Chapter One: God's Gift to Women and Women-At-Heart

14.1K 190 9
                                    

PATUNGO si Val o Miss Valiana Mercedes sa faculty room kung saan kukunin niya ang mga kakailanganing mga materyales sa unang araw ng klase. Nang mapasulyap siya sa ilang mga mag-aaral na nakatambay sa hallway ay napansin niya na nagsipagtindigan ang mga balahibo ng mga ito. Anino pa lang niya ay isa nang pangitain para sa mga mag-aaral. Siya ang pinakanakakatakot na guro sa buong Academy of St. Clare of Assisi or ASCA, isang non-sectarian private school sa Quezon City.

Inilapag niya ang kanyang bag sa puwesto niya. Hindi pa man siya nakakaupo ay kinuha na niya ang kanyang aklat at sinimulang aralin ang kanyang unang leksyon. Kinuha niya ang isang lapis sa pencil holder sa harap niya. Pinaikot-ikot niya ito sa kanyang mga daliri at mabilis na sinagutan ang mga katanungan sa libro. Isa siyang guro ng Sipnayan o Matematika.

"Hello, Mars. Magandang umaga," bati sa kanya ng isa sa malalapit na co-teachers niya. Ito si Dessa o kilala bilang si Miss Toribio. Isa itong English teacher.

Itinaas lang niya ang kanyang ulo at ibinalik ang atensyon sa pagsasagot ng mga exercises sa aklat. Sa bilis niyang mag-solve ng mga Math problems ay hindi man lang niya nagawang ikurap ang mga mata. At sigurado siyang tama ang mga kasagutan niya. Hindi man lang siya nag-abalang gamitin ang pambura sa dulo ng lapis niya.

"Uy, Mars. Ang seryoso mo naman d'yan." Napansin nito na sinasagutan niya ang mga activities sa aklat. "Bakit mo naman sinasagutan ang mga 'yan? Magtuturo ka na kaagad ngayong araw?"

"Oo," matipid na tugon niya. Ayaw niya nang nakikipagtsismisan, kahit pa sa kanyang malapit na kaibigan.

Sumimangot ang mukha nito. "Masyado ka namang excited magturo. First day pa lang ngayon ng klase, Mars. Hindi pa naka-kondisyon ang utak ng mga bata para ma-absorb nila ang lesson mo. Magpa-Getting To Know Each Other game ka muna. Tutal, hindi nila gaanong kakilala ang isa't isa dahil hindi sila magkakaklase last school year."

"Wala akong dapat sayanging oras." Imbes na ibato niya ang kanyang tingin sa kaibigan ay nabanaagan niya ang sarili sa harap ng salamin. Tiningnan niya ang kanyang pigura.

Siya ay inampon ng kanyang Tiya Roselda. Si Miss Roselda Orense ay isang public school teacher. Nagsimula itong magturo noong 1965. At nagretiro ito sa serbisyo nang siya na ang pumalit dito, ten years ago. Ito ang dahilan kung bakit siya naging isang guro.

Bumilib siya dito nang minsang isama siya nito sa paaralan. Ang lahat ng mga mag-aaral sa harap nito ay nagmistulang mga robot. Ang mga ito ay dito lang nakatingin habang nagtuturo ng leksyon. She was so fascinated in the discipline of the kids then.

Ikinumpara niya ang ilang mga guro sa kanyang tiya. Ang ibang guro ay hindi nirerespeto ng mga mag-aaral. Madalas na pinagti-trip-an ng mga ito ang mga gurong hindi marunong manlaban at magdisiplina. Ngunit ang anino pa lang ng kanyang tiya ay magkukumahog na ang mga bata na bumalik sa mga upuan ng mga ito.

Sobrang nagustuhan niya rin ang hitsura ng mga guro na hindi nagpapakita ng ngiti sa mga bata, laging nakapusod ang buhok at higit sa lahat, may antiparang singkapal ng lapis ang frame. Literal na sample ng hitsurang ito ay si Miss Tapia ng Iskul Bukol, na noong panahong sumikat ang palabas na ito sa telebisyon ay binansagan ang tiya niya ng pamosong tauhang ito.

Isang malaking impluwensiya sa kanya ng kanyang tiya ang pagpapalaki nito na may pagkamuhi sa kanyang ama. Hindi pa man siya nagkakaisip ay iniwan na siya ng kanyang tatay matapos bawian ng buhay ang kanyang ina sa panganganak. Wala rin siyang magagawa dahil dala niya ang apelyido ng hudas niyang ama na Mercedes. Sa sobrang kastriktuhan ng kanyang tiya ay lahat ng bagay ay hindi ipinalasap sa kanya. Alam na alam niya ang ibig sabihin ng mga salitang 'tropa', 'crush' at 'lakwatsa', dahil ni isa sa mga ito ay hindi niya naranasan. Gayunpaman, para sa kanya ay maiging iwasan ang mga ito dahil hindi ito makabubuti sa kanya.

Ang Lalaking Sumira Sa Aking Mga Pangarap [PHR Novel - Completed]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon