"Yes, maaga pa! Hindi pa ako late," bulong ni Kate sa sarili.
Sampung minuto makalipas ang alas-diyes ng umaga na ngunit wala pa rin ang kanyang professor sa English 1 na si Prof. Gonzales. Akala ni Kate ay mahuhuli na siya sa klaseng iyon dahil pasado alas-nuwebe na siya nagising mula sa kanyang mahimbing na pagkakatulog.
Umupo si Kate sa upuan na nasa tapat ng teacher's table. Ito ang kanyang pwesto sa lahat ng kanyang klase maliban sa Physics 3 kung saan siya ay nakaupo sa bandang gitna ng lecture hall dahil hindi niya gusto ang subject na iyon. Pagkaupo, agad niyang kinuha ang kanyang suklay at salamin mula sa kanyang bag upang ayusin ang kanyang buhok na nagulo dahil sa pagtakbo. Pagkatapos ay pinunasan niya ang kanya mukha para maalis ang naghalong alikabok at pawis at muling naglagay ng press powder. Inayos niya rin ang mga gusot sa kanyang kulay ubeng bestida.
Sampung minuto ang nakalipas, inip na inip sa kakahintay si Kate sa kanyang guro. Ang kanyang mga kaklase ay tila nababagot na rin dahil nagdadaldalan na silang lahat. Upang labanan ang bagot na nararamdaman, inilabas ni Kate ang kanyang notebook at binuksan sa huling pahina. Sa pahinang iyon na tinawag niyang 'doodling page', may nakaguhit na iba't ibang sukat at kulay na mga puso. Sa gitna ng pahina, nakasulat ang mga katagang "I ♥ Nicholas Robson" na napapaligiran ng mga puso. Tuwing bubuksan ni Kate ang kanyang notebook sa pahinang iyon, lagi siyang napapangiti sa pangalang Nicholas Robson. Si Nicholas Robson o mas kilala sa tawag na Nick ay isang Fil-Australian transferee mula sa Sydney. Kilala siya sa buong unibersidad kahit na isang semester pa lang siyang naroroon. Marami ang humahanga sa kanya dahil bukod sa gwapo, matalino at magaling din siya sa sports lalung-lalo na sa soccer. Halos lahat ng babae sa unibersidad ay nahuhumaling sa kanya. Lalung-lalo na si Kate. Gustung-gusto niya si Nick. Sa tuwing nakikita niya ang binata, may kakaibang pakiramdam siyang nararamdaman. Parang may kuryenteng dumaloy sa kanyang katawan na hindi nakakasakit bagkus ay nakakakiliti. At inaasahan niyang mararamdaman niya ang kakaibang kuryente na ito dahil kaklase niya si Nick sa English 1.
Katulad ng inaasahan, humahangos na dumating si Nick. Naramdaman na naman ni Kate ang kakaibang kuryente na dumaloy sa kanyang katawan. Ayan na siya! Nandito na ang Hugh Jackman ko! Agad niyang kinuha ang kanyang ball at gumuhit ng isang maliit na puso sa doodling page, simbolo ng isang araw na muli niyang nasilayan ang kanyang crush.
Pinagmasdan ni Kate ang get-up ni Nick mula ulo hanggang paa. Kilala si Kate sa unibersidad sa magara niyang pananamit araw-araw kaya na bansagan siyang Blair Waldorf ng UPLB. Katulad ngayong araw, isang kulay ubeng halter empire waist knee-length dress ang suot niya na pinarisan niya ng paborito niyang wedge. Pero si Nick ay simple lang manamit na gustung-gusto ni Kate. Kahit na simpleng t-shirt, jeans at sneakers lang ang suot niya, ang hot pa rin niya. Sabi nga ni Coco Martin, 'Yummy!'.
Umupo si Nick sa kabilang hilera katabi ang kanyang orgmates sa Photographer's Club. Sinundan naman siya ng tingin ni Kate. Pinakinggan ng dalaga ang boses ng binata at ang nakakatuwa nitong pananagalog na tinawag ni Prof. Gonzales na "Austragalog" — Australian Tagalog. Nahihirapan pa rin kasi sa ilang tagalog na salita si Nick kahit na Pilipino ang nanay niya. Litaw pa rin ang accent nito kapag nagsasalita. Ayos lang 'yan, Nick. Maiintindihan kita kahit anong lenggwahe pa ang gamitin mo.
"Tignan mo 'ko. Tumingin ka sa'kin," bulong ni Kate habang ikinukumpas ang mga daliri sa direksyon ng lalaking hinahangaan na animo'y nanghihipnotismo. Tila tumalab naman ang kanyang magic dahil makaraan ang ilan pang kumpas ng daliri ay lumingon din sa direksyon niya si Nick. Ngumiti at kumaway ang binata sa kanya. Gumanti naman siya ng isang magaslaw na kaway at matamis na ngiting abot-tenga. nang hindi na nakatingin sa kanya si Nick, agad siyang tumalikod at nagkikislut-kislot na tila ngayon lang lumalabas ang epekto ng kakaibang kuryente. Oh Em! Ang cute niya talaga! And the eyes, so tantalizing! Grabe! Buti na lang talaga kakilala niya ako kasi kung hindi, malamang e deadma lang siya sa'kin.
BINABASA MO ANG
Mga Kwentong Barbero (A Collection of Short Stories)
Teen FictionIba't ibang mga kwento ng pag-ibig, katatawanan, kababalaghan at inspirasyon. Tumatanggap po ako ng suggestions para sa mga susunod na kwento. Maraming salamat at enjoyin niyo ang pagbabasa ng mga kwentong barbero.