BABALA: Ang kwentong ito ay may deleted parts kaya kung ayaw ninyong mabitin ay huwag niyo nang ipagpatuloy ang pagbabasa. Nasa DREAME po ang complete version ng story na ito. Marami pa po akong COMPLETED at walang deleted parts na story dito sa Wattpad, iyon na lang po ang basahin ninyo...
Isa na rin po itong PUBLISHED BOOK under LIB (Precious Pages) kaya pwede ninyong mabili ang book version nito sa ilang leading bookstores nationwide. Maraming salamat!
Story #01- Lola Koring
(Ang kwentong ito ay para kay DAWN PALMES...)
LABING-APAT na taong gulang ako nang mangyari ang kwentong ito. Nang umagang iyon, isang nakakagimbal at nakakalungkot na balita ang sumalubong sa akin pagkauwi ko ng bahay mula sa school. Naabutan kong umiiyak ang Mama ko habang yakap-yakap siya ni Papa sa may salas.
Nang makita ako ni Mama na nasa bungad ng pintuan ay agad siyang lumapit sa akin at ako naman ang niyakap niya.
"M-mama, a-ano pong nangyari?" naguguluhan kong tanong.
"Dawn, ang Lola Koring mo... Patay na siya!" At humagulhol na siya.
Halos hindi ako makagalaw sa aking kinatatayuan. Oo, alam kong maaaring dumating ang araw na ito dahil ilang buwan na sa ospital si Lola Koring na nanay ng aking Mama. Na-comatose kasi ito dahil sa inatake ito sa puso. Inihanda ko na ang sarili ko na iiwan din niya kami ngunit kapag pala nangyari na, doon ko lang napatunayan na walang kwenta lahat ng paghahanda ko. Napaiyak na rin ako. Sa lahat kasi ng apo ni Lola Koring ay ako ang paborito niya. Palibhasa, kamukha ko daw siya noong dalagita pa lang siya. Magkasama kaming natutulog sa aking kwarto noong medyo malakas pa siya.
Kinabukasan ay agad din na naayos ang burol ni Lola Koring. Dinagsa ng mga tao ang unang gabi ng lamay. Isa ako sa punong-abala sa pag-aasikaso sa mga bisita dahil si Mama ay masyadong nilugmok ng pagkawala ng kanyang mahal na ina.
"Dawn... Anak..." Ang pagyugyog ni Papa sa aking balikat ang gumising sa akin sa pagkakatulog ko. Nakatulog na pala ako sa aking kinauupuan.
"'Pa? Bakit po?"
"Doon ka na matulog sa kwarto mo. May pasok ka pa bukas sa school. Sige na..."
Gusto ko sanang tumanggi sa sinabing iyon ni Papa pero bigla kong naisip na may exam nga pala kami bukas. "Sige po, Papa. Teka po, si Mama, nasaan?"
"Tulog na siya sa kwarto namin..."
Nagpaalam na ako kay Papa na aakyat na ako sa itaas.
Patay ang ilaw sa may hagdan paakyat sa aking kwarto. Hindi pa ako nakakatapak sa unang baitang nang bigla akong matigilan. Biglang nanigas ang buong katawan ko nang makakita ako ng isang babae na nakatayo sa pinakataas ng hagdan. Nakatagilid siya sa akin. Hindi ko makita kung sino ba ito dahil sa madilim at ang ilaw lamang sa labas na naglalagos sa bintana ang nagsisilbing liwanag nang mga sandaling iyon. Nakasuot siya ng bestidang kulay puti na hanggang tuhod niya. At ang lalong nagpagimbal sa akin ay nang makita kong nakaangat ang kanyang paa sa sahig!
Sisigaw na sana ako ngunit bigla siyang nawala sa pagkurap ko ng aking mga mata.
Ipinilig ko ang aking ulo. Inisip ko na lang na dala lang marahil iyon ng aking antok. Umakyat na ako at nagtungo sa aking kwarto. Gusto ko pa sanang i-check si Mama sa silid niya ngunit naisip ko na baka namamahinga na siya. Hindi makakabuti kung iistorbohin ko pa siya.
Inilapat ko na ang aking likod sa aking kama at pumikit. Nakakatulog na ako nang konti nang sunud-sunod na katok sa pinto ng kwarto ko ang nagpabalikwas sa akin. Mabibilis ang mga katok na parang nagmamadali. Bumangon ako para buksan iyon ngunit wala naman akong nakita. Guni-guni na naman ba iyon?
Sumilip ako sa pasilyo at ganoon na lang ang kilabot at pagtayo ng aking balahibo nang muli kong makita iyong babae sa hagdan! Nakatayo siya sa harapan ng pintuan ng kwarto nina Mama at Papa. Mabilis siyang kumakatok doon habang nakatingin sa akin. Hindi ako maaaring magkamali... Si Lola Koring iyon! Walang ekspresiyon ang kanyang mukha na nakatingin sa akin habang patuloy pa rin sa pagkatok!
Nanginginig man ang buong katawan ko sa takot ay kinapa ko ang switch ng ilaw sa pasilyo. Nang mabuksan ko ang ilaw ay kasabay din niyon ang pagkawala ni Lola Koring.
Napaisip ako. Bakit kumakatok si Lola Koring sa kwarto ni Mama?
Biglang bumaha ang kaba sa aking dibdib. Nagmamadali kong kinuha sa aking kwarto ang duplicate ng susi sa kwarto nina Mama. Agad akong pumasok sa silid nila at doon ay nakita ko si Mama na nakahiga sa sahig at bumubula ang bibig habang may ilang piraso ng sari-saring gamot sa kanyang kamay...
NANG gabing din na iyon ay dinala namin sa ospital si Mama. Mabuti na lamang at nailigtas siya ng mga doktor sa pagtatangka nitong magpakamatay. Nalaman kay Mama na kaya siya nagtangkang magpakamatay ay nabasa niya ang diary ni Lola Koring at nalaman niya na ampon lamang siya. Kinausap siya ni Papa nang masinsinan at nangako siya na hindi na niya uulitin iyon.
Hanggang ngayon na bente anyos na ako ay iniisip ko pa rin kung si Lola Koring nga ba ang babaeng nagpakita sa akin ng gabing iyon. Pero si Lola Koring man iyon o hindi, nagpapasalamat ako sa kanya dahil siya ang nagligtas ng buhay ng aking ina.
GOOD NIGHT, SLEEP TIGHT...
BINABASA MO ANG
Soju's Bedtime Stories
Horror(NOW A PUBLISHED BOOK UNDER LIB) Mga maiikling kwentong dapat mong basahin bago ka matulog...