Story #04- Kasambahay

44K 1K 104
                                    

Story #04- Kasambahay

(Ang kwentong ito ay para kay JENNY PARAISO...)

AYOKONG umalis sa probinsiya namin sa Bicol pero wala akong pagpipilian. Mahirap ang buhay doon. Sa edad na seventeen ay lumuwas ako sa Manila kasama ng kababata kong si Lea upang doon ay makipagsapalaran. Nakapasok siya bilang labandera habang ako naman ay naghahanap pa rin ng mapapasukan. Sa ngayon ay nakikitira muna ako sa aking tiyahin ngunit sinabi kong aalis din ako oras na magkaroon na ako ng trabaho.

Day-off ni Lea ng araw na iyon kaya naman niyakag niya akong kumain sa isang fast food restaurant. Gusto daw niya kasi akong ilibre sa una niyang sweldo...

"Oo nga pala, Jenny, kung wala ka pang nahahanap na trabaho ay may ire-recommend ako sa'yo. Naghahanap kasi ng kasambahay iyong kapitbahay namin. Paalis na kasi next week iyong kasambahay nila ngayon. Kung gusto mo, sumama ka na sa akin pag-uwi ko. Sayang din iyon," sabi sa akin ni Lea.

Tumango ako. "Sige ba! Mas okey kung matatanggap ako doon dahil magiging malapit tayo sa isa't-isa!"

"Sinabi mo pa! Saka maraming gwapo sa subdivision na iyon!" At parang manok na kinilig pa si Lea.

Nang araw din na iyon, matapos naming kumain ay sinamahan na ako ni Lea sa sinasabi niyang bahay. May kalakihan ang bahay. Masasabi kong maykaya ang nakatira doon. Sa salas ako kinausap ng isang lalaki na sa tantiya ko ay nasa forty years old pa lang. Si Lea naman ay naghihintay sa may mini garden sa labas.

Mabait ang lalaki at palaging nakangiti. Nalaman ko sa kanya na siya, ang asawa niy at ang isa nilang anak na babae ang tanging nakatira sa bahay na ito. Natanggap ako bilang kasambahay nila. Ang sabi lang ng lalaki ay tulungan ko lang daw sa mga gawaing-bahay ang kanyang asawa. Nagkasundo naman kami sa sahod ko.

Matapos namin mag-usap at masayang ikuwinento ko kay Lea ang magandang balita!

-----***-----

FIRST DAY ko ngayon sa aking trabaho bilang kasambahay ng pamilyang Palmes. Hindi ako nahirapan dahil mababait silang lahat sa akin.

Sumapit na ang gabi. Katatapos ko lang hugasan lahat ng pinagkainan namin. Matapos manood ng TV ng buong pamilya ay umakyat na ako sa itaas kung saan naroon ang aking silid. Hindi naman iyon kalakihan. Sapat lang na tulugan ko at lagayan ng aking mga gamit.

Paghiga ko sa aking kama ay agad akong nakatulog dahil sa medyo pagod din ako...

-----***-----

"JENNY... Jenny..."

Bigla akong nagising nang makarinig ako ng boses ng isang matandang babae na tinatawag ang aking pangalan. Garalgal ang boses na akala mo ay humihingi ng tulong. Akala ko ay guni-guni ko lamang iyon ngunit naulit ang pagtawag na iyon sa akin. Hindi ko alam na may kasama pala silang matanda dito.

"Jenny..." 'Ayon na naman.

Bumangon na ako at tiningnan ko ang oras sa king cellphone. Alas-dos pa lang ng madaling araw.

Lumabas ako ng aking silid. Madilim ang buong kabahayan. Malamang ay tulog na rin sa oras na ito ang mga kasama ko sa bahay. Muli ay narinig ko ang matandang tumatawag sa akin. Pinakinggan ko iyong mabuti at nalaman kong nanggagaling iyon sa pinakadulong silid sa itaas.

Pinuntahan ko ang nasa dulong pintuan at kumatok. "May kailangan po ba kayo?" tanong ko.

"Jenny... Jenny..."

Marahil ay hindi ako marinig ng matandang nasa loob. Hindi ko rin naman pwedeng lakasan ang aking boses dahil magagambala ko ang pagtulog ng aking mga amo. Nalaman kong hindi naka-lock ang pinto nang ikutin ko ang seradura. Pumasok ako at sumalubong sa akin ang kadiliman ng silid na iyon. Kumurap-kurap muna ako bago nasanay sa dilim ang aking mata. Agad kong nakita ang switch ng ilaw ngunit hindi iyon sumindi. Baka pundido na ang ilaw...

"Jenny..." Ayun na naman ang boses ng matandang babae.

Nakita ko siya na nakaupo sa gilid ng kanyang kama paharap sa akin at sa wari ko ay nakatingin siya sa akin. Hindi ko lang masigurado dahil sa medyo madilim. Basta nakikita ko ang bulto ng kanyang katawan.

"Sino po ba kayo? Pasensiya na po kayo at bago pa lang ako dito. Saka, paano niyo po nalaman ang pangalan ko-"

"Nauuhaw ako... Ikuha mo ako ng tubig..." Tila nahihirapan na utos niya.

Hindi ko alam pero bigla akong kinilabutan nang tumayo siya. Dahan-dahan ang kanyang pagkilos senyales na matanda na talaga siya.

"S-sige po... Ikukuha ko po kayo," sabi ko na lang. Hindi ko na siya tinanong pa kung paano niya nalaman ang pangalan ko. Wala naman akong natatandaan na nagkita kami kaninang umaga. Tanging sina sir, ma'am at ang anak nilang babae ang nakilala ko.

Agad akong nagtungo sa kusina at kumuha ng isang basong tubig. Medyo binilisan ko na lang dahil baka mapagalitan pa ako. Medyo bugnutin pa naman ang matatanda. Pagbalik ko sa kwarto niya ay nandoon pa rin siya sa kung saan ko siya iniwan. Nakatayo at parang nakatingin sa akin.

"Heto na po ang tubig niyo," sabi ko sabay abot ng tubig. Hindi niya iyon kinuha. Matagal na nakaunat ang kamay ko para iabot sa kanya ang tubig ngunit hindi niya talaga inaabot. Nakakatakot naman ang matandang ito. Inilagay ko na lang ang baso ng tubig sa ibabaw ng maliit na mesa sa tabi ng kama. Tinanong ko siya kung may kailangan pa siya ngunit hindi niya ako sinagot. Nagpaalam na ako sa kanya upang bumalik sa aking higaan.

Hanggang sa bago ako matulog ay iniisip ko pa rin iyong matanda sa pinakadulong silid. Sino kaya siya? Baka naman nanay ni sir o kaya ni ma'am...

-----***-----

KINABUKASAN ay naging abala na agad ako sa paghahanda ng almusal dahil may pasok sa opisina si Sir. Kumakain na sila nang bigla kong maalala iyong matandang babae. Siguro ay hindi na siya nakakababa sa sobrang tanda niya kaya dapat kong dalhan siya doon ng pagkain. Pero bakit kahapon ay hindi nila ako inutusan na gawin ito? Ah, siguro ay sila na ang nagdala ng pagkain sa matanda kahapon.

"Jenny, anong gagawin mo?" tanong sa akin ni ma'am nang makita niya na kumuha ako ng tray at pinggan.

"Ah, dadalhan ko lang po ng pagkain si lola sa itaas..." nakangiti kong sagot.

Napansin ko ang pamumutla ni ma'am. Tumigil siya sa pagkain at nilapitan ako. "Sinong lola, Jenny? W-walang lola sa bahay na ito."

"Pero, ma'am, nagpakuha pa nga siya ng tubig-"

Biglang sumabat si sir. "Jenny, ikaw at kaming tatlo lang ang nasa bahay na ito. Kung may maririnig ka man na tumatawag sa iyo kapag gabi, 'wag mo na lang pansinin, okey? Sige na, hugasan mo na muna iyong mga ginamit mo sa pagluluto."

"S-sige po, sir. Pasensiya na po." Naguguluhan na ibinalik ko ang tray at pumunta sa lababo para hugasan ang mga ginamit ko sa pagluluto.

Narinig ko na nag-uusap-usap silang tatlo habang kumakain ngunit parang sinasadya nila na huwag iparinig sa akin ang usapan nila. Pero isang pangalan ang malinaw na naulinigan ko. Pangalan ng isang matandang babae... LOLA KORING...

GOOD NIGHT!

Soju's Bedtime StoriesTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon