Gabi-gabi di ko mapigilan ang mga luha ko. Nagseselos ako pero hindi ka naman sa akin. Ilang taon ko nang tinatago tong nararamdaman ko para sa'yo. Di ko alam kung ako lang ba yung tanga na umaasa na baka mahalin mo ako gaya ng pagmamahal ko sa'yo. Di ko na matangal to eh. Mahal na kita at wala na akong magagawa. Kahit baliktarin ang mundo at kahit gaano kasakit, mamahalin pa rin kita. Ganyan kita ka gusto kahit alam kong hindi naman ako yung tipo mo. Sinubukan kitang iwasan pero paano ko iiwasan ang taong palagi naman hinahanap ng aking mga mata.
Unang luha ko ay inaalay sa sakit na dala ng tadhana. Yung tipong bakit pa ba inibig ko siya kung hindi naman pala ako ang para sa kanya. Yung tipong magpapakilala na nga lang ng lalaki ang tadhana, yung may mahal pang iba.
Ikalawang luha ko naman ay inaalay sa sakit na dala ng iyong mga salita. Matatamis na salita ngunit alam kong ako lang ang umaasa. Dahil sa likod ng matatamis mong salita ay kahulugan na wala. Matamis nga yata ang mga salita mo sa lahat kaya di ko malaman kung seryoso o nagbibiro ka. Pero seryoso, kailan mo ba ako seseryosohin?
Ikatlong luha naman para naman sa mga biro kong di naman talaga biro. Nung sinabi kong gusto kita pero biro lang? Biro lang din yun dahil ang totoo ay gusto naman talaga kita. Yung mga baduy kong banat na sinasamahan ko ng charot? Walang harong charot yun pero siguro dinaan ko sa biro dahil alam kong biro lang naman ako sa buhay mo.
Ikaapat na luha sa mga ginagawa mong di ko maintindihan. Sa bawat kilos mong halos magbibigay na ng atake sa puso ko dahil sa di ko makaya ang kilig. Pero lahat ng iyon ay parang wala lang. Di kita maintindihan kasi ang labo mo. Sobrang labo mo.
Huling luha ko naman sa pag limot ko sa'yo. Paglimot ko sa'yo na di ko naman magawa. Dahil sa tuwing kinakalimutan kita ay mas tumatatak ka sa isip ko. Napakasakit na gusto kong makasama ka pero alam kong hindi tayo pwede. Hindi tayo pwede dahil kahit na anong gawin ko ay isa lang ako sa mga babaeng gumugulo sa'yo. Dahil kahit anong gawin ko hindi naman ako ang babaeng tipo mo. Dahil kahit anong gawin ko isa lang naman akong babaeng lumuluha pag nasasaktan ka at sumasaya kapag masaya ka. Dahil kahit ano pa ang mangyari, kaibigan mo lang ako.
