The Story Of Us

163K 5.1K 225
                                    

Gan'yan tayo eh—biruan, lokohan, isang patimpalak na tayo lang ang nakakaalam. Isang relasyong nagsimula sa isang pagkakamali. Pagkakamali na hanggang ngayon ay hindi ko alam kung sadya o hindi. Isang pagkakamaling hindi ko na dapat pinatulan kasi ako lang ang nagmukhang tanga.

Gan'un ka. Isang taong kilala ko lang sa pamamagitan ng kakaibang paraan ng paghabi mo ng salita. Mga salitang noong una ay pinagtawanan ko at lihim na kinakantiyawan. Kantiyaw na nauwi sa paghanga; lihim na lalong lumalim at mga salitang unti-unting bumaon sa puso ko. Puso kong nagpapakagaga sa isang taong hindi ko pa nakikita ang mukha. Isang mukhang habang tumatagal ay nagkakaroon na ng katauhan sa utak ko. Katauhan na sa utak ko lang nagmula pero unti-unting inangkin ang puso ko. Ang puso kong ikaw ang tinatawag. Pagtawag na hindi ko magawang ibalewala.

At ganito ako. Nagpapakatanga, nasasaktan at patuloy na umaasa. Umaasa sa isang bagay na hindi naman dapat. Hindi dapat kasi nagsimula lang sa isang laro. Isang larong na sinubukan kong sabayan; isang laro na noong una ay nagbigay sa akin ng bagay na tatawanan. Isang pagtawang habang tumatagal ay unti-unting naglalaho.

Hindi ko alam kung saan tayo nagsimula o kung may tayo bang dapat hanapan ng pinagmulan. Ang alam ko lang ay unti-unti akong nahuhulog sa'yo o sa kung sino ka mang binuo ko sa isip ko.

Masasabi kong hindi ka patas lumaban. Hindi patas kasi ang perpekto mo sa reyalidad na ako lang ang gumawa. Reyalidad na dala ng isang imahinasyon. Isang imahinasyong hindi ko na dapat pang pinalalim. Isang imahinasyon na dapat ay hindi ko na sinimulan.

Nakakainis kasi kahit ikaw ang nagkamali ay ako ang nagsimula ng larong ito. Larong dapat ay sasakyan ko lang. Isang trip na hindi ko namalayan na nagiging dahilan kung bakit ako nasasaktan.

Hindi ko matanggap ang katotohanang maaaring kilala mo ako. Ako na unti-unting nahuhulog sa'yo. Ikaw na maaaring nanunuod at nagmamasid habang patuloy akong umaasa. Pag-asang alam ko namang wala ring kauuwian. Walang kauuwian dahil ito ay isa lang patimpalak. Patimpalak na hindi ko alam ang premyo pero pinag-aaksayahan ko ng luha ko.

Gusto kong umalis sa anino mong hindi ko alam kung sino ang nagmamay-ari. Gusto kong magising sa panaginip na unti-unting nagiging bangungot kasi nagsisimula na akong mahalin ka. Gusto kong lumayo...

Pero paano ako lalayo sa isang alaalang hindi ko alam kung sino ba talaga ang totoong may pakana?

Sino ka ba talaga?

Bakit mo ba ako sinasaktan?

Bakit ba ang galing mong magpaikot ng utak?

Bakit ang galing mong magpatibok ng puso?

Bakit?

Bakit mas pinili kong mahalin ka, patuloy na masaktan at gabi-gabing umiyak? Bakit kahit na tinatanong ko sa sarili ko kung tama pa ba ang katangahang ito ay hindi kita makuhang kasuklaman? Bakit ko hinayaang mahulog ang sarili ko sa'yo gan'ung alam ko namang hindi mo ako kayang saluhin?

Gan'yan tayo—biruan, lokohan, isang patimpalak na tayo lang ang nakakaalam. Isang relasyong nagsimula sa isang pagkakamali. Pagkakamali na hanggang ngayon ay hindi ko alam kung sadya man o hindi...

Ang hirap mong mahalin...

Pero kahit na gan'un...

Bakit ang hirap mong pakawalan...?

The Story Of UsTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon