Ako'y parang binugbog ng sandaang tao. Di na makayang iangat ang aking mga labi. Mga mata'y namumula sa pagpipigil na ilabas ang emosyong pilit na ipinapasok sa kasulok-sulokan ng puso ko. Nanginginig sa takot at sakit na dala at bunga ng pagmamahal ng isang lalaking di naman magiging akin.
Ganito ba ang sakit na dala ng pagmamahal? Sa pagtitig ko bawat araw sa mga magkasintahang masaya, ako'y napaisip. "Bakit sila lang ang masaya?"
Hayun at ang sakit ay bumabalik na naman at panibagong pagpipigil ang nararamdaman. Gusto kong umiyak ngunit ang paglabas ng mga emosyong ito ang magiging dahilan kung bakit mas lalo akong magiging mahina. Ako nga pala ang babaeng nasaktan. Babaeng nagmamahal ngunit hindi minamahal.
Paasa. Gusto kong sabihin sa sarili kong isa siyang paasa. Ngunit kahit anong pag-alala ko sa mga pangyayari, ako lang naman pala ang umasa. Umasang baka naman may magmahal sa akin. Umasang siya na ang makakasama ko habang buhay. Ngunit tinawag itong 'Umasa' dahil sa isang malaking rason. Sa madaling sabi, hindi magiging kami.
Kung mahal mo daw ipaglalaban mo. Paano ko naman ipaglalaban ang isang taong sa simula pa lamang ay hindi naman lumalaban? At bakit naman siya lalaban? Hindi naman ako ang laban na gugustohin niya.
Sinasabi ng karamihan na piliin ko raw ang nagmamahal sa akin ngunit ilang beses ko ring napag-isipan na kung ganito naman ang gagawin ng lahat ay wala pa ring mangyayari dahil ang pagmamahal ay hindi pinipili at pinipilit. Dahilan kung bakit kinumbinsi ko ang aking sarili na tumigil na. Nagmumukha na kong desperada sa pag-ibig. Sa dami kasi ng lalaki sa mundo, ikaw ang pinili ng tatanga-tanga kong puso.
Ilang beses kitang sinubukan na kinalimutan. Ngunit paano ko kakalimutan ang isang taong nagturo sa akin na magmahal. Gusto kitang mapasaakin kahit sa panaginip lang. Kahit isang araw lang. Maramdaman ko lang kung paano ka magmahal at kaakibat nito ang sakit na mararamdaman ko pag nagtapos ang lahat 'pagkat napakaswerte ng babaeng mamahalin mo.
Minsa'y hiniling ko na ito sa panginoon kahit alam kong hindi naman talaga magiging tayo. Dahil hindi ako ang para sa'yo. Pero ano pa bang magagawa ko? Sana naman may pumulot na sa akin dahil hulog na hulog na ako, dahilan kung bakit hindi ko na kayang bumangon muli.
Dahil ang pagmamahal ay isang masarap na pakiramdam ngunit ito rin ang papatay sa'yo
