang mag-isa dahil sa rami rin ng lawang malayo sa Baluarte" ani ulit ni Agos

"Huwag kang mag-alala dahil sumang-ayon ang ilan sa aking mga kaibigan na samahan ka sa pagresolba sa suliraning aming hinaharap" biglaang pagbanggit ni alimangong Seidon na kanina pa palang nakikinig sa usapan ni Agos at Bathala.

Nasiyahan naman si Agos sa kanyang narinig at nakaramdam si Bathala ng kaluwagan dahil hindi na ito mag aalala sa naging tanong ni Agos. Niyaya ni alimangong Seidon si Agos sa kanyang tahanan at agad namang pinakilala nito ang kanyang mga kaibigan na sina isdang Pisce, hipong Gamberetto at si kabibeng Mollusko. Naabutan nila ang mga itong naglalaro kung kayat napatigil nalang bigla dahil sa baguhang kasama ni alimangong Seidon.

"Hali kayo rito, batiin niyo ng maligayang pagdating ang ating bagong kasama. Siya'y inatasan ng Bathala na itungo ang ating mga kababayan patungo sa Baluarte upang makaluwag at muling mamuhay ng mapayapa."

Agad naman itong nilapitan ng tatlo upang makipagkilala. 

"Ako nga pala si Pisce, isang isdang inatasang gabayan ang kapwa mamamayan upang gumawa ng mga kabutihang asal at tamang mga desisyon para sa ikabubuti ng mga pamayanan." Salubong ni Isdang Pisce.

"Ako naman si Gamberetto, ako nama'y inatasang mangalaga at magronda sa mga pamayanan upang mapanatili rito ang katiwasayan at kaayusan" sabi ni hipong Gamberetto.

"Ako si Mollusko, inatasang maging tagapagsalita ni alimangong Seidon at tulungan siya sa pamumuno. Isa rin ako sa mga pinagkakatiwalaang tagapayo ng mga mamamayan sa kanilang mga hinaharap at haharaping mga problema." Sabi naman ni kabibeng Mollusko.

Halimbawa Ng Mga Panitikang FilipinoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon