By Michael Juha
fb: Michael Juha Full
----------------------
Isang hapon habang nasa lawn ako ng apartment, nagmunimuni, nakipagkuwentuhang muli sa akin si Arjay. Gusto ko sanang paalisin siya o kaya ay papasok na lang ako sa kuwarto sa takot na baka mahuli muli kami ni Ezie. Ngunit hindi ko magawa kasi mabait naman na bata si Arjay, baka ano ang iisipin niya sa akin. At naabutan talaga kami ni Ezie. Ngunit sa pagkakataon na iyon, imbes na dideretso siya sa loob ng apartment at doon ako pagagalitan, umupo siya sa tabi namin.
Bigla kaming natahimik. Pati si Arjay ay nakatingin na lang sa kanya.
"Pare... gusto ko lang malaman mo na boyfriend ako nito." Ang biglang pagsingit ni Ezie, sabay akbay sa akin.
Kitang kita ko sa mga mata ni Arjay ang pagkagulat. Ako man ay nagulat din at nagkatinginan kami. "T-talaga po?" ang sagot ni Arjay. "C-congratulations po sa inyo!" ang sabi ni Arjay.
"Para saan ang congratulations?" ang tanong ni Ezie.
"Sa inyong dalawa po. Maswerte po kayo kay Kuya Jim dahil mabait po siya, masipag, at... bagay na bagay po kayo. Pareho kayong guwapo."
"Salamat. Kaya ngayong alam mo na, gusto kong friend na lang kayo, okay ba?"
"O-opo Kuya Ezie. F-friend lang naman talaga kami ni Kuya Jim eh."
"Mabuti naman at nagkaintindihan tayo."
Halos hindi ako makapaniwala sa mga binitiwang salita ni Ezie para kay Arjay. Parang gusto kong magalit na kinilig na di ko maintindihan. Nang nasa loob na kami ng apartment niya habang naghain ako ng pagkain at nakaupo siya sa hapag-kainan doon ko na siya kinausap. "Grabe ka naman sa bata." Ang sambit ko.
"Bakit grabe? Maganda na iyong klaro."
"Klaro? E, di naman totoo iyong sinabi mo na mag-boyfriend tayo, eh?" ang sambit ko habang umupo na rin sa hapag kainan, nakaharap sa kanya.
Tinitigan niya ako, iyoong titig na nakakaloko. "Bakit gusto mo?"
"Gusto? Gusto saan?"
"Sa sinabi ko sa bata, na magjowa tayo."
"Gago! Wala akong sinabing ganyan!" ang sagot ko. "At bakit nga ba kailangang lumayo iyong tao sa akin? Ang bait noong tao at napaka-inosente pa!"
"Iyon na nga eh. Inosente iyong bata. Eh, ikaw?"
Tiningnan ko ang mukha niya na ang bibig ay halatang pinigailan ang pagtawa. "Tsura nito! Anong akala mo sa akin? Manyak? Atsaka di ba ayaw mo sa bakla? Ayaw mo ng kabaklaan? Ba't ngayon ay ganyan na ang takbo ng isip mo?"
"Iyon nga ang punto eh. Ayaw ko ng kabaklaan. Di mo ba nakikita kung makatingin sa iyo iyong bata? Parang lalamunin ka eh. At kapag nakikipag-usap, akala mo ay lulunukin ng bunganga niya ang bunganga mo sa sobrang lapit. Eh kung ma in-love iyong bata sa iyo? E di kabaklaan na iyon! Paano kung hindi makapag-concentrate iyon ng pag-aaral, tapos matutong maglasing, magdroga, ma-tokhang, ma-salvage. O di kaya ay mapariwara ang buhay, baka magpakamatay! Hindi ka ba makonsyensya niyan?" ang sambit niya na ang porma ay handang tumakbo.
Doon na ako dali-daling tumayo, dinampot ang sandok mula sa kaldero na pinaglutuan ng kaldereta at papaluin na sana siya ngunit simbilis din ng kidlat na tumakbo. Naghabulan kami, paikot-ikot sa loob ng kanyang apartment, hanggang sa humantong kami sa ibabaw ng kanyang kama.
"Matokhang ha? Gusto mo ikaw ang itotokhang ko?" ang sabi ko habang nasa ibabaw na kami ng kanyang kama at nakapatong ako sa kanyang katawan, hawak-hawak ko ang sandok at itinutok iyon sa kanya. "Sige, tawa ka pa... at maglalanding sa noo mo itong sandok." Ang dugtong ko.