Part 5 . . . "Culogu"

124 9 1
                                    

"Culogu"

-------

Huminto sa pagtakbo si Emmanuel ng may limang daang metros pa ang layo ng burol sa kanila ni Tarog. Nasa tuktok ng burol ang nag-iisang higanteng puno ng Mawemawe. Halos parang mga dahon ang mga kondor na nakadapo sa mga sanga ng puno. May mga malalaking pugad na ang iba ay may mga inakay na maiingay dahil sa gutom. Nagliliparan paikot sa higanteng puno ang mga nagbabantay. Matatalas ang kanilang mga mata at pang-amoy.

"Emmanuel, napakarami nila at mahihirapan tayong makalapit sa puno." sabi ni Tarog na nakasakay pa rin sa likuran ni Emmanuel na nasa anyong malaking puting asong lobo.

"Hanggat maaari ay ayokong ng pumatay sa kanila Tarog. Wala silang kasalanan sa atin. Mag-isip tayo ng paraan kung paano tayo makalalapit sa puno ng walang nasasaktan sa mga kondor."

"Naku Emmanuel. Diyan ako mahina, ang pag-iisip. Gutom sila. Tignan mo ang mga inakay halos wala ng mga boses sa kahihingi ng pagkain."

"Tama Tarog! Pagkain ang kailangan nila kaya pagkain ang ating ibibigay sa kanila. Magaling ang iyong naisip."

"Naisip ko ba iyon? Saan naman tayo kukuha ng pagkain para sa kanila? Ang dami nila. Nasa gitna pa naman tayo ng disyerto. Hindi pwede ang baon natin. Sa isang inakay lang ay kulang pa ito. Kung makahuhuli sana tayo ng higanteng bulate."

"May higanteng bulate rito Tarog?"

"Oo Emmanuel. Sa putikang bahagi ng lambak sa hilaga ay maraming higanteng bulate. Pero mahirap silang mahuli. Nasa ilalim sila ng putik."

"Ha ha ha! Tara Tarog. Pupunta tayo sa lambak. Ituro mo ang daan. Magaling ka talagang mag-isip."

"Ha? Naisip ko yun? Dito tayo sa kanan. Minsan ko ng nadaanan ang lambak sa paghahanap ko ng maiinom."

"Kumapit kang mabuti kaibigan."

Mabilis na tumakbo si Emmanuel. Tuwang-tuwa naman si Tarog. Para siyang nakasakay sa kabayo. Narating nila ang lambak na nasa pagitan ng dalawang malalaking bundok. Napatigil si Emmanuel sa pagtakbo. Dagli siyang pumunta sa likuran ng mga malalaking bato. Sa bahaging tuyo na ang putik ay maraming tiyanak at dwendeng itim.

"Bilisan ninyo. Kailangan ay marami tayong mahuling mga bulate. Magugutom tiyak ang tatlong halimaw at kailangan nila ng pagkain. Kung ayaw ninyong kayo ang kanilang kainin ay bilisan ninyo." Sigaw ng isang dwendeng itim na nakasakay sa ibabaw ng isang dambuhalang bulate. May nakatusok na mahahabang sundang sa katawan ng dambuhalang bulate. May mga tali ang dulo ng mga sundang at dito nakahawak ang mga tiyanak at dwendeng itim na nasa ibabaw ng dambuhalang bulate. Malaki pa sa tatlong pinagtabing katawan ng tren ang katawan ng dambuhalang bulate.
May mga tiyanak na nasa gilid ng mga malalaking butas sa tuyong putikan. May ibinubuhos dila sa loob ng mga butas. Ilang saglit lang ay lumalabas na ang mga dambuhalang bulate mula sa mga butas. Sinisibat nila ng mga sundang na may mga tali saka umaakyat sa ibabaw ang mga dwendeng itim at tiyanak. Sunudsunuran na sa kanila ang mga dambuhalang bulate.

"Napakarami nila Emmanuel. Kung susugod tayo ay marami pa ang mabilis na darating."

"Dito muna tayo at maghihintay. Sino kayang mga halimaw ang tinutukoy nilang kakain ng mga dambuhalang bulate?"

Nagbago ang anyo ni Emmanuel. Kinuha niya ang balutan at isinuot ang kanyang damit. Naupo ang dalawa. Sa katagalan ng kanilang paghihintay ay kapwa sila nakatulog. Nagising lang si Emmanuel ng marinig ang malakas na paghihilik ni Tarog. Tumayo siya at sumilip sa ibabaw ng malaking bato. Tahimik na sa putikan. Wala na ang mga tiyanak at dwendeng itim pero may iniwan sila. Isang dambuhalang bulate na hindi na kumikilos.

"Tarog gising na!"

"Hmmmmm! Mwaaaaaaaahhhhh!" Naghikab pa ang goblin. Tumayo siya at sumilip na rin sa putikan.

The White Werewolf ( On Going)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon