"Hindi pwede."
Si Lolo Dy. Dinala niya kami sa bukirin at ala-una palang ng madaling araw.
Magsasaka siya at oo mahirap lang kami. Tuwing madaling araw dala-dala ni Amayi at Koda ang gitara nila. Nag j-jamming kami sa ilalim ng puno ng acacia, kakain ng mga dalang pagkain, papanoorin ang mga magsasakang dumadaan at doon na makakatulog hanggang sumikat ang araw.
Isa sa mga inaabangan ko ay si Zeke.
Nais ko sanang bisitahin namin ang mansiyon nila dahil malapit na ang bakasyon nila pero hindi pumayag si lolo.
Hinahanggan ko siya, oo. Sino ba namang hindi hahanga sa kulot niyang buhok at matangos na ilong?
Kababata ko siya pero ngayon hindi na niya ako nakikilala. Sinubukan kong makipagkilala ulit pero di ko inaasahan na magsisimula iyon ng isang gulo.
Nag-away ang mga magulang ni Zeke dahil nilapitan ko ito.
Ayaw na ayaw nila akong lumalapit sa anak nila at hindi ko alam ang dahilan.
Nakakapang-lumo nga e. Gusto ko lang naman makipagkaibigan pero ayon, inuwi siya ulit ng Maynila. Bakit kaya? Wala naman akong sakit ah.
Panibagong madaling araw at nagtungo agad kami sa acacia.
Ang saya! Nakikipaglaro kami ng habulan sa iba't ibang magsasaka kaso naaksidente ang isa at nabali ang paa. Nakakaawa. Kaya ayon at dinala sa ospital, sabi naman ni lolo magiging mabuti ang lagay niya. Pagkatapos mag laro ay inakyat ko na ang acacia, hinihintay ang pagdating ng mga Guadalupe, pamilya ni Zeke. Tuwang tuwa ako na makita ang isang pulang sasakyan.
Napagdesisyunan kong magtungo sa bakuran nila para doon salubungin si Zeke. Tulog na sila lolo at ang mga kapatid ko kaya ayos lang siguro na puntahan ko ang mansiyon.
"Zeke!" Sigaw ko at kumakaway. Nagtago tago pa ako sa mga sinampay.
Onti onti siyang lumalapit sa akin at binigyan ko naman siya ng matamis na ngiti.
"Zeke." Iyon na lang ang nasabi ko. Nginitian niya ako kaso naging malungkot din siya kalaunan.
Patago nalang akong pumasok sa mansiyon. Ayos lang naman sa mga katulong na pumasok pero nananatiling lihim iyon sa mga Guadalupe.
"Hindi! Ipaputol na ang punong iyan!" Utos ni Senyora Divina. "Hihintayin niyo pa ba na pati laman loob ng aking apo ay kanyang iluwa?"
Natakot ako sa narinig. Anong ipapaputol? Ang puno? Huwag! Pagmamay-ari namin iyon nila lolo.
"Sige na, mamaya paglitaw ng araw, ihanda na ang mga manggagawa."
Agad akong umakyat sa silid ni Zeke. Kabisado ko na ang mansiyon dahil namalagi din naman kami dito dati.
"Zeke!!" Gising ko sa kanya. Hindi siya natinag. "Zeke!!!"
Agad siyang napaupo.
"Puputulin nila ang puno!" Halos pagmamakaawa ko sa kanya. "Parang awa mo na, pigilan mo sila!"
Kumunot ang noo niya at inabot ang aking mukha.
"S-sasama nalang ako sayo." Nanghihina siya pero sa tuwa ay napayakap na lamang ako at hinalikan siya sa pisngi.
Wala siyang reaksiyon sa ginawa ko. Siguro nasanay na siya dahil gawain ko rin naman ito dati.
Nakangiti siya habang palabas kami ng mansiyon.
Bago pa tuluyang sumikat ang araw ay naidala ko siya kay Lolo Dy pati na rin sa mga kapatid ko.
"Bakit mo siya idinala rito?!"
"Sabi niya daw sasama siya!" Umiyak na ako sa harapan ni lolo. "Puputulin nila ang puno natin!"
"O siya! Tara na." Tinignan ni lolo si Zeke mula paa hanggang ulo. "Hindi ko aakalain na makikipagtanan ang binatang iyan sayo."
"Lolo!"
"Tara na at ihatid na natin siya. Hinihintay na tayo ng Lola Ada mo sa kabila."
"Opo, lolo."
Hinawakan ko ang kamay ni Zeke.
"Kodama, namiss kita."
"Ako rin Zeke. Ako rin. Ngayon hindi na tayo maghihiwalay. Ihahatid na kita sa kung saan ka nararapat."
At tuluyan na kaming nilamon ng puno at nawala.
Naihatid na kita kung saan ka nararapat.
YOU ARE READING
Short Stories
RandomShort stories that will make you cry, laugh and smile! (Gawa gawa lang lahat!)