By Michael Juha
fb: Michael Juha Full
------------------------
Tawagin niyo na lang ako sa pangalang Jimmy. Isang probinsiyano, dalawampung taong gulang at nasa 4th year ng kursong Commerce.
Nagsimula ang kuwento namin ni Ezekiel ko noong unang semester, nang naghahanap ako ng bagong boarding house dahil maliban sa nag-increase ang bayaran ng unang boarding house ko, talagang kapos ang budget ko sa semester na iyon.
May nakita akong nakapaskil sa poste, isang advertisement na naghahanap ng roommate na magaling sa Math. Hindi raw pera ang kapalit na bayad kundi ang pag-assist lang ng kaunting assignment. Dahil may kaunting kaalaman naman ako sa Math kung kaya ay naisipan kong i-try. Tinanggal ko ang nakapaskil at dinala ko ito sa nasabing address.
Humantong ako sa gate ng isang apartment complex na may dalawang palapag na sa tantiya ko ay may apat na apartments. Medyo may kalumaan na ang building. Halos burado na ang pintura at sa porma pa lang ng maliit nitong front yard ay halatang hindi na ito naaalagaan. May mga matataas na damo, at ang mga bougainvillea na nasa magkabilang gate ay sobrang tayog na at may maraming patay na sanga at dahon. Ang mga sementong bangkito naman na nasa loob ng gate ay halos tubuan na rin ng mga damo.
Dahil bukas ang gate, pumasok ako at nag "tao po."
Sumagot ang isang lalaki. Iyon na si Ezekiel.
Matangkad na lalaki si Ezekiel. Nasa 22 ang edad, nasa 5'10 siguro ang height, medium-built ang pangangatawan, makinis ang mukha, matangos ang ilong, at ang isa sa nagustuhan ko sa kanya ay ang kanyang mga labi. Iyong mga labing kahit nakasimangot at nasa bad mood siya, ang cute pa rin siyang tingnan. Lalaking-lalaki at confident sa sarili.
Ngunit kung gaano ka-perfect si Ezekiel sa aking paningin, kabaligtaran naman ang kanyang pag-uugali. May pagka-arogante siya, may pagka-conceited.
Nang nasa loob na ako ng kanyang apartment, nalalanghap ko kaagad ang amoy ng usok ng sigarilyo. At ang paligid ay magulo, halatang hindi nililinis. Ngunit dahil lalaki naman siya, tanggap ko sa isip na normal lang ito. Sa dating dorm ko kasi, ganoon ang mga kasama ko. Naiinis na lang ako dahil ako kasi ay masinop na tao. Ayaw kong may nakikitang kalat sa paligid. Pero, syempre, dahil nakikitira lang ako, wala akong magagawa.
"Anong pangalan mo?" ang tanong niya nang nakaupo na ako sa sitting room sa loob ng kanyang apartment.
"Jimmy. Jimmy Dayan po." Ang sagot ko.
"Wag mo na akong po-po-in. Di naman ako ganyan ka-tanda. Ezie na lang itawag mo sa akin. At 22 lang ako. Ikaw?"
"T-twenty."
"See? 20 ka lang pero mas matanda ka pang tingnan kesa akin."
Hindi na ako kumibo. Binitiwan ko na lang ang isang ngiting hilaw. Ako kasi iyong tao na mahiyain, at kapag ganyang klase magsalita ang kausap, mahangin at hindi ko pa kakilala, silent na lang ako.
"Alam mo naman siguro ang kundisyon ko, di ba?" ang tanong niya.
"O-opo, eh, oo pala Ezie." Ang sagot ko.
"Bago pa lang kasi ako sa aking trabaho. Isang Sr. Staff ng HR ng aming kumpanya at may mga assignments ako na halos wala na akong oras. Kulang kami sa tao sa ngayon kaya ibinibigay sa akin ang ibang trabaho na hindi naman para sa akin sana. Pumayag naman silang dalhin ko sa bahay kaya okay lang. Pero ang totoo niyan, tamad din akong gumawa ng trabaho. Kaya hayan, naghanap ako ng gagawa sa trabaho ko. At ang mas gusto ay stay-in sa apartment para hindi ko na siya hahagilapin pa lalo na kapag may urgent pa akong ipapagawa."