Muli akong sumilip sa relo na nakasuot sa aking pulsuhan. Malelate ako nito, naisaloob ko. Ilang jeep na ang pinalampas ko kahihintay sa'yo. Maya-maya ay dumating ka na rin. Tumatakbo ka habang sinusuklay ang basa mo'ng buhok. Nang may dumaa'ng jeep ay pinara ko ito kaagad at pinauna na kita'ng pasakayin. Sa bandang unahan ako umupo, ikaw naman ay sa paborito mo'ng pwesto, sa dulo kung saan dapat nakaupo ang mga PWD o senior citizen. Umandar na ang jeep. Tinapos mo ang pagsusuklay at inilabas mo ang maliit na salamin upang salatin ang mukha mo roon. Pagkatapos no'n ay dumukot ka na ng barya sa bulsa ng bag mo.
"Paabot po ng bayad. St. Joseph, estudyante." Sigaw mo habang inaabot ang bayad mo. Dumating sa akin ang barya at iniabot ko ito sa tsuper. Nagbayad na rin ako at halos pabulong na sinabi sa tsuper ang mga katagang "St. Joseph po, estudyante."Bumaba ka nang hindi manlang ako nililingon. Ayos lang. Makita lang kita sa umaga ay ayos na ako. Mabilis kang naglakad at sinalubong ang mga kaibigan mo. Nang makita ko na maayos ka na ay tumuloy na ako sa klase ko.
Hapon na at oras na para umuwi. Paubos na ang mga estudyante na naghihintay ng sasakyan. Ang tagal mo. Malamang ay naiwan ka nanaman dahil marami ka pang kailangan gawin bilang English Club President. Pasado ala-sais na nang lumabas ka sa gate. Marami kang bitbit na mga papel. Gusto man kitang tulungan ay nahihiya ako'ng lumapit sa iyo. Pinara ko ang jeep na dumaan. Nauna ka'ng sumakay. Malungkot ang mukha mo nang nakita mo'ng may nakaupo na sa paborito mo'ng pwesto. Magkatapat lang tayo sa pagkakataong ito. Nagbayad ka at sinabi'ng "Purok singko po, estudyante."
Nagbayad din ako at sinabing "Purok singko po, estudyante."Ako na ang pumara dahil mukhang tulog ka na. Pasimple ko'ng tinapik ang balikat mo para gisingin ka. Nauna na akong bumaba para hindi mo mahalata na ako ang kumalabit sa iyo. Pasimple ako'ng naglakad pauwi. Binagalan ko para maabutan mo ako. Pero sa pagmamadali mo'ng makauwi upang makapagpahinga ay nilagpasan mo ako. Tahimik ako'ng naglakad at pinanatili ko ang distansya ko sa'yo. Nang nasa tapat na ako ng gate ng bahay namin ay hindi muna ako pumasok, hinintay kitang marating ang bahay niyo na nasa tawid kalsada at ilang metro lang ang layo mula rito. Sinigurado ko na nakapasok ka sa loob bago ako pumasok sa bahay namin.
Araw-araw sa loob ng tatlong taon ay hinihintay kita sa pagpasok at sa pag-uwi. Ako ang taga-abot mo ng bayad at tagagising mo kapag bababa na. Hindi ko alam kung kilala mo ako dahil hindi mo naman ako kinakausap. Ni ngiti ay ipinagdamot mo sa akin. Pero hindi ako naghangad, makita lang kitang ligtas na nakakapasok at nakakauwi sa araw-araw ay sapat na sa akin. Madalas ka'ng bumili sa tindahan ng Nanay ko tuwing sabado at linggo. Alam ko dahil ako ang tagabantay sa mga araw na iyon. Pagkatapos mo'ng bumili ay umaalis ka ng walang imik. Gano'n ang naging komunikasyon natin sa loob ng tatlong taon. Pero sapat na iyon sa akin. Naging paborito kitang tanawin sa araw-araw. Para ba'ng hindi kumpleto ang maghapon ko kapag hindi kita nakikita. Kapag hindi ka lumalabas para bumili sa araw ng sabado o linggo ay inaabangan kita sa hapon kapag magdidilig ka ng mga tanim na bulaklak ng mama mo. Marami ako'ng paraan para makita ka at hindi ako pumapalya kada araw. Pero hindi mo alam ang mga bagay na iyon dahil ni minsan ay hindi mo naman ako tinapunan ng mga tingin mo.
Isang hapon, halos gabi na nang lumabas ka ng gate ng eskwelahan. Mas pinili ko'ng hintayin ka lalo na't madilim na sa daan. Ngunit nadurog ang puso ko nang lumabas ka na may kasamang lalaki. Nakalingkis pa ang braso nito sa bewang mo. Umiwas ako ng tingin.
Pinara ng lalaki ang dumaa'ng jeep. Sumakay kayo at gano'n din ako.
Nag-abot ng bayad ang lalaki at sinabi'ng "Bayad po, dalawang purok singko, estudyante."Ang ngiti mo'ng ipinagdamot sa akin ay libre mong ibinigay sa lalaking kasama mo. Nagselos ako pero kinimkim ko dahil alam ko'ng wala naman akong karapatan.
Kung noon ay lagi kang tulog sa biyahe pauwi, ngayon ay daig mo pa ang atletang nakainom ng isang galong energy drink. Gising na gising ang diwa mo habang nakikipagkwentuhan sa lalaki. Nilunok ko ang lahat ng sakit. Sabay-sabay tayong bumaba. Bagaman alam ko'ng ihahatid ka niya pauwi ay binantayan pa rin kita, hindi ko kilala ang lalaki at wala ako'ng tiwala sa kanya. Nang maihatid ka niya sa harap ng bahay niyo ay nakangiti ka muna'ng kumaway sa kanya bago ka pumasok sa loob. Hindi ko na hinintay pa na magtagpo kami ng kasama mo, kaya pumasok na rin ako sa bahay namin nang masigurong ligtas ka nang nakauwi.
BINABASA MO ANG
PAHINA
De TodoIto ay koleksiyon ng maiikling kwento. Walang espesipiko'ng dyanra ang mga kwentong mababasa ninyo rito.