*****
MAGDAMAG na hindi nakatulog si Maru dahil sa nangyari nang nagdaang gabi. Tulala lang siya at malalim ang iniisip. Mataas na ang sikat ng araw sa labas ngunit para bang walang balak kumilos ang kaniyang katawan. Nakahiga lamang siya habang nakatitig sa kisame ng kaniyang kuwarto.
Makailang ulit niyang sinubukang bumalik sa pagtulog ngunit sa tuwing ipipikit niya ang mga mata ay ang mukha ng kanyang Tiyo Roberto ang nakikita niya. Kaya sa halip na ipahinga ang isip ay naaalala lang niya ang mga kababuyan nito.
Ilang sandali pa siyang nagmuni-muni bago nagpasyang tumayo para maligo. Gusto niyang mahimasmasan ang sarili.
Madiin ang bawat pagkuskos ni Maru sa kaniyang katawan. Halos magasgas na iyon. Hindi niya alintana ang hapdi sa namumula ng balat na unti-unting nagkakasugat. Gusto niyang linisin ang sarili nang paulit-ulit hanggang sa wala na siyang maramdaman. Bawat sulok at kasingit-singitan ay hindi niya pinalampas. Pakiwari ni Maru ay hanggang ngayon ay naroon pa rin ang bakas ng mga halik ng tiyuhin nang nagdaang gabi.
Abot langit ang pagkasuklam niya sa amain. Halos isumpa niya na ito sa labis na galit. Hindi niya lubos maisip kung paano itong nakakatulog sa gabi? O sadya lang na wala ng konsensya ang demonyo niyang tiyuhin.
Nang matapos magbanlaw at maiayos ang sarili ay dahan-dahan niyang binuksan ang pintuan. Bahagya pa siyang sumilip sa labas ng banyo. Mula rito ay madaraanan muna ang kusina patungo sa kanilang maliit na sala at kasunod ang kaniyang kuwarto. Katabi naman nito ang silid ng kaniyang ina at amain. Maliit lamang kasi ang inuupahan nilang bahay kaya wala na itong pasikot-sikot pa.
Gusto niyang makasiguro na wala ang tiyuhin na nakaabang. Alam niya na kapag ganitong oras ay nasa labas na iyon at naghahanap ng makakainuman. Nang wala siyang makitang Roberto sa paligid ay agad niyang tinahak ang daan patungo sa sariling silid. Sanay na siyang nakatapis lang sa tuwing matatapos maligo.
Napahinto siya nang mapansin niya ang set ng kitchen knife na nasa ibabaw ng lababo. Sandali pa niya itong tinitigan na tila ba nag-iisip. Saka walang alinlangan niyang kinuha ang isa sa mga iyon at ibinalot sa maruruming damit na hawak. Mahigpit niya itong hinawakan. Mas mabuti na rin ito para kung sakaling may hindi magandang gawin muli ang kaniyang tiyuhin ay may panlaban na siya.
Nang makalabas ng kusina ay nabigla siya nang makita ang tiyuhin na kapapasok lang galing sa labas. Hindi niya iyon ipinahalata. Nagkunwari na lamang siya na walang nakita. Dere-deretsong umupo si Roberto paharap sa kinaroroonan niya.
Bahagyang itinago ni Maru ang hawak. Ayaw niyang malaman ng tiyuhin na nagtatabi siya ng kutsilyo.
"Mukhang mabango ka na ulit!" sambit nito habang hinihithit ang sigarilyong hawak.
Sa halip na sumagot ay nilampasan niya ang amain na prenteng nakaupo sa sala. Pinagmamasdan nito ang bawat kilos niya. Madali namang tumayo ang huli at lumapit kay Maru. Hinarangan nito ang daraanan ng dalaga.
"Saan ka pupunta? Masyado ka namang nagmamadali. Mag-usap muna tayo!" panunudyo ni Roberto. Nakangising demonyo ito. Isang nanlilisik naman na tingin ang ipinukol niya rito. Wala na siyang takot na nararamdaman. Tuluyan na nga niyang pinatay ang Marung walang ginawa kundi umiyak at manahimik lang sa isang tabi.
"Tigilan mo na ako!" matigas niyang sagot. At pagkatapos ay binangga niya ang brasong nakaharang sa kaniyang harapan.
"Kapag kinakausap kita! Huwag kang bastos!" sigaw ni Roberto. At saka niya hinablot ang buhok ni Maru dahilan para mabitawan ng dalaga ang damit na hawak.
"Sige subukan mo!" banta niya habang nakatutok ang kutsilyo sa amain. "Huwag na huwag mo akong hahawakan ulit, kundi hindi ako magdadalawang-isip na butasin ang leeg mo!" pananakot ni Maru. Bakas ang pagkabigla sa mukha ng amain. Hindi kasi nito inaasahan ang kanyang gagawin. Napaatras ito saka itinaas ang dalawang kamay na para bang senyales na sumusuko na ito. Hindi nito alam na manlalaban ang anak-anakan. Kakaiba ang aurang nakikita nito sa dalagita. Wala itong makitang kahit katiting na pag-aalinglangan sa anak-anakan.
"Maru, ibaba mo 'yan! Hindi yan nakakatuwang biro," utos nito. Paatras ito nang paatras habang si Maru naman ay papalapit nang papalapit sa kaniya habang hindi inaalis ang paningin sa tiyuhin, nakatutok rin ang patalim dito kung sakaling gumawa ito nang hindi maganda.
"Sino bang may sabing nagbibiro ako? Hindi ba't ganito ang ginagawa mo sa akin?" tila wala sa sariling sambit ng dalaga.
Nag-uumpisa nang kabahan si Roberto. Hindi siya makapag-isip ng maayos. Natatakot itong baka ituloy ng anak-anakan ang pagsaksak sa kaniya.
"Ano ito Maru? Bakit may hawak kang kutsilyo?" sigaw ni Marissa na bakas ang pagkabigla sa nadatnan. Ngunit tila walang naririnig ang anak. Nakatuon lang ang pansin niya sa kinakasama ng ina.
"M-Marissa, t-tlungan m-mo a-ako! W-wala n-na y-yata s-sa s-sariling k-katinuan a-ang a-anak m-mo. . ." mautal-utal si Roberto habang inihaharang sa sarili ang mga braso nito.
"Maru!" saway muli ng kaniyang ina.
"Bakit hindi mo tanungin Inay itong magaling mong asawa at nang malaman mo kung anong mga kalokohan ang ginagawa niya sa akin!" Walang kaide-ideya si Marissa sa tinutukoy ng anak. Naguguluhan ito sa nangyayari. Para kasi rito ay isang mabuting ama si Roberto kay Maru, kaya naman buo ang tiwala nitong walang gagawing masama ang asawa.
"H-huwag k-kang m-maniwala s-sa k-kaniya! S-siya n-nga i-itong m-may g-galit s-sa a-akin a-at b-bigla n-na l-lang a-akong t-tinutukan n-ng k-kutsilyo." Malayong-malayo ang itsura ngayon ni Roberto kumpara sa nagdaang gabi. Ang dating demonyo ay nagmistulang mabait na tupa habang nagpapaawa sa ina ni Maru. Agad na nilapitan ni Marissa ang asawa at iniharang ang sarili mula sa patalim na hawak ng anak.
Napailing si Maru dahil dito. Alam niyang mas pinaniniwalaan ng ina ang asawa nito kaysa sa kaniya.
Palipat-lipat ang tingin ni Marissa sa dalawa. Habang sinusubukang awatin ang dalagita. Wala siyang maintindihan sa nangyayari ngunit tila mas pinaniniwalaan nito si Roberto.
"Ano ba, sinabi kong tumigil na kayo!" galit nitong wika.
"Ano Inay? Mas paniniwalaan mo ba itong lalaking 'to kaysa sa sarili mong anak?" Si Maru na tila nais nang sumabog sa galit. Idinuro pa niya ng paulit-ulit ang hawak na kutsilyo sa lalaking nagtatago sa saya ng kaniyang ina. "Paulit-ulit akong ginagahasa ng asawa mo, Inay! Tapos kakampihan mo pa 'yang hayop na 'yan?" Duro niya kay Roberto.
Halos manlaki ang mata ni Marissa sa narinig. Maging si Roberto ay hindi inaasahang magsusumbong ang dalagita. Hindi agad nakaimik ang ginang. Tila hindi makapaniwala sa sinasabi ng anak. Ngunit taliwas sa inaasahan ni Maru na kapag nalaman ng ina ang ginagawa sa kaniyang kababuyan ng amain ay kakampihan siya ng ina.
Isang malutong na sampal ang dumapo sa pisngi ni Maru. Halos mapangiwi siya sa sakit. Nanlaki ang mga mata niya sa gulat dahil sa ginawa ni Marissa. Hawak-hawak niya ang sariling pisngi. Pakiramdam niya ay nag-iinit iyon dahil sa hapdi.
"N-nay. . ."
"Wala kang utang na loob! Paano mong nasasabi ang mga kasinungalingan na 'yan pagkatapos ng ginawa sa 'yong pagpapalaki ng Tito Roberto mo? Hindi niya magagawa ang ibinibintang mo dahil alam ko kung paano ka niya itinuring na parang totoong anak! Tapos ito lang ang igaganti mo sa kaniya? Ang magsinungaling at pagbintangan siya!" galit na galit na sambit ni Marissa. Tama nga si Maru, pagdating sa amain ay talo siya. Hindi siya kakampihan ng ina dahil alam niya kung gaano ito kamahal ni Marissa at kung gaano kalaki ang tiwala nito para sa asawa.
Sobrang nasaktan si Maru hindi dahil sa pinagbuhatan siya ng kamay ng kaniyang ina kundi dahil sa mas pinili nito ang hayop niyang amain kaysa sa sariling anak. Wala ng saysay pa ang magpaliwanag. Ilang saglit pang nagpigil ng mga luha si Maru. Ayaw niyang magmakaawa para lang paniwalaan siya hanggang sa bitawan niya ang hawak na kutsilyo. Bumagsak ito sa sahig. Walang lingon-likod siyang umalis at iniwan ang dalawa. Ngayon wala na siyang dahilan para manatili pa sa poder ng ginang.
BINABASA MO ANG
PLEASURE FOR RENT (Ang Makabagong Magdalena)
RomanceDESCRIPTION ******** Maru Yvone Alkatheeri is a woman who doesn't believe in love. Money is more importan to her. Ang laman lang ng wallet ng kaniyang mga nagiging lalake ang minamahal niya. Dahil para sa kaniya, katawan lang niya ang gusto ng mga i...